"GO MOOSE! Go Moose! Go Moose!"
Patuloy ang pag-indak ni Moose sa saliw ng musikang kasalukuyang pinatutugtog sa bar kung saan siya naroon. Hindi niya alintana ang pawis na bumabalot sa buong katawan niya, basta mapasaya lang niya ang mga taong nakapaligid sa kanya sa dance floor maging ang mga taong nasa kanya-kanyang mesa ng mga ito.
Despedida party iyon para sa kanya dahil sa susunod na araw na ang alis niya papunta sa Pilipinas, ang bansa kung saan tumira at lumaki ang kanyang ina, ang bansa kung saan nandoon ang babaeng kailangan niyang gantihan para sa pananakit sa matalik niyang kaibigan.
Yes, he will go that far for his best friend, his brother and one of the most important person in his life. Wala nang urungan 'to, tuloy na tuloy na ang pag-uwi niya sa bansang matagal na din niyang hindi napupuntahan.
Alam ng matalik niyang kaibigang si Vlad ang lahat ng plano niya. Ito pa nga ang nag-encourage sa kanya na iparanas sa babaeng iyon ang masaktan katulad ng ginagawa nito sa mga lalaking nagtatangkang makipag-lapit dito.
Bata pa lang sila ni Vlad ay magkasama na sila. Magkasama silang bumuo ng mga pangarap nila sa buhay at magkasama din nilang hinarap ang lahat ng problemang dumadaan sa buhay nila. Si Vlad ang naging inspirasyon niya sa kung gaano siya katapang at kalakas ngayon. Ito ang naging tagapagligtas niya noong mga panahong binu-bully siya ng mga kaklase niya maging ng mga nakakalaban nila sa mga dance competitions na sinasalihan nila.
Ito ang tumayong nakatatandang kapatid at ama sa kanya---bata pa siya nang mamatay ang daddy niya sa atake sa puso---kaya naman malaki ang utang na loob niya dito. Ito ang naging kasangga niya sa pagtira niya sa Amerika. At dahil ang pangako nila sa isa't-isa ay walang iwanan sa ere at wala nang puwedeng manakit sa kanila, gagawin niya ang ginagawa ni Vlad noon para sa kanya. Ito naman ang tutulungan niya sa problemang kinakaharap nito ngayon. At kung kinakailangan pa niyang lumipad sa bansang kinaroroonan ng nanakit dito, gagawin niya maipaghiganti lang niya ang taong mahalaga sa kanya.
Mabuti na lang din at pumayag ang mommy niya na umuwi siya sa bansa nito nang hindi nalalaman kung ano ang totoong dahilan. Ito pa ang nag-asikaso ng mga papeles niya sa papasukan niyang eskuwelahan at ang dating bahay nila na titirhan niya. May mga caretakers na nagbabantay doon kaya siguradong malinis na ang bahay kapag dumating siya.
Sa mga ganoong pagkakataon ay natutuwa siya na napaka-supportive ng mommy niya sa mga ginagawa niya sa buhay. Ganoon daw kalaki ang tiwala nito sa kanya kaya hinahayaan lang siya nito sa mga gusto niyang gawin.
Nang sa wakas ay matapos ang kanta ay hinihingal na bumalik siya sa mesang inookupa niya at ng mga kaibigan niya.
"Sigurado ka na ba talaga sa balak mo? Masaya naman tayo sa pinapasukan nating Arts School, hindi ba? Mas masaya sa NYAA kaysa sa mga Arts school sa 'Pinas." ani Emily. Abala ito sa pagsimsim sa cocktail drink na hawak nito. Ang tinutukoy nito ay ang New York Academy of Arts kung saan sila pumapasok na magkakaibigan.
"Oo nga naman, Moose. Ayaw mo na ba kaming makasama? Mas gusto mo pa ba do'n kaysa dito?" nakalabing pagpapaawa naman ni Natalie, ang bunso sa kanilang lahat.
Natatawang umiling-iling siya. "Guys, don't be so melodramatic. Nothing will beat the life that I have here. I just need to do some stuff in the Philippines that's why I need to go there to study. 'Wag kayong mag-alala, babalik-balik naman ako dito kapag bakasyon." paliwanag niya sa mga ito.
Walang tatalo sa mga kaibigan niya. Kahit na magkakaiba sila ng personalidad at pag-uugali, nagkakasundo pa din naman sila at pare-pareho nilang mahal ang pagsasayaw. Tama, pagsasayaw ang pinagkakaabalahan niya sa New York habang nag-aaral siya at ang mga kaibigan niya na mga Half-Americans, Half-Filipinos din na katulad niya ang kasama niya sa pagsasayaw sa kung saan-saang lugar.
BINABASA MO ANG
Love Revolution 1: Sangmi, The Queen Fairy [Published under PHR] (Complete)
Romance"Love is not enough for two people to be together." MAN HATER. Paasa. Pabebe. Pa-fall. Ilan lang iyan sa mga bansag sa Koreanang si Sangmi Kwon, presidente ng Hendrix International Dance Troupe at leader ng grupong Tinkerbell. Pero wala siyang pakia...