Katatapos lang ng klase namin noon sa morning session. Dahil may okasyon sa bahay at alam kong maingay na naman doon, naisipan ko na lang munang mag-relax. Hindi ako pumunta sa kung saang fast food chain, or tindahan ng kape na pagkamahal-mahal.Hilig ko ang pagbabasa kaya naman, dumiretso ako sa library ng school namin. Sa labas pa lang, makikita mo na ang kalumaan sa bawat pader. Maging 'yong malaking pinto sa entrance, medyo may kaitiman na rin ang bawat gilid dulot ng mga alikabok na hindi masyadong natanggal.
Isa sa pinakamatandang library ang Don Adam Library sa buong city namin. Dumadayo pa nga rito 'yong ibang teacher mula sa ibang school para lang magbasa. Kahit sino kasi, maaaring pumasok dito basta't ikaw ay isang estudyante o kaya naman ay isang guro.
Nang makapasok ako, dumiretso ako sa spot kung saan ako madalas magbasa. Kaso nga lang, may naabutan akong babae na nagbabasa roon. At para bang hindi niya nararamdaman ang presensya ko kaya naman, humanap na lang ako ng ibang pwesto na pwede ko pa rin siyang matanaw. Gusto ko kasi talaga ang pwesto na iyon, doon ako kumportable magbasa.
Uupo na sana ako sa bakal na upuan nang biglang kinausap ako ni Sir Vin. Siya 'yong isa sa librarian dito. At sa ilang beses ko nang nagpupunta rito, naging parang tropa-tropa na rin kaming dalawa.
"Oh, James? Napadpad ka na naman," aniya habang may bitbit na mga libro.
"Ah, tinatamad pa po kasi ako umuwi, Sir."
Tumango siya.
"Kunsabagay, mas magandang magbasa-basa na lang muna kaysa gumala sa kung saan-saan," tugon niya sa akin.
Pagkatapos ng sandaling pag-uusap namin ay umalis na rin siya kaagad dahil marami yata siyang ginagawa.
Nang makapili na ako ng babasahin ko, sumandal ako sa upuan at inilipag ang ilan kong gamit sa lamesa. Habang nagbabasa ako, paminsan-minsan ay tumitingin-tingin ako roon sa babaeng nagbabasa. Ilang table lang naman ang layo niya sa akin pero hindi ko man lang maaninagan ang mukha niya dahil masyado siyang nakayuko. Mahaba rin naman ang buhok niya at bahagyang natatakpan ng libro ang mukha niya.
Makalipas ang ilang minuto ng pagbabasa ko, napansin ko na parang hindi man lang gumagalaw 'yong babae roon sa pwesto niya. Kung ano 'yong posisyon niya nang dumating ako, gano'n at gano'n pa rin hanggang ngayon.
Nagtaka tuloy ako kung nagbabasa ba talaga siya o hindi. Naisip ko nga na baka natutulog lang siya rito.
Kaya naman, naisipan kong lumapit para kahit paano e malaman ko kung ginagamit niya nga ba talaga 'yong hawak niyang libro.
Nagkunwari akong kukuha ng bagong libro. Nasa bandang kaliwa 'yong shelf na pagkukuhanan ko kaya medyo nasisipat ko na 'yong kanang mukha niya.
Maputi siya, medyo may kapayatan ang pisngi niya at ang braso. Ang weird nga lang kasi para bang hindi niya talaga ako nararamdaman.
Bumalik ako sa kinauupuan ko at tumitig ulit sa libro. Kunwaring nagbabasa pero sa totoo lang, binabantayan ko kung gagalaw ba 'yong babae.
Pero, hindi talaga. Dumating na nga ako sa puntong gusto ko na siyang tanungin kung anong oras siya matatapos sa pagbabasa dahil hindi talaga ako makapag-focus sa pwesto ko ngayon. Kaya nga lang, naisip ko rin na kapag ginawa ko 'yon, magmumukha naman akong walang galang.
Pinagpatuloy ko ang pagbabasa. Nakakailang pahina na ko pero parang hindi napasok lahat ng ideya na nakukuha ko sa libro. Masyado akong napupukaw ng babaeng nasa bandang harapan ko.
Mayamaya pa, sinuyod ko ang buong paligid. Ngayon ko lang napansin na bakit parang wala yata mga tao noong mga sandaling iyon. Tanging ako, si Sir Vin at itong babae lang ang makikita sa buong library.
BINABASA MO ANG
Ang Amoy Ng Kandila
HorrorSecond Compilation of Horror Stories of Delonix R. Winfour