Malakas ang ulan nang gabing iyon kaya naisipan kong tumambay na lang sa maliit na garden ng aming bahay. May kubo kasi roon at swerteng hindi naman tumutulo ang ulan dahil inayos na ng ama ko ang mga butas.
Umiinom lang ako ng kape habang pinagmamasdan ang aso na nakasilong doon sa sirang tricycle na nasa bakuran namin. Aso iyon ni Tito Manny. Kung hindi nga lang ako nabibwisit sa aso na iyon ay baka tinulungan ko na iyong maibalik sa kulungan niya.Kaso, hindi. Sobra akong naiinis sa aso na iyon dahil sa tagal na niyang nandito sa amin, para bang hindi niya pa rin ako kilala. Lagi niya akong tinatahulan na animo'y isa akong dayo. Kung minsan nga, tinangka niya pa akong sakmalin, mabuti na lang at kinapos ang tali niya kung kaya't hindi niya ako inabot. Naiisip ko nga kapag mag-isa ako, lalo na ngayon. . .
"Ano kaya kung patayin ko na lang ang asong ito?" bulong ko habang nakatingin pa rin sa asong iyon, ang asong si Hitler.
Hindi ko alam kung bakit Hitler ang pinangalan sa kanya ni Tito Manny. Basta't ang alam ko lang, parang may kakaiba sa asong iyon.
Noon pa man, napapansin ko nang parang may isip ang asong iyon na katulad ng sa isip ng tao. Kaunting obserbasyon na nga lang, sa palagay ko may malalaman akong hindi ko dapat malaman.
Pero sa tuwing iisipin ko si Hitler, pakiramdam ko naman ay nagsasayang lang ako ng oras. Paano ba naman, isa lang naman siyang ordinaryong aso. Bakit ko pa siya pagsasayangan ng panahon.
Pero kasi. . .
"Ano bang meron sa asong 'to, lagi na lang ako ginugulo nito," bulong ko na naman.
Ilang sandali pa, nakita kong pumasok sa kahoy na gate namin si Tito Manny. Agad niyang tinungo ang kinalalagyan ni Hitler. Kinarga niya ang aso, at kahit nababasa sa ulan, pilit niya pa rin itong ibinalik sa maayos na kulungan nito.
Naisip ko nga rin, e. Bakit kaya biglang nahilig ito si Tito Manny sa aso. Mula kasi nang ampunin niya itong si Hitler, lagi na siyang nagsasabi sa amin na kapag may nakita raw kaming aso sa kalye na pagala-gala, kunin daw namin at ibigay sa kanya. Kakaiba rin ang trip niya. Gagawin niya yatang pugad ng mga aso ang bakuran namin.
Isa pa sa napuna ko, mula nang maging amo siya ni Hitler, mas naging tahimik siyang tao. Madalang na lang siyang magsalita. Iimik lang ito kapag kinausap at kapag may gustong itanong. Malayong-malayo na siya sa dating masiyahin at mapagbiro. Kunsabagay, ikaw ba naman mamamatayan ng girlfriend at wala kang nagawa, kahit naman sino ay made-depress. Ang sabi nga ni Papa, baka raw sa aso nakakuha ng comfort si Tito Manny kaya gano'n na lamang ang attachment niya sa mga aso na tulad ni Hitler.
Namatay ang girlfriend niya sa mismong harapan niya dahil may humarang daw na lalaki sa kanila. Ang kwento ni Tito Manny, binugbog daw siya ng lalaking may takip ang mukha at pagkatapos ay ginahasa naman si Patricia, ang nobya niya. Paggising niya mula sa pagkakahimatay dahil sa matinding bugbog, wala na raw ang kasintahan niya. Ang kasintahan niyang galit na galit sa akin, kasi ako lang naman ang pumupuna sa ugali niyang napakaarte at feeling mayaman.
"Henry!" narinig kong sigaw ni Mama sa 'kin mula sa pintuan ng bahay namin.
"Bakit?!" pasigaw kong sagot.
"Kakain na!"
Tumango lang ako. Umalis na rin si Mama dahil alam naman niya kung ano ang gusto kong sabihin.
Nang ibalik ko ang tingin ko sa kinalalagyan ni Hitler, nandoon pa rin si Tito Manny. Nakatayo. At para bang wala siyang pakialam sa ulan kahit naliligo na siya. Ang hindi ko pa maintindihan, bakit siya nakatingin sa direksyon ko.
Lumingon ako sa likuran kung may iba ba siyang tinitingnan, pero, wala. Ramdam kong ako ang tinitingnan niya.
Kumaway na lang ako sa kanya. Kunwari hindi ako kinakabahan. At inunawa ko na lang ang kalagayan niya dahil dalawang buwan pa lang naman ang nakalilipas mula nang mawala sa kanya si Patricia.
BINABASA MO ANG
Ang Amoy Ng Kandila
HorrorSecond Compilation of Horror Stories of Delonix R. Winfour