Gumising si Rosal sa isang maliit na kwarto. Di niya alam kung saan. Nilibot niya ang paningin at nakita niya ang isang babaeng nasa kwarenta ang edad.
“Mabuti naman at gumising ka na. Alam mo namang buntis ka, hindi ka dapat nagpapalaboy-laboy lang kung saan saan. Paano kapag may nangyaring masama sa inyong dalawa ng anak mo?” Sunod-sunod na sabi ng babae kay Rosal.
“Buntis? Anak?” Naguluhan si Rosal sa mga sinasabi ng babae.
“Hindi mo ba alam? Dalawang linggo ka ng buntis. Itong babae to, oo. Kabata-bata mo, buntis ka na agad. Buti at nakita kita nung nawalan ka ng malay kaya natulungan kita. Oh, heto, kumain ka na muna.” Sabi ng babae sabay abot ng pagkain sa gilid ng mesa.
Di alam ni Rosal ang iisipin nung mga oras na yun. Buntis siya. At kung dalawang linggo na ay ibig sabihin ang French na banyaga ang ama ng bata na siyang huling kliyente nilang mag-asawa. Maluha-luha si Rosal. Para sa kanya, isang kamalasan na naman ang batang ito.
Nanatili si Rosal sa babaeng kumupkop sa kanya, si Minda. Isa itong OB-Gyne at matandang dalaga. Tinanggap niya si Rosal dahil narin sa awa kapalit ay ang pagsisilbi nito sa kanya. Tuwing linggo ay araw ng pahinga ni Rosal. Di naman siya binibigyan ni Minda ng mga mabibigat na gawain. Isang linggo, isang buwan na rin ang bata kay Rosal, ay nagtungo siya sa Quiapo. Di para magsimba, kundi para bumili ng gamot.
Pag-uwi niya ng bahay ay nilagay niya na ang gamot sa baso. Gamot… Pampadugo o pampalaglag. Tumitig lang si Rosal sa baso. Bumubuo ng mga salita sa utak niya. May parte niya ang tutol sa ano mang gagawin niya. Papatay siya ng bata. Di siya naaawa sa bata. Naaawa siya sa sarili niya. Takot siyang patayin, pero bakit siya papatay? Hindi tinuloy ni Rosal ang balak bagkus ay hinayaan nalang na lumubo ang tyan niya. At sa araw-araw na magdaan ay hinihiling niya na sana kusang malaglag ang bata sa sinapupunan niya o di naman kaya ay lumabas ng may komplikasyong malubha ang bata at di na magtagal.
Pero di siya pinagbigyan ng langit. Sa tulong ni Minda, naisilang ang bata na malusog at malakas. At ang batang ito ay lumaking si Minda lang ang humawak at hindi si Rosal.
“Happy 5th Birthday Kelly…” Bati ni Minda sa anak ni Rosal
“Thank you Mommy.” Sagot ng malambing na bata.
“Mama!! Happy Birthday to me !” Bati ng may kaarawan sa tunay na ina nito
“Hindi niyo na po sana pinaghandaan yung bata. Di rin naman importante.” Yun lang ang sabi ni Rosal na di man lang pinansin ang anak.
Bumalik ang bata sa kandungan ni Minda. Malungkot at para bang nawalan ng halaga ang selebrasyon ng kanyang sariling kaarawan.
“Ano ka ba, di basta bata, anak mo yan. At minsan lang magbirthday ang tao. Ano ba yung mahandaan lang kahit pansit at tinapay gaya nito. Napakabait na bata nitong si Kelly.” Paliwanag ng matanda pero di siya pinakinggan ni Rosal.
“At aalis narin naman ako.” Biglang lungkot sa tono ni Minda
Napatingala ang bata. Bakas ang lungkot sa mukha. “Mommy? Wan mo ko?”
“Oo baby Kelly. Kailangan umalis ni Mommy kasi pupunta siya ng Hawaii. Dun siya work ok? Pero tatawag parin ang mommy mo sayo. Ok ba yun baby ko?”