Taong 1994, nakilala ko ang dalagang si Samantha, naging nobya ko siya nang isang taon. Naging maganda naman pakikitungo namin sa isa't isa kahit pa magkaiba ang antas ng pamumuhay namin. Noong mga panahon na iyon, hindi pa uso ang social media or mga cell phone na katulad ngayon. Ang uso lang noon, ay liham. Liham na nagamit ko noong bigla na lamang nawalang parang bula si Samantha. Hindi ko alam ang totoong dahilan. Nagtanong-tanong ako sa mga kaklase niya pero ni isa sa kanila ay walang masabing impormasyon tungkol sa kanya. Kaya, pinuntahan ko naman ang mga kamag-anak niya sa Cavite, pero hindi nila sinasabi kung nasaan si Samantha kahit pa pakiramdam ko ay alam naman nila.
Kahit na wala na si Samantha sa tirahan nila, lagi akong bumabalik doon. Dahil umaasa akong isang araw ay makita siya ulit doon dahil pag-aari nila ang bahay na iyon.
Sa maliit na bakal na pakahon ang hugis, doon ko palagi iniiwan ang mga liham na ginagawa ko.
Mas lalo pa ngang nabuhay sa isip ko ang ideyang nandyan lang sa tabi si Samantha nang malaman kong may kumukuha ng liham ko sa kahon. Kada linggo, nawawala ang mga liham na inilalagay ko. Kaya kahit paano, hindi ako nawawalan ng pag-asa na makausap siyang muli.
Pero makalipas ang halos tatlong buwan, napapansin ko sa sarili ko na parang may nagbabago sa akin. Tuwing gabi, lagi kong nakikita si Samantha sa gilid ng kama ko na nakaupo. Nakangiti at para bang sinasabi niyang halikan ko siya base sa kanyang mga tingin. Kaso nga lang, sa tuwing gagawin ko na iyon ay bigla na lang siyang naglalaho sa paningin ko.
Minsan din, naririnig ko ang boses niya bago ako matulog. Nararamdaman ko rin ang haplos niya sa likod ko. Iyong mga halik niya ay nalalasahan ko lalo na kapag pagod ako dahil iyon ang madalas niyang gawin noon kapag galing akong trabaho.
Nang ikwento ko iyon sa pinsan kong nasa kabilang kwarto lang, sinabi niya sa akin na baka namatay na raw si Samantha at minumulto ako. Sabay sabi niyang biro lang. Sa sobrang inis ko, nabato ko siya ng libro. Mabuti na lang at nakailag siya.
Pero, sumagi rin talaga sa isipan ko kung paano nga kung gano'n ang nangyari? Ang tagal na niya kasing hindi nagpapakita sa akin.
Para maalis ang mga negatibo kong naiisip, nagsulat na lang ulit ako ng liham na ilalagay ko sa kahong nasa gate nila Samantha.
Dear Samantha,
Ang tagal ko nang naghihintay sa pagbabalik mo, magdadalawang taon na rin. Hindi ka na babalik mahal ko? Magbalik ka, hindi ko na kayang mag-isa.
nagmamahal,
Rod
Pagtapos kong magsulat, inilagay ko na iyon sa isang puting sobre.
Mabilis na lumakad ang mga araw, paulit-ulit na lang ang ginagawa ko. Pag-uwi ko galing sa trabaho, dadaan ako sa bahay nila Samantha at maglalagay ng liham. Pero nitong mga nagdaang araw, napansin kong tila wala nang kumukuha ng mga liham. Dahil para labis akong magtaka.
Pakiramdam ko, nawala ang nag-iisa kong pag-asa. Agad na tumulo ang luha ko. Hindi ko napigilan, nasuntok ko rin ang kahon, dahil sa tumama ang kamao ko sa kanto, nasugatan ako. Pero hindi ko iyon pinansin. Si Samantha, gusto ko na siyang makita.
Nang makauwi ako, dali-dali akong nagmukmok sa kwarto, hindi ko na rin nakikita si Samantha sa gilid ng kama ko, lahat ng nararamdaman ko noon, wala na rin. Hindi ko maintindihan. Sa sobrang kalungkutan, para akong masisiraan ng bait.
Noong araw na iyon, panay ang tanong ko sa kawalan kung paano ko makikita si Samantha. Hanggang sa naingayan na sa akin si Pancho, ang pinsan ko.
BINABASA MO ANG
Ang Amoy Ng Kandila
HorrorSecond Compilation of Horror Stories of Delonix R. Winfour