CHAPTER EIGHT

140 8 7
                                    


[ C H A P T E R  E I G H T ]






NAPAMAANG NA sinundan na lamang ng tingin ni Chase ang papalayong si Coby. Sa naging pag-uusap nilang dalawa ay hindi niya maiwasan ang hangaan ito sa pagiging prangka at tapat sa nararamdaman. Hindi niya inakala na sa ganitong kaaga na pagkikita at pag-uusap ay masasabi nito ang mga bagay na ganoon. Ang kakapalan ng mukha nito, sa halip na kainisan  ay na-a-amuse pa siya. Paanong hindi iyon mangyayari gayong ganoon ang ugali niya pagdating sa ibang tao? Kay Coby lang naman siya tumitiklop. Ang epekto nito sa kanya ay nagbibigay ng sari-saring emosyon at sa totoo lang ay gusto niyang kumawala mula doon. Ngunit alam niya kung hanggang saan ang limitasyon niya. Hindi porke pareho sila ng nararamdaman ay susunggaban na niya agad iyon para maging sila. Hindi iyon ganoon kadali. Kailangan niyang pangalagaan ang sarili sa mga sekreto niya.

Pero naiisip ni Chase na hindi ito ang huling pagkikita nila ni Coby. Gusto niyang mas makilala ito nang lubusan. Gusto niyang makausap at makasama ito. Ang presensya nito sa tabi niya ay parang may mahika.

Nawalay lang ang tingin niya rito nang bumalik ang waiter na inutusan niya na ikuha siya ng lalagyan ng pagkain na natira niya. Napatingin siya sa pagkain ni Coby sa plato nito. Hindi man lang iyon nagalaw. Kinuha niya iyon at inalagay sa styrofoam. Sayang ang pagkain. Alam niyang tira lang ang iuuwi niya pero magbibigay iyon ng kaligayahan sa mga kapatid niya lalo na at bihirang-bihira ang mga ganoon na pagkain sa hapag nila. Madalas na kanin, tuyo o kaya ay sardinas ang nasa hapag nila. Wala silang sapat na kaginhawaan para kumain sa labas. Sa mga ito man lang -- sa tira niya at sa pagkain ni Coby na hindi nagalaw -- ay mapaligaya niya ang mga kapatid.

Kapag pamilya at ang kamiserablehan ay hindi niya maiwasan ang malungkot. Masyado siyang nalulungkot sa sitwasyon nila. Sa totoo lang, gusto niya talagang ubusin ang pagkain na in-order ni Coby para sa kanya ngunit nang sumagi sa kanyang isipan ang mga kapatid ay pinilit niya na huwag ubusin iyon. Ang magtira para kahit papaano ay makatikim ang mga ito.

Malaking bagay nga sa kanya na nag-boluntaryo si Coby na mag-order pa para sa take out nila. Pero kailangan niya lang talaga itong pigilan dahil kahit na gusto niya ang gusto nitong gawin ay may hiya siyang nadarama. Ngayon nga lang niya napagtanto kung gaano kalayo ang pagkakaiba ng pamumuhay at lifestyle  niya sa pamumuhay at lifestyle  ni Coby.

Nang tumingin ito sa kanya ay agad siyang nag-iwas ng tingin. Pero bago niya gawin iyon ay nakita na siya nitong nakatingin, ngumiti ito saka siya kinawayan. Nagpapa-cute pa.

At hindi itatanggi ni Chase sa sarili na may nadama siyang kilig sa ginawa nito.



PAGBALIK ni Coby sa kanilang mesa ay dala-dala na niya ang in-order niya para itake out at ibigay kay Chester. Seryoso ang mukha nito nang ipatong niya ang mga nakabalot na pagkain doon.

"Para sa 'yo lahat ng ito." Aniya. Hindi ito tumugon. "'Wag mo nang dalhin pa ang mga 'yan. Heto na lang." Tukoy niya sa mga pinabalot nito sa natira nilang pagkain.

"Sayang ang mga 'to. Sinabi ko naman sa 'yo na dadalhin ko ang mga ito."

"Tira na lang ang mga 'yan."

"Pero mapapakinabangan pa." Giit nito.

Napailing na lang siya. "Bahala ka nga. Basta dalhin mo ang lahat ng mga in-order ko pati 'yan na binalot mo"

"Wala naman na akong magagawa, hindi ba? Sa ayaw o sa gusto ko, dadalhin ko ang mga 'yan. Salamat nga pala."

Napangiti siya. "Walang anuman. Akala ko hindi mo na-appreciate mo ang mga ginawa ko."

"Bakit naman hindi ko maa-appreciate?"

"Ewan ko."

Sa halip na magsalita, inabot nito ang baso ng ice tea na para sa kanya saka sumipsip sa straw na sinipsipan niya kanina. Napalunok siya habang tinitingnan ito. Para lang silang nag-indirect kiss sa ginawa nito. Hindi man lang nito inalintana na sumipsip siya doon.

Chasing ChaseWhere stories live. Discover now