Chapter 5

437 27 3
                                    

JULIA

"Ay pagkaswerte n'yang Marcelo na yaan at ako'y wala kahapon. Kung nagkataon, ay baka hindi laang yon ang napala niya. Pasalamat siya'y ngipin laang ang nawala sa kanya, kung ako yon, nakupo, baka hindi na siya magkaanak habang buhay. Sa dinami-dami kasi ng papatulan at babastusin ay ikaw pa talaga, Julia? Ay pasalamat talaga siya. Ala'y nung ikinwento nga iyon sa akin ni Allie nung humiram ako sa kanya ng libro, ay muntik na talaga akong mapasugod kung nasaan ospital dinala yung bakulaw na iyon. Ay ako laang eh pinigilan dahil nga daw baka ako'y mabinat pa. Kaya nga naisip ko na laang na agahan yung pasok ko para makamusta kita agad." napangiti naman ako sa sinabing iyon ni Badette. Hindi naman tago yung kanyang nararamdaman para sa akin, pero kahit gayon, hindi naman ako naiilang sa kanya dahil kaibigan ko pa rin naman siya. Isa siya sa kauna-unahang tao na nakipagkaibigan sa akin dito sa eskwelahan na ito.

"Ay ikaw talaga, ay syempre'y hindi naman kita papayagan na patulan iyong si Marcelo dahil baka ikaw ang kanyang saktan. Alam mo naman na walang sinasanto ang gangster na iyon. Kung wala nga siguro si Celestine eh baka nasapak na ako ng isang iyon. At kahit gustuhin kong awatin din si Celestine dahil baka nga siya yung mapagbalingan ni Marcelo, ala'y wala akong nagawa dahil pagkalakas pala ng babaeng iyon. Akala natin eh wala lang siyang alam gawin kundi ang maglista ng maingay, pero marunong pala siya nung taekwondo taekwondo at karate-karate na iyon. Aba'y kung nandito ka'y mamamangha ka talaga sa babaeng iyon. Ay nadagdagan yung nagkacrush sa kanya dahil sa ginawa niya kahapon eh! Naisip ko ngang magpaturo sa kanya ng gay-on para naman kaya ko ding ipagtanggol ang sarili ko." tumango-tango naman siya pero nagbago yung reaksyon niya nung binanggit ko iyon.

"Isa pa iyan sa pinagtataka ko eh. Ay bakit ka biglang ipinagtanggol nung babaeng iyon? Ay diba'y hindi naman ikaw close sa kanya. Ay lagi pa ngang nauubos ang ating baon dahil sa kalilista niyang babaeng iyan. Kaya nga nung nasabi din ni Allie na siya nga daw yung tumulong sa iyo, ako'y nagulat din eh. Ay pagkahirap kasing isipin na nangyari talaga iyon!" sabi pa niya na sinang-ayunan ko naman. Ay kung hindi nga laang kami nagkausap dahil kay Cardeng, ako'y magugulat din kung ginawa niyang iyon. Pero naisip ko rin na baka naman hindi niya gawin iyon kung hindi dahil sa pinsan ko. Ay syempre nama'y hindi nga kami nag-uusap tapos bigla niya akong ipagtatanggol diba? Malamang nga ay si Cardeng talaga yung dahilan noon. Katabi ko din kasi yung pinsan ko nung mga panahong iyon.

"Hindi ko pa pala nasasabi sa iyo. Si Cardeng kasi'y humingi ng tulong sa akin para makipagclose dun sa babaeng iyon. Baka iyon ang dahilan kung bakit niya ako tinulungan kahapon kay Marcelo. Nakikipag-usap na kasi ako sa kanya para maimbita siya sa birthday ni Cardeng next month dahil gusto nga nung isa na ligawan iyong babaeng iyon." mas lalo namang kumunot yung noo niya sa sinabi ko. Hala, ano namang nakakakunot ng noo doon?

"Si Cardeng? Manliligaw ng babae?" napaikot naman yung mga mata ko dahil sa tanong niyang iyon. Oo nga pala, isa nga pala itong si Badette na nagsasabi na bading si Cardeng. Sabi niya'y amoy niya ang pinsan ko. Kaya nga ako'y napaisip kung may amoy yung mga ganon at kung anong klaseng amoy. Lagi kasing iyon ang mga sinasabi ng mga bakla at lesbyana kapag may napapansin sila na kapareho nila.

"Ay ano namang sama doon? Eh lalaki naman siya at single? Ikaw talaga, ilang beses ko bang dapat sabihin sa iyo na hindi naman bakla yung pinsan ko? Malabot siya, oo, pero vain laang talaga. Patay na patay kaya siya dun sa Celestine na iyon. Ay pagkadami ngang ililibre sa akin para laang tulungan ko siya. Ay syempre nama'y hindi ko kayang tanggihan iyon. Maraming pagkain, teks, at pogs eh." natatawang sabi ko pa kaya ayun, natawa rin ang loka.

"Kasi naman yang pinsan mo eh ke-lagkit makatingin kay Ariel kaya buong akala ko'y type niya yung karibal ko diyan sa puso mo. Aba'y aakalain mo ba na yung presidente natin palang ubod ng sungit yung tipo niya? Ay kung ganoon pala'y mali ako ng akala diyan sa pinsan mo. Ay sige, para ako'y makatulong diyan sa misyon mo, susubukan kong kaibiganin din iyong Celestine na iyon para hindi naman ikaw laang yung mapalapit sa kanya. Mahirap na. Baka magising na laang ako isang araw eh nasa iba na yung sinisinta ko."

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 04, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

This TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon