Vlog Number 6

374 13 0
                                    


"Kumusta mga Tokats! Nandito tayo ngayon sa Kawit, Cavite, ang isa sa mga pinakakilalang lugar sa ating bansa. Kung nagtataka kayo kung ano ang pakay natin dito, pwes, susugod lang naman tayo sa sinasabing isa sa pinakamatandang mansyon dito sa Cavite. Iyon ang target natin ngayon for this month. Ano nga kayang kababalaghan ang meroon doon mga Ka-Tokats? Aalamin natin iyan mayamaya lamang. Sa ngayon, samahan n'yo muna ako sa aking biyahe!


Tara!"

Bungad ko sa aking camera.


Ako si Ronald, isa akong baguhang vlogger at ang content ng mga videos ko ay tungkol lahat sa katatakutan. Nitong nakaraang July lang ako nagsimula sa pagba-vlog mula nang mainggit ako sa pinsan kong si Bong. Sabi niya kasi, malaki rin daw kita rito kapag bumenta sa mga viewers ang ginawa mong vlog. Oo, bukod sa entertainment, gusto ko rin namang kumita ng pera habang ginagawa ko iyon. Hindi naman talaga ako gipit na gipit sa buhay kaya ko ito pinasok, may matino akong trabaho, warehouse man ako na sumasahod sa isang buwan nang mahigit bente mil, nakaaangat rin naman ang pamilya ko, gusto ko lang talagang humanap pa ng ibang paraan para magkapera, at maging kilalang vlogger at the same time.


Ito ang pang-anim kong vlog mula nang magsimula ako sa larangan na ito. Iyong mga nauna kong ginawa, hindi man lang umabot ng 5k views. Siguro dahil hindi pa talaga ako gano'n kagaling at hindi rin gaanong nakakatakot ang mga iyon.


Kaya, naisipan ko talagang dayuhin pa itong Mancion De Agoncilio na nakatirik dito sa Kawit, Cavite na medyo malapit lang din sa bahay ni Emilio Aguinaldo. May usap-usapan kasi na pinamumugaran daw ito ng mga kaluluwa na hanggang ngayon ay hindi pa rin matahimik. Sabi rin ng iba, dito rin daw namatay ang ilan sa mga Pilipinong sundalo noong panahon ng mga kastila. Pinahirapan, ginawang hayop at pinugutan daw ang mga iyon ng ulo. Ang mga kababaihan naman daw, ginagahasa at ginagawa pang regalo sa ibang hukbong kastila, at kapag nagsawa na sila, doon na nila ito papatayin.


Nagkaroon ako ng matinding interes nang malaman ko ang mga kwentong iyon. Nag-search din ako sa google kung gano'n din ba ang kwento, at nalaman ko ngang, oo, iisa nga lang ang sinasabi ng hindi kilalang kasaysayan doon.


Bukod sa akin, dinadayo rin ang mansyon ng iba pang vlogger. Takaw pansin daw kasi talaga iyon dahil may tsismis na kumakalat noon na hindi na raw nakakalabas ang sino mang pumasok doon. Hindi ako naniniwala, kasi kung totoo ang mga iyon, bakit nakapag-upload pa ng video ang ilan sa nakapunta roon?


Nag-focus na lang ako sa biyahe. Nasa likod ako ng van kasama ang mga hindi ko kilalang pasahero. Natatawa na nga lang sa akin ang driver dahil kahit hindi ko kilala ang mga kasama ko ay kinakausap ko at pilit kong pinapakaway sa camera.


Tumagal nang halos sampung minuto ang biyahe, medyo nagkaroon kasi ng traffic kaya napabagal nang bahagya ang pagdating ko.


"Para po!" sigaw ko. Nagpaalam ako sa lahat ng nakasakay sa van. Kumaway sila ulit sa akin bago sila tuluyang lumayo.


Nasa harap na ako ngayon ng isang malaki ngunit lumang gate. Nilalamon na iyon ng magkahalong kalawang at mga halaman na gumapang sa bawat haligi nito. Nasa labas pa lang ako, naramdaman ko na agad na parang may kakaiba.


"Mga Tokats, nandito na tayo sa mismong harapan ng gate kung saan papasok na tayo sa loob at maglalakad nang halos ilang metro lang naman," pabulong kong sabi habang pilit na ngumingiti sa camera.

Ang Amoy Ng KandilaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon