Napuna ng mga manang na matamlay at tila may-sakit si Pari Salvi ng magmisa kinabukasan. Naruon sa kumbento ang mga manang at manong upang isangguni sa kura kung sino ang pipiliin niyang magsermon sa kapistahan ng bayan. Si Pari Damaso ba? Pari Martin o ang coordinator? Sa kanilang paghihintay, naging paksa sa kanilang usapan ang tungkol sa pagkakaroon ng ‘indulhensiya plenarya,’ na siyang tanging kailangan ng mga kaluluwang nagdurusa sa purgatoryo upang mahango roon. Ang isang karaniwang indulhensiya sa kanilang pagkaalam ay katumbas na ng mahigit na 1,000 taong pagdurusa sa purgatoryo. Ang mga manang na nag-uusap ay pinangungunahan ng isang batang-batang balo, Manang Rufa at Manang Juana. Dahil sa kanilang kaabalahan sa pag-uusap, hindi nila napansin ang pagdating ni Sisa.
Siya ay mayroong sunong na bakol na puno ng sariwang gulay na pinitas niya sa kanyang halamanan. Mayroon din siyang halamang dagat na katulad ng pako, na paboritong gawing salad ng Kura. Suot niya ang kanyang pinakamagandang damit. Tulog pa si Basilio ng umalis siya sa kanilang dampa.
Dumiretso si Sisa sa kusina ng kumbento. Inaasahan niya na marinig ang tinig ni Crispin. Ngunit hindi niya ito marinig. Binati niya ang mga sakristan at kawasi sa kumbento. Hindi siya napansin ng mga ito. Kung kaya’t siya na mismo ang nag-ayos sa mga dala niyang gulay sa isang hapag.
Nakiusap si Sisa sa tagapagluto kung maari niyang makausap ang Pari. Pero, sinabi sa kanyang hindi sapagkat may sakit ito. Tinanong niya ang tagapagluto, kung nasaan si Crispin.
Ang sagot sa kanyang tanong ay parang bombang sumabog sa kanyang pandinig: Si Crispin ay nagtanan din pagkatapos na makapagnakaw ng dalawang onsa at ng pagkawala ng makapatid. Naipagbigay alam na ng alila sa utos ng kura ang pangyayari sa kwartel. Ang mga guwardiya sibil ay maaring nasa dampa na nina Sisa upang hulihin ang magkapatid, pagdiin pa ng alila.
Nangatal si Sisa. Naumid ang labi. Mabilis na tinakpan ang kanyang dalawang tainga nang paratangan siya ng alila na isang inang walang turong mabuti sa mga anak dahil nagmana ito sa ama.
Tuliro siyang nagtatakbong nilisan ang kumbento. Gulong-gulo ang isip.
BINABASA MO ANG
Noli Me Tangere
Historical FictionAng inyong mababasa ay buod ng bawat kabanata ng Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal