Kabanata 10 - Mga Pusong Nagpapakalunod

39 5 0
                                    

Kabanata 10 - Mga Pusong Nagpapakalunod

"Sigurado ka bang angkop itong aking kasuotan sa dadaluhan nating pagdiriwang?" tanong ni Adelaida kay Claude habang pilit na binababa ang suot na maikling shorts. Ipinares ito sa isang cropped top na kulay puti at may nakasulat na Hop In. Si Claude ang nagpasuot nito sa kaniya.

"Siyempre! More than qualified!" sagot ni Claude habang tinitignan ang ayos ng dalaga. Nang tignan nito ang suot na sapatos ay napasimangot ito. "Taliin mo na sintas mo, baka papunta na dito ang pinsan mo."

"Sintas? Ano iyan?" tanong ng dalaga. Nagtaka naman si Claude sa kaniyang tanong.

"Shoelace in English!" sagot ni Claude at itinuro ang sintas ng sapatos ni Adelaida. Nang makuha ni Adelaida ang ibig sabihin ng binata ay napatango siya.

"Ngunit hindi ko alam kung papaano," sagot ni Adelaida. Nagulat naman ang binata.

"Nakatira ka ba sa kuweba?" tanong ni Claude at lumuhod upang taliin ang sintas. "Sabihin mo na lang kasi na gusto mong ako ang mag-ayos ng sapatos mo, ikaw talaga babe."

"Hindi ako nakatira sa isang kuweba, ako'y nanggaling sa isang kumbento," sagot ni Adelaida na nagpatigil kay Claude. Naiangat niya ang kaniyang paningin at tinignan ang dalaga.

"K-Kumbento?" tanong ni Claude. Napataas ng kilay si Adelaida at nang mapagtanto ang mga salitang nabitawan ay napakagat siya ng labi.

"Ang ibig kong sabihin ay nanatili ako sa isang kumbento dahil isa akong ulila. Nanirahan ako sa bahay-ampunan noong ako'y isang paslit pa lamang hanggang sa may nag-ampon sa akin," kuwento ni Adelaida. Napahanga siya dahil hindi pa rin kumukupas ang galing niya sa pagsisinungaling.

"Talaga? Edi hindi kayo totoong magpinsan ni Bato?" tanong ni Claude. Tumango si Adelaida.

"Parang ganoon na nga," sagot na lang ng babae. Napaniwala niya naman ang uto-utong si Claude.

"May naalala kasi ako sa isang kumbento, noong isang araw kasi ay nag-ghost hunting kami sa isang abandonadong kumbento, sobrang nakakakilabot," sagot ni Claude at napayakap sa sarili. Tumayo ito at pinagpagan ang suot na pants. "Tara na nga, tumayo bigla balahibo ko."

Sumunod naman si Adelaida kay Claude na lumabas ng kaniyang apartment. Tinali nito ang mahabang buhok at kahit giniginaw sa suot niya'y hindi na siya nagsalita.

"Magkatapat lang rooms natin ah," sabi ni Claude at itinuro ang pinto ng kaniyang apartment na nasa harap ng nirerentang kwarto ni Adelaida. "Itinadhana talaga tayo, mahal."

Kumunot ang noo ni Adelaida sa mga salita ng binata. "Mahal? Ngunit hindi kita kasintahan. Hindi kita mahal."

"Ouch! Ang sakit 'nun ah!" sagot ni Claude at hinawakan ang dibdib niya. "Hindi bale, papaibigin kita balang araw."

Sasagot na sana si Adelaida nang may biglang humila sa kaniyang braso at kinaladkad siya papalayo. Muntikan na niyang magamit ang kapangyarihan buti na lang at nasilayan niya ang lapastangang humila sa kaniya.

"Hoy Bato! Huwag mong ginaganyan ang pinsan mo!" sigaw ni Claude na nakahabol ngunit hindi siya pinansin ni Stone. Nang makalabas sa building ay sumakay silang dalawa sa isang motor.

"Hoy! Huwag niyo akong iwan!" sigaw ulit ni Claude ngunit huli na ang lahat dahil matapos makasampa ni Adelaida sa likod ay mabilis na humarurot ang motor. Nabigla si Adelaida at napahawak sa balikat ni Stone.

Nang medyo makalayo-layo na ay hininto ni Stone ang motor sa gilid ng kalsada. Hindi naman nagsalita si Adelaida dahil ayaw niyang kausapin ang binata at baka masumpa pa niya dahil sa pagkaladkad nito.

KadenaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon