Langit, Lupa

357 5 0
                                    



"Ikaw dapat ang taya, madaya ka," rinig kong sabi ni Freddie.

Nagtatalo na naman siguro ang mga alaga ko. Sa tuwing maglalaro sila, hindi nila maiwasang mag-away. Palagi na lang silang nagsisigawan. Kung minsan pa nga, hanggang sa hapagkainan, pinagtatalunan pa rin nila kung sino nga ba dapat ang laging taya sa nilalaro nila.

Tatlong buwan na ako sa pagiging yaya ng dalawang batang hindi ko alam kung mayroon bang personality disorder. Kahit halos mamuti na ang mga buhok ko kasasaway sa kanila, tinitiis ko pa rin, wala naman akong choice. Kailangan kong mabayaran ang utang ni Mama sa magulang nila na tita ko rin naman.

Nagkaroon kasi ng pagkakautang si Mama kay Tita Martha nang muntik nang maremata ang bahay na sinangla namin. At para mabayaran iyon, napagkasunduan namin na maging yaya ni Freddie at Jason, tutal, kaaalis lang ng naunang nag-alaga sa mga ito.

Maayos naman ang pakikitungo sa akin ni Tita, pati ng asawa niyang madalang lang dumalaw dahil nga palaging out of town ang trabaho. Wala akong problema sa pagkain, binibigyan din ako kahit paano ng panggastos na iniipon ko naman para ipadala kay Mama sa Capiz.

Ang tanging problema ko lang talaga, ang magkapatid na Freddie at Jason.

Si Freddie, hindi siya makausap nang maayos. Kung makapagsalita siya, para siyang mas matanda pa sa akin. Malalalim, at makahulugan ang mga salita na binibitiwan niya kapag ako ang kausap niya. Mayroon siyang routine na sinusunod kada araw. Paggising ng umaga, maliligo muna siya nang saktong 6:30. Pagkatapos, manunuod siya ng tv sa sala nang hindi pa nagbibihis. Kapag natapos na ang pinapanood niya, kailangang nakahanda na ang kakainin niya dahil iyon na ang susunod niyang gagawin. Ayaw niyang may kasabay, gusto niya na kapag kumakain siya ay pinatutugtog ang kantang Samson na kinanta ni Regina Spektor. Magbibihis na siya kapag natapos na siyang kumain. Laging itim ang sinusuot niyang sando, kapag pinilit siyang magsuot ng puting sando, isa lang ang sasabihin niya sa akin.

"Ang puti ay langit. Magagalit si Jason."

Si Jason, madaldal at napakawalang modo niyang bata. Madalas, kung magsalita siya sa akin ay parang siya ang nagpapasahod sa akin. Malutong siyang magmura. Ang nakakabahala lang, nananakit siya. Lagi niyang napagdidiskitahan si Freddie. Kahit nananahimik, bigla na lang niyang susuntukin sa ulo si Freddie nang walang dahilan. Hindi naman aalma si Freddie, titingin lang ito at ngingiti na parang ewan.
Hindi katulad ni Freddie, wala siya gaanong sinusunod na routine maliban sa dalawang bagay na dapat ay magawa niya bago matapos ang araw.

Kapag sumapit na ang alas-kuwatro ng hapon, maglalaro na sila ng Langit At Lupa. Kahit anong mangyari, dapat ay malaro nila ito. Dahil kung hindi, nagwawala sila sa mga kuwarto nila na para bang hindi pinagbigyan na makalabas.

Sa bakuran lang madalas maglaro si Freddie at si Jason. Ang lagi ko ngang napapansin, si Freddie ang laging taya. Laging si Jason ang nakatuntong sa mahabang kahoy na upuan habang si Freddie ay parang tangang naghihintay na bumaba ang kapatid.

Matatapos ang laro nila na hindi man lang natataya si Jason dahil hindi rin naman ito umaalis sa kinalalagyan niya. Araw-araw na gano'n ang sistema.

Kapag umaangal si Freddie, sinisipa ito ni Jason sa mukha, o kaya naman, hahampasin niya ng tsinelas sa ulo. Gano'n kasalbahe si Jason.

Ang pinakahuli niyang ginagawa pagkatapos ng laro nila, bigla siyang tatakbo sa loob ng bahay at pupunta sa harapan ng altar. Luluhod siya at taimtin na magdadasal. Kung titingnan siya sa ginagawa niya, iisipin mong parang napakabait niyang bata. Pero hindi. Hindi ko rin talaga maintindihan kung bakit siya gano'n, at kung bakit kakaiba rin si Freddie.

Dumungaw ako sa bintana habang naghuhugas ng plato sa lababo. Mula sa bintana, natatanaw ko ang dalawa sa labas na naglalaro.

Malamang, nakatingala na naman si Freddie sa kuya niyang si Jason na nakatuntong sa upuan. Para silang mga tanga.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 27, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Amoy Ng KandilaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon