Kabanata 5b. Magiging okay ka pa ba?

81 6 2
                                    

"Magiging okay ka pa ba?"

Blangkong tingin lang ang isinagot ko kay Leqleq sa tanong niyang iyon. Gusto kong tumawa sa tanong niya. Magiging okay ka pa ba? Talagang 'di na siya nagkunwaring mangmang sa nararamdaman ko at 'di na nagtanong kung okay lang ako. Alam na alam na niyang hindi ako okay at matatagalan bago ako maging kasing-okay gaya ng dati.

Nasa tapat kami ni Leqleq ng dati naming school, kumakain ng tokneneng at umiinom ng buko juice. May klase nang mga oras na iyon kaya wala masyadong tao. After many years, ngayon lang ulit kami nakabalik ni Leqleq doon. Nagulat nga siya nang dalhin ko siya roon, eh. Wala lang. Gusto ko lang bigyang-katuparan 'yong "utos" ko sa sarili ko two decades ago.

"Hoy, sumagot ka," untag sa'kin ni Leqleq. "Di ako sanay na tahimik ka."

Ngumiti ako nang tipid. "Salamat, Leq, ha? Maraming salamat para sa lahat-lahat ng ginawa mo para sa'kin. Hindi kayang i-encapsulate ng kahit anong word o sentence ang kabaitang taglay mo. Dabest ka, bespren. Kaya maraming, maraming salamat."

Hinarap ni Leqleq ang mukha ko sa kanya. Nanlalaki ang mga singkit nitong mga mata. "May kanser ka?!"

"Anong kanser?"

"Stage 4 na?"

"Pinagsasabi mo?" Tinanggal ko ang kamay niyang nakahawak sa baba ko. Natawa na rin ako nang tuluyan. "Wala akong kanser, para kang tanga."

"Kung makapagpasalamat ka kasi, parang magpapaalam ka na, eh."

Pinagmasdan ko si Leqleq. Parang kahapon lang 'yong mga panahong uhugin pa kami parehas at nag-aagawan pa sa tokneneng. Aasarin ko siya tapos 'pag napikon siya, ibubuhos niya sa'kin 'yong sawsawan ng tokneneng niya. Mumurahin ko siya at tatapunan ng strands ng buko. Imbes na magalit sa isa't isa, maghahalakhakan lang kami. Hindi pa marunong mag-make up si Leqleq no'n, tapos hindi pa ahit at iisang mahaba lang 'yong kilay niya. Palagi ring magulo 'yong buhok niya dahil halos hindi kami mapirmi sa classroom at panay ang laro ng mataya-taya at patintero. Pero kahit gano'n, maganda pa rin siya. Natural na mamula-mula ang mga pisngi niya na sh-in-are sa'kin ng seatmate ko noon na madalas nitong panaginipan. Kadiri, pero gets ko naman siya. Kung si Nikki ay diyosa, si Leqleq naman ay anghel sa lupa.

Ngayon, new and improved na talaga ang datingan ni Leqleq. Rebonded na 'yong dati niyang magulong buhok. Naka-siyete na 'yong mga kilay niya. Ang hindi lang nagbago ay ang rosy cheeks niya. Ay, mali. Parang lalo ngang naging rosy ngayon kasi blooming siya. At blooming siya dahil masaya siya sa buhay niya—sa trabaho niya, sa asawa niya, sa anak niya.

"Nagpapasalamat lang ako kasi... alam ko namang busy ka sa mga kompanyang pinamamahalaan mo. Busy ka kina Yosh at Alexi. Pero nandito ka sa dati nating tambayan... kumakain ng tokneneng samantalang pang-CEO na 'yang sikmura mo."

Pinektusan ako ni Leqleq. "Anong 'pang-CEO'? Ikaw nga, pang-'superstar' na 'yang tiyan mo, eh! Medyo laos na nga lang," pang-aasar niya, na sinagot ko lang ng halakhak. "Paano ba naman kita mahihindian, Keben? Sa drama mong 'yan? Malay ko ba kung bigla ka na lang magbigti? Eh, di kargo de konsensya pa kita? Ma-guilty pa ako at ako pa umako ng pampalibing mo? Kaysa magastusan pa ako, sasamahan na lang kita ngayon."

Ako naman ang pumektus kay Leqleq. "May death insurance ako, koplog!" Pabiro niyang sinuntok ang braso ko habang hawak ang noo niyang pinektusan ko. "Buti hindi nagseselos si Yosh na dinadaluhan mo agad ko kapag may problema ako?"

"Ba't magseselos iyon, eh, babe mo iyon?" biro ni Leqleq, nakangisi. "Saka gano'n din naman ako sa kanya. Isang text lang niya ng "help," magkukumahog na akong tumawag sa kanya para siguruhing okay siya. Higit sa lahat, concerned kami pareho sa'yo. Alam mo bang napag-uusapan ka namin bago kami matulog? Naninibago kami sa tamlay mo these days. Kaya kapag tumatawag ka, pinapain na niya ako. Minsan nga, naiisip ko... ako ba talaga 'yong mahal ni Yosh o ikaw?"

Naghalakhakan kaming dalawa. Pagkatapos, kinurot niya ang pisngi ko. "Hindi siya magseselos kasi alam naman niyang soulmate kita."

Napatitig ako kay Leqleq, napakagat-labi. Hindi. Hindi ako iiyak.

Hindi ako mag-iisip ng kung ano-ano. Hindi ako magsisisi. Hindi na ako ulit magtatanong ng "Paano nga kaya...?"

Hindi na ako magsasabi sa sarili kong "Sana si Leqleq na lang..."

Hindi.

Hindi na pwede.

Dear Future KebenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon