CHAPTER SEVEN

6.1K 162 7
                                    

NAPABILIS ang pagbaba ni Eunick sa hagdan ng makita niya sila Tita Cynthia at Tito Dondie na may kausap na ilang mga kalalakihan sa sala ng bahay ng mga ito. Hindi maganda ang pakiramdam niya sa mga iyon kahit pa nga mga mukha naman iyong mga kagalang-galang. Lalong nadagdagan ang hindi magandang pakiramdam niya ng makita niya ang tila hopeless na anyo ng mga magulang ni Arvie.

“Baka naman ho puwedeng bigyan niyo pa kami ng isang buwang palugit, Mr. Kintal, hanggang sa mahanap lang namin si Arvie.” Narinig niyang nakikiusap na sabi ni Tita Cynthia sa isa sa tatlong lalaking naroon.

“I’m sorry, Mrs. Lucero. Pero sumusunod lamang ho kami mula sa nakatataas, kaya wala rin ho kaming magagawa para pagbigyan kayo sa nais niyo. Babalik na lang ho kami sa Miyerkules. Sana po ay wala na ho kayo rito ng mga sandaling iyon.” Pagkasabi niyon ay inabisuhan na ng lalaking tinawag ni Tita Cynthia na Mr. Kintal ang mga kasamahan nito na umalis.

Tila malungkot at bagsak ang mga balikat na nasundan na lamang ng tingin ng mag-asawa ang tatlong lalaking lumabas ng bahay. Saka lamang siya lumapit sa mga ito ng tuluyan ng mawala ang mga kalalakihang iyon.

“Tita, Tito,” agaw niya sa pansin ng mga ito. Tila nagulat pa ang mga ito ng lingunin siya.

“Eunick, iha, kanina ka pa ba riyan?” tanong sa kanya ni Tito Dondie.

Marahang tumango siya.

“Sino po ang mga iyon?” kapagkuwa’y usisa niya rito. Ilang sandaling nagkatinginan ang mga ito bago siya sinagot.

“Ah.. kuwan.. mga taga-Sebastian Lending Company iyon,” sabi ni Tita Cynthia.“Teka, nag-almusal ka na ba? Halika at ipaghahanda kita.” Hindi niya pinansin ang hantarang pagda-divert ni Tita Cynthia sa atensyon niya sa mga bisita ng mga ito.

“Ano hong pakay ng mga taga-Sebastian Lending Company sa inyo? May kinalaman ho ba ito kay Arvie?” kunot-noong tanong niya sa mga ito.

Batid niyang si Yuan na ang namamahala sa Sebastian Lending Company kaya naman naisip niya na may kaugnayan sa kaibigan niya ang pakay ng mga kalalakihang iyon. Ang hindi lamang niya maintindihan ay kung bakit tila binibigyan ng mga iyon ng palugit sa pananatili doon sila Tita Cynthia.

“Ah.. wala.. wala naman. May ano lang kasi.. may ipinasabi lang si Mr. Sebastian. Pero hindi naman ganoong ka-importante. Hayaan mo na iyon, hija. Halika na sa kumedor, mag-almusal ka na muna,” mailap ang mga mata at halatang paiwas na sabi ni Tita Cynthia.

Lalong umigting ang hinala niya sa nakitang reaksiyon nito. Hindi rin nakaligtas sa matalas na pandinig niya ang itinawag nito kay Yuan. She acknowledged his supposedly future-son-in-law in a very formal way. Parang boss nito ang pinatutungkulan nito at hindi mamanugangin. Ang isiping iyon ang nagtulak sa kanya para hindi tumalima dito. Sa halip, hinawakan niya ito sa braso upang pigilan ito.

“Tita, tell me what’s wrong,” aniya rito. Nang hindi ito sumagot ay binalingan niya si Tito Dondie na nakatingin lamang sa kanila. “Tito?”

Nagtatanong ang mga matang tiningnan niya ito.
Ilang sandaling hindi ito umimik, tila tinitimbang pa kung magsasabi ba sa kanya o hindi. Pagkuwa’y bumuntong-hininga ito. “I-Iilitin na ng SLC sa Miyerkules ang bahay at lupa naming ito bilang kabayaran sa mga utang namin sa kanila,” malungkot at tila helpless na sabi ni Tito Dondie. Nanghihina na umupo pa ito sa single sofa roon.

“Ano ho?” gulat na tanong niya. Nang ulitin ni Tito Dondie ang sinabi nito ay napuno ng pagtataka, kaguluhan at tanong ang isip niya. “Pero bakit, ho? Hindi po ba’t si Yuan na ang may-ari ng kompanyang iyon? Bakit ho niya gagawin sa inyo ito? At kailan pa ho kayo nagkautang sa kanila?” sunod-sunod na tanong niya.

You Belong With Me (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon