Rosal Benoros, isang batang inaasam ang bagay na pinagkait sa kanya, ang karangyaan. Hindi mo masasabing napagkait sa kanya ito, dahil sadyang hindi lang maibigay ito ng kanyang mga magulang. Sa malayong baryo ng San Juana tumira ang pamilyang Benoros. Salat man sa yaman ay binuhos naman sila ng sobra-sobrang masayang pamilya.
Si Rosal, ang anak ng panganay. Nag-aaral sa isang maliit na paaralan. Sa edad ng dose ay nasa grade 3 parin siya. May mga taon kasing kailangan niyang huminto para ang apat niyang mga nakababatang kapatid ang makapagpatuloy. Isang magsasaka ang kanyang ama, mananahi naman ng basahan ang kanyang ina.
“Inay, ayoko hong pumasok.” Nagmumukmok na sabi ni Rosal sa kanyang ina na nasa harap ng makina.
“Bakit?”
“Inaasar na ho ako ng mga kaklase ko kasi wala po akong --- “ hindi naituloy ni Rosal ang sinasabi nang biglang may iangat ang kanyang ina.. Isang uniporme na blouse.
Kung maari lamang na kuminang ang mga mata ni Rosal ay nangyari na. Wala kasi siyang kahit na isang blouse na pamasok. Ang mayroon lamang ay ang mga kapatid niya, na ang suot din naman ay ang mga pinaglumaan niya.
Nagmamadaling kinuha ni Rosal ang kanyang uniporme at niyakap ang ina ng sobrang higpit.
“May kumuha na kasi ng mga sinaka ng tatay mo kahapon sa bayan. Nakita namin tong blouse sa palengke. Mura lang kasi huling benta na nila yan. Kaya binili na namin para may uniporme ka na.”
Hindi makapagsalita si Rosal sa tuwa. Pinuntahan niya ang tatay niya sa sakahan. Tumalon siya papunta sa kanyang ama, at kahit na pagod ito ay sinalo niya ang anak.
“Salamat Tay !!!”
Biglang pawi ng pagod ng ama niya nang maramdaman ang mahigpit na yakap ng panganay.
Sobrang sayang pumasok si Rosal sa kanyang paaralan. Pinagmalaki niya pa sa mga mas nakababatang kaklase ang bagong uniporme. Palundag-lundag si Rosal na naglalakad habang pauwi nang tawagin siya ng tumatakbo niyang kaibigan papalapit sa kanya.
Biglang lakas at bilis ng tibok ng puso ni Rosal.
“Rosal !! Ang—ang—“ Hindi matuloy ng kaibigan ang sasabihin dahil hinahabol na nito ang kanyang hininga sa layo ng tinakbo.
Pero si Rosal, sinamaan ng kutob. Hindi siya ang tumakbo pero nakakaramdam siya ng hingal. Kaba kung tutukuyin.
“Ang ama mo !!” Nasabi rin ng kaibigan niya. Kahit di pa tapos ang kaibigan niyang magpaliwanag ay tumakbo na siya ng mabilis pauwi sa kanila. Tila ba nagkaroon ng kapangyarihan si Rosal sa bilis ng takbo pero nabawi ang kapangyarihan nang madatnan niya ang ama at ang ina niya sa sakahan. Maraming nakapalibot na tao kasama na ang mga kapatid niya.
Nakahinto lang si Rosal. Di alam ang gagawin. Nabato siya sa pwesto. Nanginginig ang tuhod at nangingilid ang luha niya. Halos wala na siyang marinig. Hindi niya maramdaman ang buong paligid. Di niya na alam kung paano na ba ang takbo ng puso niya.
Ang tanging naririnig niya, ang iyak ng ina at mga kapatid niya habang yakap ang kanyang ama… na nakapikit at nakatingala ang mukha sa langit, hindi gumagalaw at lantang lanta.
Di napigilan ni Rosal ang sarili, sunod sunod na pumatak ng mabilis ang kanyang mga luha. Bumagsak ang tuhod niya sa lupa, at sandaling bumukas ang bibig niya. May sinabi pero wala kang maririnig… “Tay.” Sa oras na yun halos nawala ang lahat kay Rosal, kasiyahan, boses, lakas, pandama… Ang ama kasama na ang kanyang pag-asa.
------------------------------------------------------------------------------------