"Finally! Nandito na tayo!" masayang sabi ni Rodrigo, ang aking nobyo.
Nakilala ko siya sa isang dating site. Noong mga panahon kasing lugmok na lugmok ako sa buhay, hinila ako ng kaibigan kong si Reena na magpunta sa site na iyon para daw makahanap ng panibagong mamahalin.
Galing kasi ako sa failed relationship. Bago si Rodrigo, si Antonio muna ang naging karelasyon ko. Tumagal kami nang anim na buwan pero naghiwalay rin sa kadahilanang, nakakawala na raw ako ng gana.
Pagkatapos no'n, halos araw-araw akong umiiyak at hindi na rin nagpapapasok sa trabaho. Hanggang sa nauwi na nga ito sa pagsesante sa akin ng boss namin. Naghabol ako kay Antonio kaso tuluyan na niyang pinutol ang koneksyon namin.
At, dumating nga ang araw na dinalaw ako ni Reena sa bahay. Kwento siya nang kwento, hanggang sa may binanggit siyang isang site.
"Girl, hanap-hanap din. Magpipitong buwan ka nang ganyan, oh?" sabi niya.
Bestfriend ko si Reena kaya hindi ko maiaalis sa kanya na mag-alala.
"Doon ko nakilala si Peter, sure ako na makakakilala ka rin doon."
Si Peter, ang boyfriend niyang Italiano.
Umiling lang ako. Hindi ko kasi ugaling mag-entertain ng mga taong galing sa mga gano'ng environment.
Pero, kinulit pa rin ako nang kinulit ni Reena. Dahil sa magaling siyang mag-sales talk, nakatulong siguro iyon para makumbinsi niya akong subukang humanap ng magiging kaibigan sa site na iyon, or mas maiging sabihin ko nang, kalandian.
Nang maigawa ako ni Reena sa site na iyon ay kung sino-sino na lang ang pinagpapadalhan namin ng message. Karamihan ay puro foreigner. Kaso nga lang, ni isa sa mga iyon ay walang nag-reply. Kaya noong mga sandaling iyon, sinabi ko kay Reena na tigilan ko na iyon dahil wala naman akong napapala.
Pero, nang magla-log-out na sana ako, bigla na lang may nagpop-up na message. Tuwang-tuwa ang bestfriend ko nang makita niyang may isang nag-message. Nang i-view namin ang message, napag-alaman naming hindi siya foreigner kundi isa ring Pilipino.
"H'wag 'yan sis, walang pera 'yan," ang sabi ni Reena sa akin.
Subalit kahit gano'n ang narinig ko, para bang may humila sa akin na reply-an ang lalaking iyon.
"Hello, Rodrigo!" reply ko. Kinadismaya naman ito ni Reena.
At mula noon, doon na nagsimula ang lahat. Kahit ayaw ng bestfriend ko sa kanya, kinakausap ko pa rin siya.
Hindi ko rin maunawaan ang sarili ko. Mula nang kausapin ko siya ay parang araw-araw ko na lang hinihintay ang mga message niya, siya na rin palagi laman ng isipan ko.
Tumagal nang ilang buwan ang set-up naming gano'n, kalaunan, napagpasyahan naming magkita na. Nasundan pa nang maraming pagkikita, kung minsan nga, nagta-travel pa kami sa kung saan-saan. Mayaman si Rodrigo, kung pera ang pag-uusapan, wala siyang problema roon.
Mag-iisang taon na rin kaming magkarelasyon. At masasabi kong masaya ako kapag kasama ko siya. Ang pagkakakilala ko sa kanya, napakabait niyang tao, maalalahanin at mapagmahal, sobrang maalaga pa sa akin, kaya hindi ko talaga maiwasang mahulog nang sobra sa kanya.
"Ang haba ng byahe natin, napagod ka ba?" tanong sa akin ni Rodrigo nang marating namin ang isang village.
Sabi niya, may bahay raw siya rito. Kada buwan ay binibisita niya ito para linisin. Ngayon, naisipan niyang isama ako para naman daw may katulong siyang maglinis.
Habang naglalakad kami papasok, napapansin kong parang ang kaunti lang naman ng mga tao. O baka nasanay lang ako sa lugar namin na kahit alas-dose na ng gabi ay nasa labas pa rin ang karamihan.
BINABASA MO ANG
Ang Amoy Ng Kandila
HorrorSecond Compilation of Horror Stories of Delonix R. Winfour