ILANG BESES na huminga ng malalim si Sangmi bago niya nagawang bumaba at harapin ang kanyang mga magulang. Plano pa sana niyang hintayin na lang si Moose bago siya lumabas ng kuwarto kaya lang ay baka magtaka ang mommy niya kung bakit ang tagal niyang bumaba.
Sinundan niya ang naririnig na mga kaluskos at sa kusina siya nakarating, kung saan naabutan niyang naglalambingan ang mga magulang niya. Gusto sana niyang umatras na lang at bumalik sa kanyang silid nang makita kung gaano kasuyo ang tinging ibinibigay ng daddy niya sa mommy niya ngunit huli na ang lahat dahil nakita na siya ng una.
"Sangmi..."
Natural na magulat siya sa pagkinang ng mga mata nito nang sabihin ang pangalan niya. Maging ang aura nito ay napakasigla, na para bang tuwang-tuwa talaga ito na sa wakas ay nagkita na sila.
"D-dad..." bati din niya dito. Hinarap niya ang kanyang ina na malungkot na nakatingin sa kanya ngunit may munting ngiti namang nakapaskil sa labi nito.
"Yeogie onda, Sangmi." malambing na utos nito na ang ibig sabihin ay 'come here' at ibinuka pa ang mga braso.
Hindi niya alam kung ano ang gagawin ngunit ang mga paa niya ay animo may mga sariling buhay na dahan-dahang humakbang palapit sa mga magulang niya. At napapikit na lang siya nang sa wakas ay makulong siya sa bisig ng kanyang ama. Noon lang din niya napagtanto kung gaano niya inasam na makasama, makita at makausap muli ang kanyang ama. Na sa kabila ng galit at sama ng loob na naramdaman niya para dito sa mahabang panahon ay nandoon pa din pala ang pagmamahal niya para sa itinuring niyang ideal guy noong bata pa siya, ang pinaka-importanteng lalaki sa buhay niya, ang kanyang ama.
"Bogoshipoyo, aga." masuyong bulong nito sa tapat ng tainga niya dahilan kaya nag-unahan nang magpatakan ang luha sa mga mata niya. Na-miss daw siya nito.
"Nado dangshin i geuliwoyo, appa. Nan jeongmal dangsin-i geuliwoyo." humihikbing sagot niya na ang ibig sabihin ay na-miss din niya ito ng sobra-sobra. Pakiramdam niya ay unti-unting naaalis ang lahat ng bigat na dinala at inalagaan niya sa puso sa maraming taon.
Lalong humigpit ang pagkakayakap sa kanya ng daddy niya. Naramdaman niya ang paghagod ng kung sino sa likod niya ngunit wala siyang pakialam, umiyak lang siya nang umiyak sa bisig ng kanyang ama. Kapag hiniling ng daddy niya na mag-usap sila o magpaliwanag ito sa kanya sa mga hindi magandang nangyari sa pamilya nila noon, siguradong papayag siya nang hindi na nag-iisip pa. Ngayong napatunayan na niya sa sarili na mas matimbang pa din ang pagmamahal niya sa daddy niya, ang gusto na lang niya ay maayos na ang lahat sa pagitan nila nang maging masaya na ulit ang pamilya nila.
"Ma'am Sangmi, may bisita po kayo."
Agad siyang napakalas sa daddy niya at tumayo ng tuwid nang marinig ang sinabing iyon ng kawaksi. "Si Moose ba?" sumisinghot-singhot na tanong niya habang hindi magkamayaw sa pagpunas sa basang-basang mukha niya. Excited siyang makita ang binata dahil gusto na niyang sabihin dito ang kasalukuyang nararamdaman niya. Alam kasi niyang pakikinggan siya nito kahit na ano ang ikuwento niya.
"Opo, Ma'am."
"Papasukin mo na lang, Ate. Dito mo pa-deretsuhin." nata-tarantang utos niya na agad naman nitong sinunod.
"Sino ang Moose na iyon at nagkakaganyan ang anak mo, Elsa?" curious na tanong ng daddy niya sa mommy niya.
"Someone special, yeobo(honey). You'll see when you meet the boy." nakangiting sagot naman ng kanyang ina na ikinangiti niya. Wala siyang sinasabing kahit na ano dito pero alam na nito kung sino si Moose sa buhay niya.
BINABASA MO ANG
Love Revolution 1: Sangmi, The Queen Fairy [Published under PHR] (Complete)
Romance"Love is not enough for two people to be together." MAN HATER. Paasa. Pabebe. Pa-fall. Ilan lang iyan sa mga bansag sa Koreanang si Sangmi Kwon, presidente ng Hendrix International Dance Troupe at leader ng grupong Tinkerbell. Pero wala siyang pakia...