BASANG-BASA na ng pawis si Sangmi pero hindi pa din siya tumigil sa pag-indak habang tinitignan ang repleksiyon sa salaming nasa harap niya. Kasalukuyan siyang nasa dance studio para mag-ensayo at bumuo ng sarili niyang dance steps na maico-contribute para sa sayaw ng Tinkerbell sa birthday party na dadaluhan nila.
Mabuti na iyong maging maagap siya sa paggawa ng mga steps kaysa naman paulit-ulit na mga sayaw lang ang i-perform nila. Oo at magpe-perform din sila ng isang Kpop dance dahil Kpop fan ang celebrant pero mas maganda nang may iba pa silang maisingit na dance number para sa mga bisitang hindi naman fan ng Kpop.
Madalas ay siya ang nag-aasikaso sa lahat ng kailangan ng Tinkerbell mula sa dapat nilang isuot, mga dance steps maging ang iba pang kailangan ng mga ito ay siya din ang nag-aasikaso. At dahil magkakaibigan sila ay pino-problema din niya ang problema ng mga ito. Pakiramdam kasi niya ay responsibilidad niya iyon bilang leader ng grupo. Tama nang natutulungan siya ni Iane sa paghahanap ng mga raket nila, siya na ang bahala sa iba.
Hinihingal na sumalampak siya sa gitna ng studio nang matapos ang tugtog at napabaling siya sa may pintuan nang marinig ang malakas na palakpak na iyon. At ang malakas na tibok ng puso niya dahilan ng pagod sa pagsasayaw ay lalong bumilis dahil sa presensiya ng lalaking tanging dahilan kung bakit nagiging abnormal ang tibok ng puso niya at ang paraan niya ng pag-iisip.
"Ang galing mong sumayaw! Perfect na perfect ang timing at tamang-tama sa beat. The best!" eksaheradong puri ni Moose.
Nagbawi siya ng tingin bago tumayo at lumapit sa kinaroroonan ng mga gamit niya. "Anong ginagawa mo dito?" tanong niya sa halip na sagutin ang mga papuri nito.
"Wala lang. Tapos na kasi ang klase ko kaya naisip kong magpalipas ng oras sana dito sa studio habang naghihintay ng susunod na klase." sagot nito.
Hindi na niya ito sinagot at inabala ang kanyang sarili sa pagpupunas sa basang-basa ng pawis na katawan niya. Pagkatapos niyang magpunas ay kinuha niya ang tumbler niya at tinungga ang laman niyon. Nang matapos ay isinampay niya sa balikat ang tuwalya at isinukbit sa kanyang balikat ang backpack niya.
Nang lingunin niya ang weird na lalaki ay natigilan siya. Mataman kasi itong nakatingin sa kanya o mas tamang sabihing mataman siya nitong pinag-aaralan mula ulo hanggang paa. At sa unang pagkakataon ay na-concious siya sa hitsura niya. Itim na sports bra at asul na baggy pants lang kasi ang suot niya na tinernuhan ng asul ding high cut na chuck tailor. Iyon ang kadalasan niyang suot kapag nagpa-practice dahil doon siya kumportable at alam iyon ng lahat ng miyembro ng H.I.D. Wala naman kasi silang pakialamanan sa kung ano man ang isinusuot ng bawat isa kapag nandoon sila sa kanilang munting paraiso.
Kaya hindi niya alam kung ano ang mayroon sa tinging ibinibigay ni Moose at lalo siyang pinagpapawisan at hindi siya mapakali sa kinatatayuan niya.
Lumunok siya at kinalma ang sarili. Hindi talaga siya kumportableng mapalapit sa taong 'to, may pakiramdam kasi siyang may hindi magandang idudulot sa kanya ang binata. Hindi niya alam eksakto kung ano ang dahilan ng takot na nararamdaman niya pero hindi pa siya handang alamin iyon sa ngayon. Mas madami pa siyang importanteng bagay na dapat iniisip kaysa ang isang 'to.
"Puwede mo na 'tong gamitin, tapos na naman ako eh." malamig na sabi niya dito. Naglakad na siya papunta sa pinto. Magsha-shower lang siya at magyayaya na siyang kumain kung sinuman sa mga kaibigan niya ang makita niya sa labas. At maganda siguro kung may kahit isa siyang masabihan tungkol sa weird na lalaki na nagngangalang Moose.
Bago siya tuluyang makalabas ng silid ay narinig niyang nagsalita ito kaya awtomatiko siyang napatigil sa paglalakad. "I know that you're not yet comfortable with my presence. Maybe I'm freaking you out by my actions and for that, I want to say sorry. I just want tell you that you caught my attention the first time I met you and I like you. I want to know more about you and I intend to court you. Kaya please, sana bigyan mo ako ng chance."
BINABASA MO ANG
Love Revolution 1: Sangmi, The Queen Fairy [Published under PHR] (Complete)
Romance"Love is not enough for two people to be together." MAN HATER. Paasa. Pabebe. Pa-fall. Ilan lang iyan sa mga bansag sa Koreanang si Sangmi Kwon, presidente ng Hendrix International Dance Troupe at leader ng grupong Tinkerbell. Pero wala siyang pakia...