At natuloy nga ang alis ni Minda. Naiwan ang mag-ina bilang isang care taker ng bahay. Kung kakamustahin niyo ang lagay nila, parehong di maganda. Di pumapasok ng paaralan si Kelly. Gastos lang naman daw at mag-aasawa rin naman si Kelly paglaki. Pero di ito alam ni Minda. Ang alam niya ay maayos ang pamumuhay ng bata kaya siya mismo ang nagpapadala ng pangtuition rito. Pero ang perang pinadadala ang pinangiinom ni Rosal. At ang musmos na si Kelly ang naging taga-silbi sa bahay. Tinatakot ang bata na kapag nagsumbong ay sasaktan niya ito. May mga panahong tumatakas si Kelly at nagpupunta sa barangay hall kung saan may libreng nagtuturo dahil gusto nito ang mag-aral at matuto. At minsan kapag nahuli ay halos patayin ni Rosal ang anak sa pananakit.
“Napakakulit mong bata ka! Palibhasa bunga ka ng kababuyan sa mundong to! Malas ka! Dapat sayo mamatay ka!” Yan ang palaging sinasabi ni Rosal sa tuwing papaluin ng kung anong mahawakan ang anak.
“Gusto ko lang po matuto Mama.” Paiyak na laging sambit ni Kelly
“Matuto? Ang dapat mong matutunan ay kung saan ka dapat lumagay sa mundo at kung paano ka susunod sa mga utos ko! Hindi ka mag-aaral! Tapos! Ambisyosa ka! Lalandi ka rin paglaki! Magbubuntis ka lang. Hindi mo magagamit ang kahit na anong matututunan mo!”
Ilang taon, ganito ang senaryong pinagdadaanan ni Kelly. Pag lasing ang ina, kailangan niyang tiisin kapag naisipan nitong pahirapan o saktan siya. Pag nakatulog sa kalasingan, lilinisan niya at aalagaan. Kakantahan, kukwentuhan at makikipagusap na akala mo sumasagot ang nanay niya.
“Alam mo mama, ang ganda ko raw sabi ng mga tao sa labas. Pareho daw tayo ng hugis ng mukha, buhok at labi. At siguro sa papa ko nakuha ko yung ilong at blue ko na mata. May natutunan ako kanina sa science nung natutulog ka. Sorry ah, umalis ako ng di mo alam, gusto ko kasing tumalino mama, para maipagmalaki mo ko…”
“…Mahal na mahal kita mama. Kaya gagawin ko lahat maging proud ka lang sa akin.”
Umabot sa edad na sampu si Kelly, hindi parin alam ni Minda ang mga nangyayari. Magaling magkunyari si Kelly sa tuwing tatawag si Minda. Palibhasa ay magaling din manakot si Rosal. Isang hapon, inutusan ni Rosal si Kelly mamalengke. Bitbit ang listahan ay sumunod si Kelly sa utos.
“Oh Kelly? Ano sayo?” Tanong ng tindera sa isang grocery.
“Ito ho.” Inabot ni Kelly ang listahan.
“O sige, hintayin mo lang.”
“Ang anak niyo ba ay nasa edad walo hanggang labing dalawa? Magaling kumanta at talagang may maibubuga? Huwag na papahuli at isama niyo na siya dito sa studio at hanapin si Ms. Remia Lamor para isali sa BIDA KIDS.” Nakatulalang nagniningning ang mga mata ni Kelly na nanunuod sa TV. May naiisip siyang gawin.
“Oh heto na Kelly.” Sabi ni tindera sabay abot ng supot.
“Ate Grace. Pwede favour?” tanong ni Kelly sa tindera na kaibigan na niya.
“Ano yun ?”
“Sasali ako sa Bida Kids, pero samahan mo ko? Please?”
Hindi nakatanggi ang tinderang kaibigan ni Kelly. Naniniwala din naman siya sa kakayahan ng bata. Minsan pa nga niya itong pinapakanta kapalit ang isang tinapay o biskwit. Kinabukasan, habang mahimbing ang tulog ng ina ay nagbihis ng pinakamaganda si Kelly. Tumakas ito at kasama ang kaibigang tindera ay dumiretso sa audition ng isang programa sa tv. Di inakala ni Kelly ang haba ng pila. Inabot ng gabi ang audition niya. Tatawagan na lamang daw siya pag napili siya. Nagmamadaling bumalik sa bahay si Kelly. Alam niyang nag-aabang na ang kanyang ina na may hawak na kung ano at nagiinit ang ulo sa kanya.