"HOY! Kayong dalawa, puwede bang itigil n'yo iyang paglalambingan n'yo? Nasusuka ako sa inyong dalawa. Maghiwalay muna kayo. Ikaw, Moose! Tsupi, lumayas ka sa tabi ni Krung-krung bago kita ihulog sa balon sa labas."
Natatawang naghiwalay naman sina Moose at Sangmi kahit na alam ng huli na hindi naman nila sine-seryoso ang sinasabi ni Nerii.
"I'll come back later. May aasikasuhin lang ako." ani Moose bago ito nagpaalam kay Nerii na sinimangutan lang ito.
"Magsalita ka ngang babae ka! Kayo na ba ni Moose? Dinadaig n'yo pa kasi ang pinaka-corny na mag-dyowa sa buong mundo kung maglambingan kayo eh."
Kibit-balikat lang ang sinagot niya sa tanong ng kaibigan bago humiga sa hita nito. Walang pagsidlan ang kasiyahang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Kahit na wala naman silang opisyal na label ni Moose ng kanilang relasyon ay hindi siya nag-aalala. Ang sabi nga ng marami, action speaks louder than words kaya sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang damdamin para sa isa't-isa nila pinararamdam ang pagmamahal nila. At ngayon lang naman niya ginawa ang ganoon, ang maging masaya sa piling ng isang taong mahal niya kaya wala naman sigurong sasawata sa kanya.
Naramdaman niya ang paghila nito sa buhok niya ngunit hindi naman natanggal ang ngiti sa labi niya. "Malandi kang babae ka! Si Moose lang pala ang katapat mo!" halatang kinikilig na sabi nito.
"I know. Hindi ko din naman inaasahan na hahantong kami sa ganito eh. I mean, sinong mag-aakala na may kakayahan pala akong makaramdam ng kilig o ng pagmamahal para sa isang lalaki, hindi ba? Samantalang dati, wala akong pinapansin sa lahat ng nagpaparamdam." nakangiting tumingin pa siya sa kisame at bumuntong hininga.
"Mabuti naman at masaya ka na ngayon. Palagi na lang kasing kami ang iniintindi mo, nakakatakot na at baka napapabayaan mo na ang sarili mo. Mabuti na lang at nandiyan si Moose para alagaan ka." masuyong wika nito. "At mabuti naman at nakalimutan mo na din ang hinayupak na lalaking nanira sa'yo noon." nakasimangot namang dagdag nito.
Nawala ang ngiti sa labi niya nang maalala si Vlad, ang schoolmate nila na nag-drop dalawang taon na ang nakararaan nang dahil sa kanya. Ang pinagkalat nito sa mga ka-eskuwela nila maging sa mga social media accounts nito ay binasted daw niya ito at pinagsalitaan ng kung ano-ano. Na pinaasa lang daw niya ito at ginawang utusan pagkatapos ay sinaktan lang niya ng sobra-sobra.
Wala namang naniwala kahit isa sa mga kaibigan niya sa binata dahil palagi niyang kasama ang mga ito. Si Vlad ay naging classmate niya noong unang taon niya sa kolehiyo. Malaki ang pagkakagusto nito sa kanya kaya naman lahat ng sinasalihan niya o ginagawa ay ginagawa din nito.
Sa una pa lang ay sinabihan na niya itong wala itong mapapala sa kanya dahil wala siyang balak na mag-entertain ng kahit na sinong manliligaw habang nag-aaral siya, distraction lang kasi iyon at isa pa, ayaw nga niya sa pakikipag-relasyon at sa kahit na anong may kinalaman sa pag-ibig. Hanggang sa isang araw ay pinilit siya nitong sumama dito at pinilit siyang sagutin ito. Syempre nanlaban siya hanggang sa muntik pa siyang gawan ni Vlad ng masama, mabuti na lang at dumating ang mga kaibigan niya at napigilan ng mga ito ang binata.
Ang mga sumunod na nangyari ay nagpalungkot at nagpagalit sa kanya. Nag-drop nga ito sa school, siniraan naman siya nito sa buong eskuwelahan nila. It took almost a year before she took back her innocence and image. Ang akala nga niya ay kinakailangan pa niyang mag-drop din dahil hiyang-hiya siya sa mga ka-eskuwela niya. Mabuti na lang at nandiyan ang mga kaibigan niya maging si Miss Aurora para sa kanya. Hindi siya iniwan ng mga ito noong mga panahong kailangang-kailangan niya ng kaibigan at masasandalan.
Kaya nga pinangako niya sa sariling aalagaan din niya ang mga ito at susundin niya ang utos ng mga ito hanggang sa kaya niya. Doon din nagsimula ang pagiging malalim ng pagkakaibigan nilang lahat na hanggang ngayon ay nandoon pa din, awa ng Diyos. Nagpapasalamat siya na nakahanap siya ng mga totoong kaibigan sa katauhan ng mga ito. Nang dahil sa mga ito, hindi niya kailanman naramdaman na nag-iisa siya, na wala siyang pamilya, na wala siyang matatakbuhan. Kaya nga hindi siya masyadong nalulungkot kapag wala sa bansa ang mommy niya dahil si Miss Aurora ang tumatayong mommy niya.
BINABASA MO ANG
Love Revolution 1: Sangmi, The Queen Fairy [Published under PHR] (Complete)
Romance"Love is not enough for two people to be together." MAN HATER. Paasa. Pabebe. Pa-fall. Ilan lang iyan sa mga bansag sa Koreanang si Sangmi Kwon, presidente ng Hendrix International Dance Troupe at leader ng grupong Tinkerbell. Pero wala siyang pakia...