CHAPTER 3

146 6 0
                                        

Malapit na sila sa Villa de Alonzo. Parang gustong bumaliktad ng sikmura niya nang makita ang malaking gate ng dating Beauty Queen. Hindi niya alam kung ano'ng korona ang naiuwi nito dahil hindi naman siya mahilig magbabad sa internet, pero tiwala siyang ang korona nito ang nagdala dito ng limpak-limpak na salapi.

Siguradong magiging maganda ang buhay ni Jiana sa pamilyang ito, pero hindi naman niya hinihingi ang kahit na ano’ng yaman para sa anak niya at hinding-hindi niya ito ipamimigay. Masaya naman silang dalawa. Oo nga’t excited lang ito ngayon dahil sa swimming, pero alam niyang mas magiging masaya pa rin ito sa simple nilang buhay.

Awtomatikong bumukas ang malapad na gate sa harap nila nang may pindutin si Ben sa mga buton sa kotse. Nagmaneho pa sila ng ilang minuto at dumaan sa malawak na kakahuyan bago nila narating ang villa.

Nag-park lang sa tapat ng magarbong entrada ang kotse saka sila tinulungan ni Ben sa pagbaba sa kotse. “Naghihintay na si Madam sa loob.” Sabi ni Ben, hindi na lang siya pumalag nang yayain silang mag-ina nang dalawang katulong na sumalubong sa kanila.

Pagkapasok nila sa malaking bahay, nabungaran nila ang malawak na sala. Kung tutuusin, pwede ng lagyan ng swing, seasaw at slide ang sala na iyon sa laki. Tulad niya, hindi rin umiimik si Jiana. Nakita nilang nakaupo sa isang mahabang sofa si Francisca at giliw na giliw itong nakatitig sa anak niya. Tumayo ito. “Pumasok kayo. Kamusta ang biyahe?”

“Maayos naman po.” Sabi niya. Nakakapit pa rin si Jiana sa kanya, kaya umupo siya upang pumantay sa anak at kinausap ito ng maayos. “Anak. Siya si Lola Francisca. Lola siya ng Daddy mo.”

“May Daddy na ako? Asan si Daddy?” inilibot pa ng anak niya ang tingin sa lahat ng pwedeng matanaw sa loob ng mancion na iyon.

“Uhm, h-hindi ko alam eh, pero hinanap ka ni Lola. Naalala mo diba nung nagpunta sila sa house kahapon? Gusto ka kasi niyang makilala. Mula ngayon, dapat love mo si Lola ha.”

Tiningnan lang ito ng bata. Matalino naman si Jiana alam niyang naiintindihan nito. Hindi na niya ito kinausap kagabi ng tungkol sa bagay na iyon dahil alam niyang marami na naman itong magiging tanong. Mas mabuting makilala na muna nito si Francisca bago niya sagutin ang lahat.

Inakay niya ito palapit sa matanda. Sa una, ayaw talagang lumapit ni Jiana, pero pagkatapos lang ng ilang minuto, nag-mano na ito kay Francisca. Nakita niyang natuwa ang matanda sa ginawa ng anak niya kahit hindi niya ito sinabihang mag-mano.

“Hello po. My name is Jiana.”

“Hi Jiana. I am your Lola. Can I hug you?”

Hindi naman tumutol ang anak niya nang kargahin ito at yapusin ni Francisca. Tumingin ito sa kanya saka nagpasalamat.

“Mabigat ka, apo. Mahilig ka bang kumain ng pork?” pagkasabi noon ay naupo na ito at ikinalong na lang ang apo.

“No Lola. I only eat chicken and veggies and beef and candies. Sabi ni Mommy ko po, dirty daw ang pork.”

Natawa ang matanda sa kadaldalan ng anak niya. Bukod sa mga kinakain nito, naikwento na din ng anak niya ang tungkol sa mga kalaro nito sa lugar nila na palagi na lang itong tinutukso dahil nga wala naman itong Tatay. Pati ang mga imaginary friends nito, na minsan iniisip niyang kaluluwa na ng mga magulang ni Jethro na minumulto ang anak niya dahil sa ginawa niyang pagtatago sa apo ng mga ito.

“Gusto mo pa mag-stay sa bahay ninyo? Sa’yo naman ‘tong house na ‘to.”

Tumingin muna si Jiana sa kanya bago sumagot. “Kasya kami ni Mommy dito?”

Napangiti ang matanda saka siya binalingan. “Maupo ka na. Akala niya yata iiwan mo na siya dito.”

Sumunod siya sa sinabi nito.

“Pasensya na po Madam ah, hindi po kasi pwedeng-“

“Isipin mo na lang na panahon naman namin para gumastos para sa apo ko. Hayaan mong maramdaman niyang kabilang siya sa pamilyang ito. Ano bang gusto mo para lang pumayag kang dito na tumira?”

Nakikita niya sa mukha ng matanda ang determinasyon na kumbinsihin siyang manatili. Ngunit parang wala ng kahit na ano’ng makakapagbago ng isip niya. “Hindi ko naman po kayo pipigilang pumunta sa amin para bisitahin siya.”

Halata sa reaksyon nito ang pagkayamot sa isinagot niya. “Sa edad kong ito, talagang pahihirapan mo akong makasama ang apo ko?”

“H-Hindi naman po sa ganoon. Baka lang po kasi makaabala kaming dalawa sa inyo. Isa pa po, baka isipin ng mga tao na sinasamantala namin kayo dahil lang apo niyo ang anak ko.”

“Alam ko naman ‘yon. Why would you care about what other people will say? Jiana belongs here. And you should too. Please, just let me be with my bisnieta. Let me take care of her before I die.”

Muli na naman siyang nginatngat ng kunsensya niya. Naroon siya sa puntong ayaw niyang umasa sa mga ito dahil baka mapagbintangan na naman siyang gold digger and at the same time, ayaw naman niyang maging kontrabida sa relasyon ng mag-Lola. Ipinaalaga muna ng matanda si Jiana sa isang katulong saka siya nito pinasunod sa isang silid na puno ng libro. Hindi nakakapagtakang book worm ang dating beauty queen dahil ganoon din naman si Jethro. Matalino ang lalaking iyon at magaling sa halos lahat ng bagay.

Pagkalapat ng pinto, lumapit ito sa kanya at iginiya siyang maupo ng kumportable sa isang couch. “Alam mo, hija. Wala akong pakialam sa nakaraan ninyo ng apo ko. Gusto ko lang na makasama si Jiana hanggang sa kung saan pa kayanin ng buhay ko. Matagal kong hindi nakasama ang anak kong si Nadja at ang mga anak niya. Everything was so painful for me when I chose my career over my family. Siguro nga kinarma ako sa mga maling desisyon ko noon, pero kailangan ko ang pamilya ko ngayon. Sana maintindihan mong sa matagal na panahon, naging malungkot ako at mag-isa. Iginugol ko lang ang buhay ko sa pagtulong sa mga tao dito sa Villa at sa Farm habang pinakikilos ko ang mga tao ko sa paghahanap sa nag-iisa kong anak at dalawang apo. Hindi mo alam kung gaano ako kasayang bukod sa nahanap ko si Jeva at Jethro ay nalaman kong mayroon pala akong apo sa tuhod. Pinagsisihan kong iniwan ko sila ng isang beses na naging dahilan para mawala sila sa akin ng ganoon katagal. Sana, putulin mo na ang paghihirap ko.”

Naluha siya sa sinabi ng matanda. “Wala naman po akong intensiyon na ipagdamot si Jiana. Okay lang po sa akin na makasama ninyo siya. Baka lang po kasi umasa siyang makakasama na rin niya ang Papa niya. Na magiging masaya kami dito. Sa loob ng apat na taon, mag-isa kong pinalaki si Jiana. At sanay ako sa ganoon. Ayoko lang po sanang baguhin ang lahat.”

“Alam ko. At humahanga ako sa’yo dahil duon. Sa pagkakataong ito, hindi ko naman inaalis sa’yo ang paghahanap-buhay. Pwede mo namang gawin ang trabaho dito sa hacienda. Bibigyan kita trabaho.” Sa totoo lang, hindi niya alam kung isa nga iyong magandang ideya dahil wala naman siyang alam sa farm! Ano’ng gagawin niya duon? Magpapagatas ng kalabaw?

“Ano pong trabaho?”

“Mrs. Jethro Diaz Payne. Iyan ang trabahong gusto kong ibigay sa’yo.”

Parang gusto niyang magka-nervous breakdown. “Ah… Ano po?”


NARIRINIG niyang may batang tawa nang tawa habang naglalaro ng tubig sa gilid ng pool pero ayaw niyang silipin dahil baka isa lang iyon sa mga ampon ng Lola niya. Mula nang iwan nito ang pamilya nila para sa mga ambisyon nito sa buhay, alam niyang nasanay na itong kumupkop ng kung sinu-sinong bata. Nakuha lang nito ang atensyon niya nang magsalita ito nang… “Asan Mommy Jill ko?”

“Nasa loob ng study room kausap ang Lola mo.” Sagot naman ng katulong ng Lola niya. “Kamukha mo ang Papa mo, ano?”

“Di ko alam po. Hindi ko pa nakita si Daddy eh.”

“Tuwid ka ng magsalita ah! Ilang taon ka na?”

“Forty-eight.” Saktong nakita na niya ito nang ipakita nito sa katulong ang apat nitong maliliit na daliri. May pagkachinita ang bata. Katulad niya, itim din ang buhok niyo at may matatambok itong pisngi.

Natawa lang ang katulong sa sagot ng bata. “Forty-eight ka na?” halata sa katulong na aliw na aliw ito sa bata. “Mas matanda ka pala sa akin kay trenta lang ako.”

“Hmp, malaki ka na eh. Bata pa ako.”

“Yaya, sino ‘yan?” tanong niya. Hindi naman niya inakalang magugulat pala ang bata sa boses niya kaya napatayo ito. Ang problema, na-out of balance ito kaya agad itong nahulog sa pool. Sa gulat nga katulong napatili na lang ito. Dala siguro ng adrenalin, bigla niyang tinakbo ang distansiya niya mula sa pool para tulungan ito. Malalim ang pool nila at sa liit nito, tiyak na hindi ito makakalangoy duon.

Nagkakakawag ang bata paglusong niya kaya agad niya itong binitbit. Tinulungan naman siya ng katulong para mailayo sa pool ang bata.

Nang maiubo nito ang lahat ng tubig na nainom nito, saka ito nag-iiiyak. “Mommy! Mommy!”

Nagmadali ang ibang katulong na nakakita para bigyan silang dalawa ng tuwalya. Ang katulong naman na kausap kanina ng bata ay kinarga ito para patahanin.

Isinuklay niya sa sariling buhok ang kanyang kamay bago niya nilapitan ang bata. “Tahan na.” tiningnan lang siya nito saka nagpatuloy sa pag-iyak.

“Ano’ng nangyari dito?” napalingon siya nang marinig ang boses ng Lola niya pero ang mas naging dahilan para matigilan siya ay ang babaeng bigla na lang tumakbo palapit sa bata. Nasa hitsura nito ang lubos na pag-aalala. Ilang hakbang lang ang layo niya dito.

“Anak. Ano’ng nangyari sa’yo? Nasaktan ka ba? Nahulog ka sa pool?” sunud-sunod na tanong nito sa paslit. Hanggang sa wakas tumigil na din iyon sa pag-iyak. Hindi niya alam kung nakita na ba siya nito o kung kilala pa ba siya ng babaeng iyon. Pero isa lang ang nasisiguro niya. Kabisado pa rin niya ang bawat sulok at kurba sa katawan nito. She’s still that girl he used to love. Parang hindi siya makapaniwalang nanganak na ito.

Para siyang napako sa kinatatayuan nang bigla itong mapatingin sa kanya. Mabuti na lang at marunong na siyang umarte kaya imbes na ipakita dito ang tunay na nararamdaman niya sa muli nilang pagkikita, nakuha niyang kalmahin ang sarili at nagkaroon siya ng lakas na lumakad palayo duon.


INIISIP niyang humingi na ng oxygen tank kanina dahil hindi na siya makahinga. Sa sobrang mag-aalala niya nang makitang basang-basa si Jiana at umiiyak, hindi na niya napansing nakatayo lang sa malapit si Jethro. Hindi na natuloy ang pag-uusap nila dahil bigla na nga nilang narinig ang pag-iyak ni Jiana.

Kinapa niya ang anak na nasa kanlungan niya ngayon. Nakahinga lang siya nang maluwag nang masigurong wala itong galos habang sinundan naman ni Francisca ang apo sa loob ng bahay.

“Mommy, okay lang po ako.”

“Hindi ka na magsi-swimming ha. Tingnan mo ‘yan.”

“Ahh… gusto ko pa rin.” Pagrereklamo nito.

“Hay nako Jiana. Magtigil na. Uuwi na tayo.”

Napatingin siya sa dumating. Pamilyar sa kanya ang mukha ng babae. Kaya hindi na siya nagulat nang lapitan siya nito. “Jill.”

Hindi siya makatingin dito ng diretso. Alam niyang galit sa kanya ang babae dahil sa ginawa niya four years ago.

“I think you need to be inside. Mag-usap kayo ni Jethro.”

Parang may pumukpok sa dibdib niya nang marinig iyon. “Sa tingin ko, aalis na lang kami ng anak ko. Hindi ko alam na nandito kayo.”

“Kadarating lang namin. At pwede bang ‘wag ka ng mag-inarte. ‘Wag mo ng pahirapan ang kapatid ko.”

Bigla na lang siyang niyakap ng anak niya. “’Wag mo po awayin si Mommy ko!”

“Anak, hindi niya ako inaaway. Ano ka ba. Ang mabuti pa, maglaro ka na muna duon. Mag-uusap lang kami.”

Napilitang sumunod sa kanya si Jiana at naupo ito sa may patio set.

“J-Jeva. Hindi ko naman intension na makigulo dito. S-”

“I already knew that Lola is trying to find you. Sa totoo lang, tinulungan ko pa siya para mahanap ka. Hindi ko din inakalang mapapatunayan nila Ben na pamangkin ko ang anak mo.” Sinilip nito ang anak niya na nahuli niyang nagpunas ng luha. “Paano nga ba namin maipagkakailang kapamilya namin siya, e kamukhang-kamukha siya ni Mommy. Malamang naaalala ni Lola sa kanya ng sarili niyang anak.”

“Hindi ko naman ipagdadamot si Jiana. Pwede naman kaming bumisita dito.”

Tumaas ang kilay nito. “I think Grandma would like you to stay here. Kung ipapakilala mo sana ang anak mo sa pamilya niya, baka sakaling magustuhan niya rin dito. Pumasok na kayo sa loob.” Pagkasabi noon, nauna na si Jeva. Nilapitan niya ang anak niya saka ito kinuwentuhan.

“Anak, gusto mo bang makilala ang Daddy mo?”

Isang malaking ngiti ang sumilay sa mukha ng anak niya bago ito sunud-sunod na tumango. “Opo, Mommy.”

She smiled at her and she silently reminisce the day she first saw him.


Four Years Ago

Gusto niyang magpasalamat sa lahat ng angel na gumabay sa kanya sa araw na iyon dahil hindi siya na-late sa pinaka-importanteng araw sa buhay niya. Magpa-part time siya ngayon sa isang sikat na production set para sa morning show ng number one showbiz network sa bansa. Mabuti na lang at isinama siya ni Bianca sa raket nito. Bukod kasi sa magkaka-anda siya e tiyak na makikita niya pa ang ultimate crush niya nang personal for the very first time!

Para na siyang naka-jackpot nito kaya kiber na kung siya ang unang tao sa set bukod sa taga-linis na kasalukuyang paalis na rin. Tinitingnan na siya ng masama ng babaeng iyon kaya tinawagan na niya si Bianca. “Asan ka na ba, Biancs?”

“Malapit na. May ten minutes pa. And'yan na ba ‘yung iba?” sabi nito mula sa kabilang linya.

“Wala pa. Oh, may dumating ng isa.” Ibinulsa na muna niya ang cellphone niya saka hinarap ang bagong dating. “Hi po. Jill Lazaro po, yung tutulong sa make-up.” Nakangiting naglahad siya ng kamay.

Ngumiti lang ang babaeng dumating saka nagsimula ng mag-ayos ng mga maliliit na detalye sa set. Ibinulsa na lang niya ang napahiya niyang shake hands.

Binalikan niya si Bianca sa kabilang linya para magpaalam saka siya tumulong sa babae.

“Ang aga mo naman dito. Padating pa lang ‘yung mga kasama ko.”

“Okay na po yung maaga kesa late. Ano po bang gagawin dito?” tanong niya habang hawak ‘yung mga heart cut-outs.

“Ididikit lang yan sa wall. Hindi ko na natapos kagabi kasi antok na antok na ako eh.”

“Tulungan ko na po kayo. A-Ano po palang pangalan niyo?”

Natawa ito. “Ay oo nga. Sorry. Ako si Mona. Teka lang Jill ah, kukuha lang ako ng kape para makapag-start na ako. Nag-almusal ka na ba?”

“Asus, opo. Tapos na. Ako na pong bahala dito.”

Sobrang sipag niya talaga today. Ang pangako niya kasi sa sarili bago matapos ang taon ay aabutin na niya ang pangarap niya kaya wala ng kahit na ano ang makakapigil sa kanya. This is it!!! Tili ng innerself niya.

Just One Day [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon