Ava Maria

357 13 3
                                    


"Kaya n'yo na 'yan, ah?!" sabi ng manager namin na si Mang Mando.


Tumango lang kami ng utol kong si Renz.


"Pa, pahinga ka na, kami na rito," sabi ko naman kay erpat.


Mga mekaniko kami. Sa aming tatlo, si Papa ang pinakabihasa. Tatlong dekada na niya itong trabaho at ito na rin ang bumuhay sa aming magkakapatid.


Sa tagal na niya itong ginagawa, kabisadong-kabisado na niya ang pasikot-sikot sa mga sasakyan, lalo na ang jeepney. Kung minsan nga ay nakakapagbiro pa siya ng,


"Jeep na naman, itago n'yo ko."


Sawang-sawa na kasi si Papa sa makina ng jeep. Kahit yata nakapikit ay malalaman niya kung anong problema at dapat gawin. At kung bibilangin ang numero kung ilang sasakyan na nga ba ang napaandar niya, mahihiya ang bilang ng mga naging ex ko.


Si Mang Mando naman ay matagal nang kaibigan ni Papa. Dati itong recruiter sa isang agency na nag-resign na. At ngayon, naisipan niyang gawing isang mechanical team kaming tatlo. Si Papa ang head mechanic, tapos si Mang Mando naman ang magiging manager namin. Siya rin ang humahanap ng mga magiging customer. Dahil may talento siya sa pakikipag-usap sa kung sino-sinong tao, malaki ang naitutulong no'n para mas magkaroon kami ng maraming trabaho. Wala namang problema pagdating sa hatian ng sweldo. Alam ni Mang Mando kung gaano kahirap maging mekaniko kaya kahit kailan ay hindi niya sinubukang manlamang. Pero, kahit palakad-lakad at panuod-nood lang siya sa ginagawa namin, nagkukusang loob din kaming dagdagan ang sweldo niya kung minsan dahil kailangan niya ng pampagamot sa apo niyang nasa Mindoro.


At ngayon, may isa kaming proyekto na kung saan ito na yata ang pinakamalaking trabaho na nakuha namin. Nasa isang kumpanya kami ng mga pampasaherong jeep. Anim na jeep ang nakalagay sa kontrata na dapat naming ayusin, at dahil minamani-mani na lang ito ni Papa, isang linggo pa lang mahigit ay matatapos na kami.


Nagkasundo sa presyong isandaan at dalawampung libo para sa anim na sasakyang aayusin. Kahit pa ang iba ay hindi naman sobrang malala ang sira. Narinig ko pa nga, kapag natipuhan ng may-ari ng kumpanya ang trabaho namin, baka raw kunin kaming regular na mekaniko, base iyan sa sekretaryang si Ma'am Maria Ava.


Nang magpunta na sila Papa at Mang Mando sa labas ng warehouse na pinagpaparadahan ng mga jeep, sinimulan na namin ni Renz ang paghihigpit ng mga turnilyo sa ilalim. Kahit pa inaantok na dahil alas-dose na rin ng gabi, tuloy pa rin kami, lalo na kapag naiisip naming tiba-tiba na naman kami nito kapag natapos na namin ang trabaho.


Habang nasa ilalim kaming dalawa, biglang nagsalita itong si Renz.


"Kuya, Wen, ang ganda sana ng garahe nila rito, e, 'no? Malawak, malinis tsaka organize, kaso nga lang ang creepy kapag gantong oras na," sabi niya.


Kilala ko si Renz bilang isang taong walang hilig sa mga ganitong uri ng usapan, kaya hindi ko talaga inaasahan na lalabas sa bibig niya iyon.


"Kaya nga, e," pag-sang-ayon ko.


Maging ako rin kasi, gano'n ang pakiramdam. Sa ilang araw naming gumagawa rito, ilang ulit ko na ring napapansin na kapag nasa ilalim ako ng sasakyan, parang may nanonood sa likuran ko. Pinagtawanan nga lang ako ni Papa at Mang Mando nang sabihin ko iyon. Dala lang daw iyon ng antok at gutom.

Ang Amoy Ng KandilaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon