"Lotega! Bakit nandito ka na? Naisarado mo na ba ang missing case na pinahawakan ko sa'yo?" Nakapameywang na sinugod ni Chief Dover ang paidlip pa lamang sana na matandang detective.
Gusto sanang sagutin nang pabalang ni Detective Lotega ang kanyang masungit na superior, ngunit napigilan niya ang sarili. Pinilit niyang itayo ang mabigat at pagod na katawan upang magbigay galang. "Eh... Sir, may kakaiba akong naaamoy sa pagkawala ng bata—"
"Anak ng teteng naman, Lotega! Kasimple-simple ng kaso, pinapatagal mo pa! Hindi mo ba nabasa 'yung testimony ng magulang? Malinaw na naglayas ang anak nila dahil kulang sa aruga! Isarado mo na 'yang kaso! H'wag mo 'kong sampulan ng katigasan ng kukote mo ha! Nakatambak ang mga bagong kaso sa office ko!"
Kung maaari lamang kumontra si Detective Lotega, nagawa na niya. Though hindi pa siya lubos na sanay sa set up niya sa VCDO na mas bata pa sa kanya ang direct superior niya, he managed to stay calm and quiet. Pinanood na lamang niyang makalayo sa kinaroroonan niya ang nakakainis na Chief ng kanyang team.
Hindi na rin niya ipinagpatuloy ang naudlot na pag-idlip. Lumabas siya ng VCDO at nanigarilyo na lamang sa parking lot.
"Sir!" Hinihingal na lumapit sa naninigarilyong detective si Detective Santiago. Ibinigay niya doon ang maliit na papel na may nakasulat na address.
Matapos basahin ng matandang detective ang laman ng papel, isinilid niya iyon sa bulsa ng kanyang lumang denim jacket.
"Sir, itutuloy pa rin ba natin 'yang investigation? Narinig ko kase, pinapasara na ni Chief 'yang kaso. Baka mabadshot lalo tayo sa kanya! Nakakatakot pa naman 'yung magalit, umuusok ang ilong!"
Binitawan ni Detective Lotega ang medyo mahaba pang stick ng sigarilyo at mariin na niyurak iyon. "Natatakot ka sa torong 'yon? Halika dito, bata." Inakbayan niya ang kinakabahan niyang partner at bahagyang hinigpitan ang kabig ng braso niya sa leeg nito. "Wala pa akong napagsasabihan nito, ikaw pa lang ngayon. Doon sa Sanghae, ang tawag sa akin... Podog. Pinaikling Police Dog. Alam mo ba kung bakit?"
Isang mabilis na pag-iling ang isinagot ng batang detective.
"Dahil para daw akong German Shepherd pagdating sa pag-iimbestiga. Kapag may naamoy akong mabaho, walang makakapigil sa akin hanggang sa mahanap ko ang pinagmumulan nu'n. Nakuha mo? Ngayon, saan ka mas takot? Sa torong umuusok ang ilong pero puro dada lang, o sa German Shepherd na may rabies?"
"Sa... German Shepherd..." Bakas sa tono niya ang hindi kasiguraduhan.
Napangisi sa narinig ang matandang detective. Binitawan niya ang leeg ng kanyang partner at bahagyang tinapik ang balikat. "Okay! Magkakasundo tayo, bata! Tayo na't lumarga! Siguradong mahaba-haba na naman ang araw na to!"
***
Gamit ang liwanag na nagmumula sa tuklap na d'yaryong nakatakip sa babasaging bintana, nagawang linisin ni Matilda ang mga dumi, ihi, suka, at dugong nakakalat sa sahig ng malaking kwarto. At bago siya tuluyang lumabas ng silid na iyon, sandali niya munang pinagmasdan ang babaeng mahimbing na natutulog sa lumang foam na nakalatag sa sulok. Dumiin ang pagkakahawak niya sa sako at basahan. Muling namayani ang init at kakaibang bigat sa loob ng kanyang dibdib. That sudden rush of emotion made her eyes teary. Ngunit bago pa man bumagsak ang mga luhang iyon ay tuluyan na siyang lumabas ng kwarto at muling inilock ang pinto.
BINABASA MO ANG
Matilda's Alibi [COMPLETED]
Mystery / ThrillerIsang senior high school student sa Victoria High si Matilda Quijano. She started living a depressing life matapos mamatay ang kanyang mga mahal sa buhay dahil sa isang trahedya. Inilayo niya ang kanyang sarili sa lahat. Being an outcast and an odd...