CHAPTER TWELVE

154 11 33
                                    


[ C H A P T E R  T W E L V E ]


TATLONG araw ang itinagal ng burol ng kanyang nanay. Gustuhin man ni Chase na paabutin iyon ng isang linggo hindi naman niya magawa. Alam naman kasi niya ang kakulangan nila sa pera. Alam niya na kung papatagalin pa ang burol ay lalong tataas ang kanilang babayaran. Wala pa naman siyang pera at umaasa lang siya sa abuloy ng kapitbahay at sa tulong ng kapitan ng barangay. Si Mang Renan na rin ang umayos ng mga papeles na dapat ayusin sa burol ng nanay nila. Lubusan na silang ulila at sa kanya lang aasa ang mga kapatid. Mabuti na lang at sa wastong edad na siya ngunit alam ni Chase na delikado pa rin sila ng mga kapatid sa DSWD. Given na nasa wastong edad siya pero hindi naman siya capable na buhayin ang mga kapatid. Posibleng makuha at mahiwalay sa kanya ang mga kapatid na hindi niya hahayaan na mangyari.

Sa araw ng libing kahit na anong pagpigil ni Chase na umiyak ay hindi niya rin napigilan. Habang naglalakad papunta sa simbahan, sa durasyon ng misa at sa paglalakad patungo sa huling hantungan ng ina ay walang tigil ang pagbuhos ng kanyang luha. Lahat silang magkakapatid ay nakaputi na si Coby ang nagbigay. Nasa tabi pa rin niya ito, nakaalalay at talagang kapansin-pansin ang presensya.

Sa huling hantungan mas bumuhos ang luha nilang magkakapatid. Kung grabe na ang pag-iyak niya, mas doble ang sa mga kapatid. Kulang na lang ay sumama na sila sa ina.

Nang matapos ang libing hindi na alam ni Chase kung ano ang dapat gawin. Iba na ang sitwasyon nila. Wala na silang bahay na uuwian at pinapaalis na rin sila sa basketball court. Hindi rin naman sila pwede sa kanilang kapitbahay dahil pare-pareho lang silang naapektuhan ng sunog. Kaya nga malaki ang pasasalamat niya na sa kabila ng pinagdaanan nila ay nagawa pa ng mga ito ang tumulong sa kanilang magkakapatid.

"Saan na kayo niyan pupunta, Chase?" Napatingin si Chase kay Mang Renan na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanya.

"Hindi ko po alam, Mang Renan. Siguro maghahanap na lang po muna ako ng bahay. May pera pa naman yatang natira mula sa abuloy ng mga kapitbahay." Sagot niya. "Maraming salamat po pala sa tulong niyo sa 'min ng mga kapatid ko."

"Walang kaso sa akin 'yon bata. Kung may matitirahan sana ako pwede ko kayong isama na magkakapatid pero wala. Nakikitira lang ako ngayon pati ang pamilya ko sa kapatid ko."

"Okay lang po. Sapat na sa akin na natulungan niyo kami. Sobra-sobra pa nga po kung tutuusin."

"O siya, aalis na ako. Mag-iingat kayong magkakapatid."

Sinundan niya ito ng tingin.

"Narinig ko ang usapan niyo ni Mang Renan. If you want you can stay to my house."

Napatingin si Chase kay Coby na hindi niya namalayang nasa tabi na pala niya.

"Hindi na. Maghahanap na lang ako ng pwedeng tirahan."

Napaungol ito. "Chase, wala na kayong matitirahan ng kapatid mo. Open ako na patirahin kayo roon for free. Saka gusto ko rin iyon para araw-araw kitang makita."

Sa totoo lang naeenganyo si Chase sa sinabi nito ngunit ayaw niyang mas maging malapit dito. Idagdag pa ang mga inner struggles niya patungkol dito.

"Marami ka ng naitulong sa amin ng mga kapatid ko. Hindi mo kami alalahanin, Coby. Isa pa nakakahiya rin sa mga kasama mo sa bahay."

"Mag-isa ako sa bahay. Nasa abroad ang mommy ko. May kasama rin ako sina Yaya Des, Yaya Crising at Mang Gardo pero may quarter sila. So, ako lang talaga ang nasa main house."

"Ayoko pa rin."

"Ano ka ba naman, Chase. Ano ba ang dahilan at ayaw mo sa offer ko?"

"Basta ayoko lang."

Chasing ChaseWhere stories live. Discover now