CHAPTER SIX

5.9K 140 0
                                    

MALAKAS na katok at tinig ni Yuan ang nakapagpagising kay Eunick kinabukasan. Pupungas-pungas na bumangon siya. Alas-tres ng madaling-araw na siya nakatulog dahil sa kakaisip niya kay Arvie. Hindi na niya ito nagawang makausap pa dahil matapos siyang iwan ni Yuan sa kusina ay agad na rin siyang dumiretso sa kanyang silid. Sinubukan niyang puntahan at kausapin si Arvie sa silid nito ngunit hindi siya nito pinagbubuksan ng pinto. Marahil ay pinaninindigan nito ang pagkukunwari na tulog na ito ng mga oras na iyon. Kaya naman hinayaan na lamang niya ito at nagpasya siyang ngayong araw na lamang niya ito kakausapin tungkol sa mga nakita at narinig niya ng nagdaang-gabi.

“Eunick, open the door!” Napakislot siya ng marinig ang tila galit na boses ni Yuan at malakas na paghampas nito sa pinto ng inookupa niyang silid.

Mabilis na lumapit siya sa pinto ng maisip na baka urgent ang sadya nito. Nagulat siya ng pagbukas niyon ay ang galit na mukha ni Yuan ang bumungad sa kanya.

“Yuan, ano’ng—” Hindi na niya naituloy ang akmang pag-uusisa dito ng bigla na lang nitong haklatin ang braso niya.

“Where’s Arvie, Eunick? Saan nagpunta ang kaibigan mo?” galit na tanong nito sa kanya.

“Hindi ko ala—”

“Cut the crap, lady. Stop pretending that you’re innocent because I know you’re not. So, tell me. Nasaan ang kaibigan mo?” putol nito sa sasabihin niya.

Nahihintakutang napailing na lamang siya. Sinalakay ng kaba ang dibdib niya ng makita ang kaseryosohan at galit sa anyo nito. Lalo pa at hindi naman niya maintindihan ang dahilan ng ikinagagalit nito.

“H-hindi ko talaga alam. Kakagising ko lang, eh. B-baka naman nasa bahay ng mga magulang niya o ‘di kaya naman ay nasa simbahan,” kandautal na sabi niya. Bukas na ang kasal ng mga ito kaya naman hindi imposibleng nasa bahay ng magulang nito ang kaibigan niya. Ang alam niya kasi ay hindi puwedeng magkita ang mga ikakasal bago sumapit ang araw ng kasal ng mga iyon.

Napatiim-bagang ito. “I told you to stop playing innocent, Eunick,” naniningkit ang mga matang sabi nito. “Wala si Arvie sa kanila dahil tulad ko ay hindi na rin magkandaugaga ang mga magulang niya sa paghahanap sa kanya. Alam kong ikaw lang ang nakakaalam kung nasaan siya. Kaya tigilan mo na ang pagpapanggap, or else, you’ll be sorry.”

Maang na napatitig siya dito. Tila noon lamang nag-sink-in sa isip niya ang mga nangyayari.

“N-nawawala si Arvie? As in?” nanlalaki ang mga matang paniniyak niya.

Lalong dumilim ang madilim nang anyo nito. “Para sa isang singer, mas bagay kang maging artista. Why, you’re a very good actress. Pero kung sa tingin mo ay mapapaniwala mo ako sa pagkukunwari mong inosente, puwes nagkakamali ka. Alam kong may alam ka sa pagkawala ngayon ni Arvie. You made a fool out of me last night. Nilansing mo ako para tulungan ang kaibigan mong umalis kaninang madaling-araw ng hindi ko nalalaman,” bintang nito sa kanya.

Marahil ang tinutukoy nito ay ang nangyari kaninang madaling-araw, kung saan pinakiusapan niya itong ipagluto siya dahil nais niyang pigilan ito sa pagpunta sa likuran ng mansiyon kung saan nakita niya si Arvie na may kahalikang lalaki.

Nasaktan siya sa mga paratang nito. Gayunpaman ay hindi siya nagpadaig dito. Tiningnan niya ito sa mga mata.

“Hindi ko alam ang sinasabi mo,” buong katapatan na sabi niya. Hindi naman talaga niya alam kung nasaan ngayon si Arvie. At lalong wala siyang kinalaman sa pagkawala nito.

Tinitigan rin siya nito sa mga mata. Tila inaarok kung nagsasabi ba siya ng totoo. Nilabanan niya ang tingin nito.

“Kung ganoon, bakit pakiramdam ko ay may gusto ka lang pagtakpan kaninang madaling-araw kaya nagkunwari kang nagugutom at pinilit mo pa akong ipagluto ka?” nang-aarok na tanong nito.

You Belong With Me (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon