CHAPTER TWO

7.5K 152 8
                                    

Ten years after...

TUNOG ng kaniyang cellphone ang nagpabalik kay Eunick sa kasalukuyan. Inilapag niya ang hawak niyang kulay pink na invitation card sa ibabaw ng kama saka inabot ang cellphone na nasa ibabaw ng bedside table para sagutin ang tawag.

“Hello, Eunick, what happened to you? Kanina pa ako tawag ng tawag sa ‘yo, ah. Bakit hindi mo sinasagot?” bungad sa kaniya ng nasa kabilang linya. Boses iyon ni Marky, ang bakla niyang manager at itinuturing na ring matalik na kaibigan.

“I’m sorry, Marky. Hindi ko kasi narinig na nagri-ring ‘yong phone ko. Bakit ka napatawag?”

“I just wanted to remind you for your mall show later at Trinoma, around 5:00 pm. Please lang, ‘wag kang mali-late, ha? Nakakahiya sa mga fans mo,” bilin nito. Bahagya na lang siyang napiling. Paano ba naman niya makakalimutan iyon? Eh, kung hindi siya nagkakamali, pang-apat na beses na nitong ipinaalala sa kaniya ang tungkol doon.

“‘Wag kang mag-alala, hindi ko nakakalimutan. Sukat ba namang ipaalala mo sa akin ‘yon maya’t-maya,‘diba?” nangingiti na naiiling na sabi niya. “Siya sige, mag-aasikaso na ako ng sarili ko. Magkita na lang tayo mamaya,” putol niya sa pag-uusap nila. Hindi na niya hinintay ang sagot nito, pinindot na niya ang End button ng kanyang cellphone. Ipapatong na sana niya ulit ang cellphone sa ibabaw ng bedside table ng masulyapan niya ang kulay pink na invitation card na nasa kama. Dinampot niya iyon, saglit na tiningnan at saka malungkot na ipinatong ulit sa bedside table katabi ng kaniyang cellphone. Pagkatapos ay pumili na siya ng susuotin para sa mall show niya. Nang makapamili ay pumasok na siya sa bathroom na nasa loob rin ng kuwarto niya.

Magsa-sampung taon na ang nakakalipas ng lisanin niya ang San Isidro at makipagsapalaran siya sa Maynila. Hindi man niya gustong iwan ang kinalakihang lugar ay wala siyang choice. Kakatapos lang ng graduation niya noon sa high school ng biglang atakihin sa puso ang Lola Elsa niya. At dahil sila na lamang dalawa ang magkasama sa buhay dahil parehas nang nanahimik sa kabilang buhay ang mga magulang niya ay nahirapan siya noon na dalhin ito sa center upang mabigyan ito ng paunang lunas. Huli na rin ng makahingi siya ng tulong sa mangilan-ngilan nilang kapitbahay sa bundok. Wala ng buhay ang Lola niya.
Iyon ang simula ng sa tingin niya ay kamalasan ng buhay niya. Dahil isang linggo lang matapos ilibing ang kaniyang abuela ay nasunog naman ang kanilang tinitirhan. She was just sixteen then, hindi niya alam kung anong gagawin. Pansamantala siyang inampon ng mga magulang ni Arvie, pero hindi nagtagal ay nagkaroon rin ng krisis ang pamilya nito. Nagkasakit sa atay ang ama nito na si Tito Dondie, dahilan para mamroblema ang mga ito sa pinansiyal. Dahil doon ay napilitan siyang magbanat ng buto upang makatulong sa mga ito.

Malaki ang utang na loob niya sa pamilya ni Arvie, dahil kung hindi dahil sa mga ito, malamang palaboy na siya ngayon. Maliban sa isang larawan nila ng Lola niya ay wala na siyang naisalba na kahit ano noon sa tirahan nila. Maging ang mga pananim nila sa likod ng kanilang kubo ay nahagip din ng sunog. Kung anu-ano ang pinasukan niyang trabaho para lamang kumita siya ng pera. Nangatulong siya, nagtindera, lahat na ng maaari niyang pasukang trabaho ay pinasukan na niya.
Hanggang isang araw, ang inaakala niyang walang hanggang kamalasan niya ay nagkaroon din ng katapusan sa wakas. Isang tao ang biglang nagpabago ng buhay niya—si Marky. Katatapos lang ng misa noon sa simbahan sa lugar nila—kung saan kumakanta siya tuwing araw ng linggo bilang soloist kasama ang iba pang miyembro ng choral—nang bigla siya nitong lapitan. Nagandahan daw ito sa boses niya. Inalok siya nito na kumanta sa kasal ng kaibigan nito. Noong una ay tinanggihan niya ito. Una, hindi kasi siya sanay na kumanta ng solo sa harap ng maraming tao. Maliban kasi sa mahina ang loob niya ay aware din siya sa itsura niya. Hindi siya maganda, iyon ang nakatatak sa isip niya dahil iyon ang palaging sinasabi sa kaniya ng mga tao sa paligid niya. At pangalawa, hindi niya lubos na kilala si Marky. Sa katunayan, iyon ang unang beses na nakita niya ito sa kanilang lugar. Anong malay niya kung masamang tao pala ito at may masamang balak sa kaniya? Pero sa huli ay napapayag din siya nito, and to make the long story short, tinulungan siya nito at tinuruan rin siya nitong mangarap.
Dinala siya nito sa Maynila. At doon na nagsimula ang kaniyang suwerte. Nag-champion siya sa isang prestigious singing contest sa bansa na sinalihan niya sa tulong ni Marky. At ngayon ay isa na siya sa mga hinahangaan at tinitingala sa larangan ng musika. She was entitled as the most successful Filipina Popstar in the country. Kabi-kabila ang kaniyang mga albums at mga proyekto. Napakarami ng kaniyang mga tagahanga, at marami ang naghahangad na mapunta sa puwesto niya. Sa tingin ng mga tao sa paligid niya, she had everything in this world that she couldn’t ask anything for more. Pero hindi alam ng nakararami na sa kabila ng maganda niyang karera at magandang buhay na kaniyang tinatamasa, kaakibat naman niyon ang nakatagong lungkot at pag-iisa.

You Belong With Me (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon