CHAPTER THREE

180 12 14
                                    

CHAPTER THREE


"COLBERT BYRON C. CASTILLO."

Ang pagbigkas ni Chase sa buong pangalan ng taong nabiktima niya kanina habang tinitingnan at hawak ang passport na isa sa laman ng bag nito. Tinitigan niya ang picture nito na nandodoon. Magandang lalaki ito sa kabila ng kaseryosohan ng mukha sa picture. Iyon nga lang may pagka-tsunga na maituturing. Masyado kasing kampante kaya naman nakuha niya ang gamit. Idagdag pa na talaga namang mukhang mayaman ang lalaki. Kaedad niya lang ito. Inisa-isa niya ang laman ng bag. Napapangiti siya habang nakikita ang laman niyon na nakalapag na ngayon sa sahig. Siyempre kampante siya na ilagay iyon doon dahil nag-iisa lang siya sa abandonadong bahay. Passport, iilang papeles, Ipad, powerbank at tablet ang laman niyon. Lahat mamahalin ngunit wala siyang plano sa ngayon na ibenta iyon. Ang cash na sampung libo ang pupunturyahin niya. Tamang-tama para sa pambili ng gamot ng mama niya. Bibili na rin siya ng kailangan nila hanggang sa maubos iyon. At habang meron pa ay hindi muna siya magnanakaw. Ipo-focus niya ang sarili sa pangangalakal. At tungkol naman sa mga mahahalagang papeles ng lalaking may pangalan na Colbert. Itatago na muna niya iyon. Wala siyang balak itapon.

Muling natutok ang mga mata ni Chase sa larawan na nasa passport. Muli siyang napangiti.

Isa-isa niyang binalik sa bag ang mga mamahalin na gamit na nakuha niya kay Colbert. Ang ganda ng pangalang ng lalaki, tunog mayaman talaga. Pagkatapos niyang maibalik sa loob ng bag ang mga gamit, tumayo na siya. Balak niyang dalhin ang gamit sa bahay nila at itago sa damitan niya. Ayaw niyang mawala iyon sa loob ng abandonadong bahay. Alam ni Chase na hindi iyon magagalaw doon dahil siya lang naman ang nag-iisang pumapasok sa bahay. Karamihan sa mga kakilala na katulad niya ay sa ibang lugar ang hideout.

Nang makalabas siya sa abandonadong bahay, tiningnan niya muna iyon. Sana pagdating ng panahon ay magkaroon din siya ng ganoon. Hindi lang basta bahay kundi tahanan.



PAGKARATING ni Chase sa kanilang bahay, sinalubong agad siya ng kanyang kapatid. Tutulungan sana siya nitong dalhin ang dala niyang bag ngunit agad niyang iniwas iyon.

"Ako na nito," aniya. Ibinigay dito ang hawak niyang supot na may laman na grocery na binili niya sa maliit na grocery store na malayo sa kanila. Doon niya piniling bumili dahil tiyak niya na mag-uusisa ang mga kapitbahay kapag nakitang namimili ang katulad niya na kapos sa pera. Isa pa ayaw din niyang matanong dahil talaga namang hindi kapani-paniwala iyon.

"Kuya , sa'n galing 'yan na bag na dala mo?" Usisa sa kanya ni Caloy.

"Iniwanan sa akin ng bago kong kaibigan."

Nagdududang tingin ang ibinigay sa kanya ng kapatid. Binalewala na lang niya iyon. Kung mag-uusisa naman ito hindi na siya sasagot. Mahirap nang mabuko. Minsan kasi mausisa ang mga ito.

"'Wag n'yo 'tong pakikialaman, ah." Aniya.

"Okay, Kuya." Sagot nito.

Nakahinga siya nang maluwang. Maaasahan naman kasi ang mga kapatid niya lalo na si Caloy. Minsan naiisip ni Chase na baka mabuko siya ng mga ito sa pinagagawa niya. Hindi niya kasi alam kung ano ang sasabihin sa mga ito. Mahirap ang magsinungaling lalo na at puro na kasinungalingan ang mga bagay na sinasabi niya sa mga ito kapag nagtatanong kung saan siya kumukuha ng perang pambili ng mga kailangan nila at gamot ng nanay nila.

Pagkarating nila sa kanilang bahay agad silang sinalubong ng dalawa pa niyang kapatid. Nasa mukha ng mga ito ang tuwa nang makita ang dalang supot ni Caloy na pinadala niya rito. Isa sa mga kasiyahan ng mga kapatid niya ang magkaroon sila ng imbak na pagkain. Iyong tipong sa pagdating ng mga araw ay may makukuha ang mga ito at makakain tuwing nagugutom anumang oras. Iyon din ang gusto niya para sa sarili at sa mga ito. Mahirap ang magtiis ng gutom lalo na ang maghanap ng pagkain tuwing nararamdaman iyon.

Chasing ChaseWhere stories live. Discover now