Magjowa ang bagong spacers ni Ludwig - sina Polo at Mahika.
Si Polo ay 28, 5'6, maputi, may nakausling tiyan, at mataas na hairline. Nagtatrabaho ito sa call center.
Si Mahika ay 22, 5'2, morena, payat, at tadtad ng tattoo. Wala itong trabaho sa ngayon. Ang gusto raw kasi ni Polo ay makapag-aral ito sa university.
Naramdaman ni Ludwig na may 'hangin' ang magjowa (lalo na 'yung lalaki). Kung paano ito makipag-usap, kung paano i-promote ang sarili - nase-sense niya ang may-kataasang pride. 'Yung tipong angat ang tingin sa sarili.
Naka-motor ang mga ito nang dumating. Nasa tapat pa lang ng gate, makikita na ang angas sa maliliit nitong kilos. Matching outfit pa ang dalawa.
In a different situation, hindi tatanggapin ni Ludwig ang magjowa. Pero dadalawa pa lang ang kanyang bedspacers at kailangan niya ng income. So, isinantabi niya ang gut feeling, at nagbaka sakali. Naisip niya na wala naman sigurong mawawala kung bigyan niya ito ng chance.
Ipinaliwanag mabuti ni Ludwig ang Rules & Regulations ng boarding house. Nag-send din siya ng copy through Messenger, at naging Facebook friends niya ang magjowa. Tinawanan ni Ludwig ang sarili nang makitang may lima na siyang kaibigan sa Facebook (Arthylou, Red, Donna, Polo, & Mahika).
Paglipas ng ilang araw, nakita ni Ludwig ang mga problemang dulot ng magjowa.
Sa umaga (pagpasok nina Arthylou at Red), siya namang bangon ni Mahika. Magbubukas ito ng TV, at wala nang patayan ang Netflix. At dahil walang pinapasukan si Mahika (school o trabaho), parati lang ito sa boarding house. Sa sofa ito nakatambay hangga't nagpapahinga si Polo. Gabi kasi ang schedule ng lalaki sa call center.
After lunch, magigising si Polo. Magse-sex ang dalawa sa male big room. Alam ni Ludwig na hindi niya makokontrol ang dalawa about sex. Kaya pinayagan niyang sa male big room na lang iyon gawin (as long na walang tao, syempre). Sa female big room, off limits ang sex, maging ang pagpasok ng male bedspacers.
Late afternoon, nagpapang-abot sa boarding house sina Polo at Arthylou. Napakaraming galaw ni Polo - pakitang-gilas ito sa kung anu-anong paraan - obvious ang pagkagusto nito kay Arthylou. Minsan nga, nag-away ang magjowang Polo at Mahika. Hinala ni Ludwig, si Arthylou ang dahilan.
Pinakaswabeng style ni Polo ay manghiram ng gitara kay Arthylou. Intresado raw itong matuto pero nahihirapan daw unawain ang YouTube tutorials. Kapag may chance, nagpapaturo ito kay Arthylou. Pasimple lang, syempre. Iniiwasan din nitong makahalata si Mahika.
Sa gabi, naiiwan si Mahika habang nasa trabaho si Polo. Kapag nakita nitong magkakape siya, sasabay ito. Kapag suma-shot sila ni Red, sasali rin. Pati nga sa tindahan ay pumupunta ito para lang makipagkwentuhan.
Wala namang problema kung maki-bonding si Mahika. Bedspacer niya ito at mas maganda nga kung solid ang kanilang samahan. Ang isyu lang ni Ludwig ay ang pampi-flirt nito sa kanya. Natural lang na umiwas siya sa gulo. Lalo na't pareho niyang bedspacers sina Mahika at Polo.
"That girl is trouble," pasimpleng nginuso ni Red si Mahika.
Nag-nod si Ludwig bilang sang-ayon. "Bored lang 'yan. Walang ginagawa, e."
"Iyon nga ang nakakatakot - boredom," pagdidiin nito.
Hindi nag-comment si Ludwig.
"I'll suggest na mag-install ka ng CCTV sa boarding house," prangkang pahayag nito.
"Wala pa 'kong pera, Red," mabilis niyang sagot. "May mga kailangan akong ipa-repair na mas dapat unahin."
"Pwede kitang pahiramin."
Umiling siya. "Thank you. Pero 'wag."
"Why not?"
"Nakakahiya, e."
"Oh, come on!" hindi ito makapaniwala. "We need security, Ludwig. Isipin mo kami ni Arthylou."
Napakamot siya sa batok.
"May nakita akong shop na nagbebenta ng used CCTV. Parang surplus store," ang bading.
"Saan?"
"Katabi ng Chill-Out Bar."
"Walang surplus shop sa tabi ng Chill-Out," sigurado si Ludwig dahil doon siya naglasing noong birthday niya.
"Meron na ngayon," kumpyansa si Red.
"Sige, check ko."
"Let's hope na may makita kang mura. And let me know kung sakaling kapusin ka."
Nag-nod uli siya bilang appreciation.
"At kumusta ka raw, sabi ni Donna," kumindat ito. "Mag-reply ka raw."
"Nagre-reply ako," depensa niya.
"Hindi mo raw sinagot 'yung tanong niya."
Napailing si Ludwig.
"Ano ba 'yung tanong?" napaimbestiga ang bading.
"Sino raw 'yung babae sa post ko," walang gana si Ludwig.
"Ay gagang 'yon!" nanlaki ang mata ni Red. "Sinabi ko nang tayong tatlo nila Arthylou 'yon, e!"
"Hindi naman 'yon ang mismong tanong niya, e," paliwanag ni Ludwig. "Ang gusto niyang malaman ay 'sino' si Arthylou."
Napa-"Aaahh!" si Red.
"Kaya hindi na 'ko nag-reply."
"So, ayaw mo nang gano'n?" curious ito.
"Hindi ko tinatanong kung sino 'yung mga nasa post niya. So, I'm expecting the same gesture lang din."
"Noted," napatango pa si Red. "Masyadong assuming si 'Akla, kakausapin ko na lang."
"Thanks, Red," tinapik niya ang balikat nito.
BINABASA MO ANG
Bedspacer Ludwig
Aktuelle LiteraturAng kwentong ito ay tungkol kay Ludwig - ang lalaking nagsimulang muli matapos iwan ng kanyang girlfriend. Habang itinatayo ang sarili, matutuklasan ni Ludwig ang mga bagay na makapagbabago sa kanyang pagkatao.