KAGAT ang ibabang labing nag-isip si Moose ng kung ano ang puwede at dapat niyang gawin para mapatawad siya ni Sangmi sa kasalanan niya dito. Hindi na kasi niya kayang tiisin ang silent treatment na ibinibigay nito sa kanya. Mas okay pa na sungitan siya nito, angilan o taasan ng isang kilay basta may nakukuha siyang reaksiyon dito pero ang hindi siya pansinin na parang hindi siya nage-exist sa mundo nito, hindi niya kaya. Pakiramdam niya ay paulit-ulit na sinasaksak ng pinakamatalim na kutsilyo ang puso niya sa ginagawa nito.
You deserve it. You broke her heart in the most surprising way. You broke her heart like what her father did to her.
Humugot siya ng malalim na hininga dahil naninikip na naman ang dibdib niya. Pumasok na naman kasi sa isip niya ang tindi ng sakit sa magandang mukha ni Sangmi nang makita niya itong umiiyak noong isang araw sa bench sa gilid ng greenhouse. Parang nilamutak ang puso niya nang makita ang luhaang mukha ng babaeng mahal niya dahil alam niyang siya ang dahilan niyon. Hindi lang talaga niya ito magawang lapitan dahil ayaw niyang lalong ma-badshot sa mga kaibigan nila.
Kaibigan ka pa nga ba nila pagkatapos ng ginawa mo kay Sangmi?
"Hey, dude! Anong ginagawa mo diyan?"
Napaangat ng tingin si Moose at napabaling kay Tyler na nakatayo sa harap niya. Puno ng kyuryosidad ang mukha nito habang nasa tabi naman nito si Ace na masama ang tingin sa kanya.
"May problema ba, Moose? Mukhang pasan mo ang daig--- Ugh!" hindi na nito natapos ang sinasabi dahil kitang-kita niya ang malakas na pagsiko dito ni Ace.
"What are you still doing here? Hindi ba sinabi na namin sa'yo na 'wag ka munang pupunta dito sa greenhouse? Lalong-lalo na dito sa cabin o kahit sa wishing well lang? Ban ka dito hangga't hindi bumabalik sa dati iyong kaibigan namin." mataray na litanya nito habang nakataas ang isang kilay.
"Bakit ba ang harsh mo kay Moose? May masama ba siyang ginawa sa'yo?" salubong ang mga kilay na sawata ni Tyler kay Ace.
Pinaningkitan ng mga mata ni Ace ang binata. "Baka nakakalimutan mong sinaktan niya si Sangmi? At hanggang ngayon, parang wala pa din sa sarili iyong kaibigan natin at palaging malungkot." angil dito ng dalaga.
Ngayon lang niya nakikita ang side na 'to ni Ace at pakiramdam niya ay isa siyang hayop na handang lapain anumang oras ng tigreng 'to.
"I remember and I know that Sangmi is suffering right now. Actually, kung sarili ko lang ang iisipin ko at si Sangmi, kanina ko pa sana sinuntok ng paulit-ulit si Moose pero dahil iniisip ko din ang nararamdaman niya, 'tsaka ko na lang gagawin iyon." pag-uumpisa ni Tyler. Deretso ang tingin nito kay Ace. Ang kaninang punong-puno ng pagtatanong na mukha nito ay napalitan ng ka-seryosohan.
"Oo nga at sinaktan ni Moose si Sangmi at hanggang ngayon ay nasasaktan pa din ang kaibigan natin pero hindi ba dapat lang na bigyan naman natin ng pagkakataon 'tong si Moose na magpaliwanag? Dahil kahit gaano ko ka-gustong basagin ang pagmumukha niya, gusto ko din naman malaman ang dahilan niya kung bakit nagsayang pa talaga siya ng oras para lumipad dito sa Pilipinas at iwan ang magandang buhay niya sa New York para lang gantihan si Sangmi sa ginawa niyon sa tarantadong kaibigan nitong si Moose."
Nagsalubong ang mga kilay ni Moose dahil sa sinabi ni Tyler. Tagos na tagos sa puso niya ang galit na kalakip ng mga sinasabi nito. "What did you just call my bestfriend? Tarantado? Bakit, may ginawa ba sa'yo ang kaibigan ko para sabihan mo siya ng gano'n?" naguguluhang tanong niya. Maging ang mukha kasi ni Ace ay napuno ng pagkamuhi.
Hinarap siya ng dalawa, punong-puno pa din ng galit ang mga mata ng mga ito. "Siguradong hindi sinabi sa'yo ni Vladimir ang totoong dahilan kung bakit siya nasaktan, umalis sa paaralang 'to at bumalik sa bansang pinanggalingan niya. Hindi na din ako magugulat na sinabihan niya ng kung ano-anong negatibong bagay si Sangmi sa harap mo o ng ibang tao pa. May saltik din naman kasi sa utak iyang sinasabi mong best friend mo eh." pag-uumpisa ni Ace.
BINABASA MO ANG
Love Revolution 1: Sangmi, The Queen Fairy [Published under PHR] (Complete)
Romance"Love is not enough for two people to be together." MAN HATER. Paasa. Pabebe. Pa-fall. Ilan lang iyan sa mga bansag sa Koreanang si Sangmi Kwon, presidente ng Hendrix International Dance Troupe at leader ng grupong Tinkerbell. Pero wala siyang pakia...