Kabanata 7 - Kabilang Dulo
"Doon ang unit mo sa third floor," sabi ng landlady. Matapos punan ni Adelaida ang form na ibinigay ng matanda ay inilabas nito ang perang nakuha sa isinanglang alahas.
"Wala ka bang ID?" tanong ng matanda. Inisip ni Adelaida ang nabasa niya sa isip ni Stone noong hinawakan niya ang kamay ng binata sa elevator. Nalaman niya agad kung ano ang ID na tinutukoy ng matanda.
"Patawad, ngunit ito'y aking naiwan sa probinsyang pinanggalingan ko," sagot ni Adelaida.
"Naglayas ka ba, ineng?"
"Oo, sapagkat ako'y nasasakal na sa kahirapang nararanasan."
"Eh ang yaman mo nga eh! Kay bata bata pa tapos afford ang pinaka-mahal na unit dito? Limpak-limpak pa ang perang nasa kamay mo!" sabi ng matanda at tinuro ang salaping hawak-hawak.
"Huwag kang maraming tanong bata o ikaw ang aking masasakal," banta ni Adelaida. Nagsalubong ang kilay ng landlady.
"Aba! Di ka marunong rumespeto ah! Mukha ba akong bagets sa paningin mo?" galit na tanong ng matanda. Napagtanto ni Adelaida na kahit mas matanda siya'y ang paningin pa rin ng mga tao ay isa siyang dalaga.
"Patawad muli, salamat sa iyong paghatid sa akin sa magiging silid ko, ikaw ay makakaalis na," sabi ni Adelaida.
"Kakaiba naman ang pananalita mo, ineng. Eto na ang susi," sabi ng matanda at inabot ang susi. Walang kangiti-ngiti itong tinanggap ni Adelaida at pumasok na sa loob.
Mas maluwag ang kwartong iyon kaysa sa silid ni Stone. Kulay bughaw ang dingding nito at bughaw rin ang sahig na binaldosa. May dalawang kwarto na may sariling CR at isang kusina. May balkonahe rin. Masyado iyong malaki para sa kaniya.
"Mamimili muna ako ng mga gamit," sabi ni Adelaida sa sarili at lumabas na ng unit nito. Mabilis niyang tinahak ang daan palabas ng building.
Gumawa siya ng listahan ng mga gamit sa kaniyang isip. Gagayahin niya ang mga nakitang bagay sa loob ng condo ni Stone maliban sa first aid kit dahil hindi na niya kakailanganin iyon.
Habang naglalakad ay napahinto siya sa tapat ng isang simbahan. May kung anong bagay na bumara sa kaniyang lalamunan. Halu-halo ang emosyong naramdaman niya, isa na doon ang poot. Naiyukom niya ang mga kamao at hinarap ang simbahan.
Pilit niyang sinasabi na ayaw niya ngunit dinala pa rin siya ng kaniyang paa papasok. Pikit-matang humakbang ito at inilagay ang daliri sa banal na tubig at nang payapa itong nagawa ay tumulo ang luha sa kaniyang mga mata.
Lumuhod siya habang nakatingin pa rin sa lalaking nakapako sa krus. Nanginginig ang kaniyang mga kamay ngunit nanalangin pa rin siya.
"A-Akala ko'y hindi mo na ako matatanggap sa loob ng iyong tahanan, Panginoon," sabi ni Adelaida sa isip. Patuloy pa rin siyang naghihinagpis. "Matapos kong gawin ang isang malaking kasalanan ay hinayaan Mo pa rin akong lumapit sa Iyo, ako'y hindi nararapat sa Iyong pagmamahal."
"Hindi maganda ang aking karanasan sa loob ng simbahan dahil sa mga prayle noon, kaya nawalan ako ng pag-asa't lumayo sa Iyo. Pinaniwala ko ang sarili kong hindi Ka totoo, at hindi ko kailangan ang Iyong pagsalba, ngunit heto ako at nagsusumamo na ako'y Iyong sagipin sa pag-ulit ng nakaraan. Hindi ko alintana ang habang-buhay na pagdurusa, ngunit hindi ko kakayaning makita ang mga luha ng mga taong nasa buhay ko dahil sa aking pagkatao. Ako'y gabayan mo, Panginoon."
Matapos manalangin ay tumayo na si Adelaida. Pinunasan nito ang mga luha saka ngumiti. Ang pakikipag-usap sa Ama ay nakapagpagaan sa loob niya. Ngunit hindi pa rin nito maiwasang mangamba sa maaaring mangyari sa hinaharap.
BINABASA MO ANG
Kadena
General FictionY los siete pecadores están destinados a ser uno. Lahat tayo ay may kadenang nakapulupot sa ating mga kaluluwa. Kinukulong nito ang tunay na kaligayahan sa pinakamadilim na parte ng ating pagkatao. Kaya kahit walang mabigat na rason, kusa tayong nak...