NAHAHAPONG ibinagsak ni Sangmi ang kanyang katawan sa sofa. Wala na siyang lakas para umakyat pa sa kanyang silid para magpahinga. Iyon ang ikalawang beses sa linggong iyon na naubusan siya ng enerhiya at kasalanan iyon ng Moose the Goose na iyon dahil pinapagod siya nito sa page-ensayo para sa practical exam nila.
"Good evening, baby girl. Bakit ngayon ka lang?" salubong sa kanya ng kanyang ina na hindi man lang niya namalayang nakalapit na pala sa kanya.
"Medyo late po kasi natapos iyong practice namin eh. Don't worry, mommy dahil matatapos na kami sa routine namin. Kapag okay na ako do'n, babawi ako sa'yo." pagod na pangako niya sa kanyang ina. Pumikit siya at hinayaang dumausdos ang sariling katawan sa mahabang sofa.
Ilang linggo na ding nananatili doon ang kanyang ina para makasama siya pero mas madalas pa niyang kasama ang mga kaibigan kaysa dito. Kung hindi kasi siya abala sa academic, sa pagsasayaw naman siya nagiging abala. At dahil malapit na ang Kfest at ang birthday party na dadaluhan nila, hindi sila puwedeng magpahinga at kailangan nilang makabisado ang mga steps para sa tatlong kantang sasayawin nila.
Naramdaman niya ang pag-angat ng ulo niya at mayamaya lang ay nakaunan na siya sa mga hita ng mommy niya. Napangiti siya nang haplos-haplusin nito ang buhok niya. "Ayan ka na naman sa pagpapagod mo, Sangmi. Hindi ka na naman magpapahinga diyan sa pagsasayaw mo. Kaya hindi ka tumataba dahil masyado kang nas-stress eh." pangaral nito sa kanya.
Mahigpit noon sa kanya ang mommy niya pagdating sa kagustuhan niyang magsayaw. Kung noon sa Korea, hindi niya ito matakasan dahil bantay-sarado siya dito, nang maiwan naman siyang mag-isa sa Pilipinas ay pinagsawa niya ang sarili sa kalayaan niyang makagalaw nang walang pumipigil sa kanya. Mag-isa siyang nag-explore para makabisado ang bawat sulok ng Makati hanggang Quezon City at pati na din ang papunta sa SM Mall of Asia. Sa mga lugar na iyon kasi madalas nagkakaro'n ng mga dance events at mga cosplay events kaya naman nagpapaka-active siya.
Hanggang sa makilala niya ang mga ka-eskuwela at ngayon nga'y mga pinakamalalapit na niyang mga kaibigan. At dahil hindi niya palaging kasama ang mommy niya sa Pilipinas, nasasanay na siyang maging independent at umasa sa sarili lang niya. At dahil din siya ang leader ng Tinkerbell at Presidente ng H.I.D, siya madalas ang nag-aalala at nag-aayos ng problema ng mga miyembro nila. Prinsesa daw siya ng Mother Hen ayon kay Miss Aurora. Ito kasi ang reyna... sabi din nito.
Umungol siya nang maramdaman ang masarap na sensasyong dumadaloy sa buong ulo niya nang mag-umpisang hilutin ng kanyang ina ang kanyang sentido. "Mommy, 'wag mo na akong pagalitan. Pagod na nga ako, se-sermunan mo pa ako. Hayaan mo na lang ako dahil masaya naman ako sa ginagawa ko eh."
"May magagawa ba ako kung hindi ka sumusunod sa'kin? Hindi mo naman ako kasama palagi dito sa Pilipinas kaya hindi kita nababantayan. Ang ayoko lang ay iyong masyado mong pinapagod ang sarili mo."
Pinilit niyang idilat ang kanyang mga mata kahit na bumibigat na ang mga talukap niyon at tiningnan ang mommy niyang nagda-drama. "Hindi po ako nagpapagod, promise. Nagpapahinga naman po ako, kailangan ko lang po talaga 'tong sayaw na 'to para sa practical exam kaya po pagod na pagod ako ngayong araw. Sorry na, mommy." paghingi niya ng tawad. Hinaplos pa niya ang pisngi nito at pinalis ang kunot sa noo nito.
Kung minsan talaga, gusto na niyang ipasok sa paga-artista ang mommy niya dahil puwede na itong ihanay kina Vilma Santos at Nora Aunor sa galing nitong umarte sa harap niya. Madalas siyang ma-guilty noon kapag nalulungkot at sumasama ang loob sa kanya ng mommy niya pero mula nang minsang marinig niya itong nakikipag-tawanan sa isa sa mga kawaksi nila sa Korea habang pinag-uusapan ang pagpapa-guilty nito sa kanya, natuto na siya. Na huwag basta maniniwala sa mga arte ng mommy niya.
BINABASA MO ANG
Love Revolution 1: Sangmi, The Queen Fairy [Published under PHR] (Complete)
Romance"Love is not enough for two people to be together." MAN HATER. Paasa. Pabebe. Pa-fall. Ilan lang iyan sa mga bansag sa Koreanang si Sangmi Kwon, presidente ng Hendrix International Dance Troupe at leader ng grupong Tinkerbell. Pero wala siyang pakia...