Kabanata 11 - Bangin ng Pag-Ibig

60 4 1
                                    

Kabanata 11 - Bangin ng Pag-Ibig


"Ang aking pagiging imortal ay isang biyaya?" tanong ni Adelaida sa sarili habang palakad-lakad sa sariling silid. "Sino ang nililinlang ng lalaking iyon?"

Magdamag na napaisip si Adelaida sa naging pag-uusap nila ni Stone. Palagi ring pumapasok sa isip niya ang mga ngiti ng mga taong nasa loob ng silid. Napapaisip rin siya na parang nahatak na rin ng masayang lugar na iyon ang kaniyang kalooban. Siguro'y isa siya sa mga nilalang na patuloy pa ring naghahanap ng isang tunay na kaligayahan.

Napaisip rin siya sa pagkakaulit ng nakaraan. Kung patuloy siyang iiwas, hindi matutuldukan ang kanilang kapalaran. Ang sakit ay babalik at babalik, at kung wala siyang gagawin ay mas magiging miserable siya sapagkat sa lahat ng panahon ay mananatili siyang buhay upang masaksihan ang pagdurusa ng bawat isa.

"Ako'y mababaliw na," sabi ni Adelaida at napaupo sa isang upuang gawa sa kahoy. Hinimas niya ang kaniyang batok at biglang napatayo. "Kailangan kong kumilos."

Lumabas siya ng kaniyang apartment na hindi nagpapalit ng damit. Suot niya pa rin ang suot niya sa party kagabi. Magulo rin ang buhok at amoy-alak pa ang dalaga.

Pinagtitinginan siya ng mga tao na labis niyang pinagtataka. Hindi na lang niya iyon inalintana at nagpasyang bilisan ang paglakad.

Nang makarating sa tapat ng building kung saan matatagpuan ang condo ni Stone ay kumunot ang noo niya. Agad niya kasing napansin ang binata na nakasakay sa kaniyang motor. Mukhang nagmamadali ito dahil hindi niya agad napansin ang dalaga.

Nagtaka naman si Adelaida nang bigla itong humarurot ng takbo. Sinundan niya naman si Stone gamit ang abilidad na makapunta sa ninanais na lugar sa isang iglap o ang teleportasyon. Nang makarating sa lugar na pinuntahan ng binata ay mas nagsalubong ang kaniyang kilay.

Mga nag-inumang lasing na ngayon ay natutulog sa kalye. Mga barung-barong na sa isang hampas ng hangin ay agad na bibigay. Ang mga batang-kalye na nangongolekta ng mga basura sa umaga. Ang mga insektong dumadapo sa kaniyang balat at ang mga nagkalat na basura.

Kahirapan.

"A-Aray," napaluhod si Adelaida sa biglaang pagsakit ng kaniyang dibdib. Napadaing siya at hindi makagalaw sa kaniyang puwesto. Parang binibiyak ang kaniyang puso sa di malamang dahilan.

Naguluhan siya sa kaniyang nararamdaman. Ang mga luha ay biglang bumuhos sa kaniyang mga mata at siya'y nagtatanong kung bakit. Hindi niya alam ang dahilan kung bakit siya'y nasasaktan.

"Nay! Please, tama na!" sigaw ng isang pamilyar na boses ng lalaki. Napalingon si Adelaida sa kaliwa at nakita ang motor na sinakyan ni Stone sa harap ng isang barung-barong. "Huwag mong saktan si papa, kakagaling niya lang sa isang operasyon!"

"Isa ka ring inutil ka!" sigaw ng isang babae at nakarinig siya ng isang malakas na kalabog. Pagkatapos 'nun ay biglang mas kumirot ang puso niya. "Kung pinakasalan mo lang ang babaeng 'yon edi sana nakaluwag-luwag tayo ngayon! Pareho kayo ng tatay mong bobo!"

"Maamaa! Ayaw ko awaayy!" sigaw ng isang batang babae sa loob ng tahanan. Mas napaiyak si Adelaida. Ngayon ay alam na niya kung bakit.

Sinasalo niya ang pait at sakit na nararamdaman ng lalaki.

"Bahala kayo sa buhay niyo!" sigaw ng babae at biglang bumukas ang pinto ng tahanan. Nang iangat ang ulo ay nagtama ang kanilang paningin ni Stone na nasa loob ng barung-barong. Mas lalo siyang nakaramdam ng kirot.

Sa gilid ni Stone ay ang nakaupong ama na hawak-hawak ang isang panyo na nakalagay sa noo na patuloy sa pagdurugo. Katabi niya'y isang batang babae na umiiyak.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 08, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

KadenaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon