Dagsa na naman ang mga taong nakikiramay. Ang karamihan, gusto lang talagang makapagsugal dahil ito lang naman ang pagkakataong nagiging legal ang mga bisyo nila.Nagbabantay lang ako sa gilid ng kabaong ni Kuya Jake habang nginingitian ang mga sumisilip sa mukha ni Kuya.
"Nakakalungkot naman, sunod-sunod na, ah?" Narinig kong sabi ni Aling Lita, kalaro ito ni Mama sa Tong Its palagi.
Naalala ko na naman tuloy ang mga nangyari bago nawala si Kuya Jake. Naunang namatay si Papa at si Ate Yna. O mas maiging sabihin kong nagpakamatay sila.
Kinitil nila ang mga buhay nila nang walang maayos na dahilan. Ni pahiwatig o clue man lang ay wala kaming nakuha. Basta, bigla na lang nangyari ang lahat.
Noong burol ng Lolo ko nagsimula ang lahat. Nasa lamay kami noong mga oras na iyon. Hindi ko makakalimutan iyong kinwento sa amin ni Papa na may matandang babae raw na mukhang gusgusin pero nakapagbigay ng sampung libong abuloy.
Hindi dapat tatanggapin ni Papa iyon kaso, agad na ring umalis ang matanda. Lahat kami, nagtaka sa ganoong kalaking halaga. Noong mga pagkakataon na iyon, aminado ang pamilya namin na said na said kami. Kaya, sa halip na isipin pa namin kung paano nakapagbigay ng ganoong kalaking pera ang matandang iyon, nagpasalamat na lang kami at inasikaso iyong mga dapat pang bayaran.
Pagkatapos no'n, hindi na muling nagpakita ang matanda. Nagbiruan pa nga kami na baka padala mula sa langit ang matandang iyon.
Pero, makalipas ang isang buwan matapos mailibing si Lolo, nagimbal kaming lahat.
Natagpuan namin si Papa sa kwarto nila ni Mama na nakabigti sa kisame. Nagulat kaming lahat dahil wala kaming makitang rason para gawin niya iyon. Maliban na lang sa maaaring na-depress siya sa pagkawala ni Lolo dahil malapit sila sa isa't isa.Hindi namin binigyan ng ibang kahulugan ang pangyayaring iyon. Pinagpalagay namin na ang nangyari ay may ugnayan sa pagkawala ni Lolo.
Pero, hindi doon nagtatapos ang lahat ng misteryo sa pamilya namin.
Isang buwan din ang nakalipas noon at sumunod naman si Ate Yna. Nagpakamatay rin. Nilunod niya ang sarili niya sa drum namin sa likod-bahay. Mas naalarma kami dahil doon. Dahil, hindi rin namin makita ang rason kung bakit ginawa iyon ni Ate. Wala naman siyang love life. Maayos naman ang pakikitungo niya sa amin at hindi naman siya mukhang malungkot kahit pa nawala si Papa. Masayahin siyang tao at relihiyosa, kung kikilanin siya, malabong magawa niya ang bagay na iyon.
Depression, domino effect. Iyon ang sinabi ng psychiatrist na nakausap ni Mama. Marahil daw ay na-depress din si Ate sa pagkawala ni Papa. Ang kinababahala ni Mama noon ay baka may isa na namang lamunin ng depression at sumunod sa nangyari.
Hanggang sa. . .
Hindi nga nagkamali ang hinala ni Mama. Isang buwan na naman ang nakalipas, sinaksak naman ni Kuya ang kanyang sarili sa harap naming lahat. Nag-uusap-usap lang naman kami sa kusina habang nagluluto, panay pa nga ang tawa ni Kuya kasi pinag-ti-tripan niya ako. Kaso, ilang minuto lang, bigla siyang tumahimik. Pagkatapos, inagaw niya sa akin iyong kutsilyo at parang galit na galit na itinarak sa sarili niyang katawan.
Hinimatay si Mama nang masaksihan iyon. Para kasing hindi si Kuya ang kasama namin nang mga sandaling iyon.
Sa puntong iyon, hindi na namin naisip na depression ang dahilan ng kaso ni Kuya. Sabi ng mga pulis, nalaman nilang minsan na palang gumamit ng droga si Kuya. Nitong nakaraang buwan lang ang huli.
Hindi naniwala si Mama kaya ang nangyari, pinalayas niya ang mga pulis sa bahay namin.
Ngayon, nakaburol si Kuya. At lahat ng usap-usapan, nakatutok sa pamilya namin.
BINABASA MO ANG
Ang Amoy Ng Kandila
HorrorSecond Compilation of Horror Stories of Delonix R. Winfour