Isang malaking gulo ang nangyayari sa bahay ni Tiyago dahil sa hindi inaasahang pagdating ng Kapitan-Heneral. Si Maria ay panay ang pagtangis at hindi pinakikinggan ang payo ng kanyang ale at ni Andeng. Paano nga, pinagbawalan si Maria ng kanyang ama na makipag-usap kay Ibarra habang hindi pa inaalis ang eskomonyon sa binata.
Saglit na umalis si Kapitan Tiyago sapagkat pinapupunta ito sa kumbento. Pinatuloy na inaalo naman ni Tiya Isabel si Maria sa pagsasabing susulat sila sa Papa at magbibigay ng malaking limos. Madali namang mapapatawad si Ibarrasapagkat nawalan lamang ng ulirat si Padre Damaso. Si Andeng ay nagboluntaryong gagawa ng paraan para magkausap ang magkasintahan.
Nasa gayon silang pag-uusap nang bumalik si Kapitan Tiyago. Sinabi nito na inutusan siya ng pari na sirain ang kasunduan ng pag-iisang dibdib ng magkasintahan. Si Pari Sibyla ay nagsabi naman na huwag tanggapin si Ibarra sa kanyang tahanan at ang utang ni Kapitan Tiyago na P50,000 sa binata ay huwag ng pabayaran kundi mawawala ang kanyang buhay at kaluluwa.
Inalo ni Kapitan Tiyago si Maria sa pagsasabing ang ina raw nito ay nakita lamang niyang umiyak nang ito’y naglilihi. Isa pa, anito, may kamag-anak si Padre Damaso sa nakatakdang dumating mula sa Europa at siyang inilalaan ng maging panibagong katipan ni Maria. Sindak ang mga kausap ni Kapitan lalo na si Maria na napailing lamang, umiiyak at tinakpan ang mga tainga. Pati si Isabel ay nagalit at sinabihan ang Kapitan na ang pagpapalit ng katipan ay hindi parang nagpapalit lamang ng baro.
Dahil kaibigan ni Kapitan Tiyago ang Arsobispo, iminungkahi ni Tiya Isabel na sulatan ito. Pero, sinabi ng Kapitan na mawawalang kabuluhan lamang sapagkat ang Arsobispo ay isang prayle rin at walang ibang paunlakan kundi ang mga kapwa prayle. Pagkaraang pagsabihan ng Kapitan si Maria na tumigil na ito sa kangangalngal at baka mamugto ang mga mata. Hinarap na niya ang paghahanda sa bahay.
Pamaya-maya dumating na nga ang Kapitan-Heneral. Ang buong kabahayan ni Kapitan Tiyago ay nagsimula ng mapuno ng mga tao. Si Maria naman ay tumakbo sa silid at nagdasal sa Mahal na Birhen. Nasa ganito siyang kalagayan ng pumasok ang kanyang Tiya Isabel at sinabing gusto siyang makausap ng Kapitan-Heneral. Mabigat man sa loob ay unti-unti na siyang nag-ayos ng katawan.
BINABASA MO ANG
Noli Me Tangere
Narrativa StoricaAng inyong mababasa ay buod ng bawat kabanata ng Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal