Araw na nga ng totoong laban. Kabado si Kelly. Dahil kapag di siya mananalo ay mapapahiya siya sa Ina at baka lalo lang siyang pagalitan. Nung nasa stage na si Kelly. Saktong gising ni Rosal sa kanilang bahay. Nakita niya ang sulat. Sinigaw pa niya ang pangalan ni Kelly.
“Ang batang ito, tinakasan na naman ako. Ano bang meron sa tv at kailangang utusan niya akong buksan to?” Pero kahit galit na galit si Rosal ay parang may naguudyok sa kanyang buksan ang telebisyon.
Pagbukas, tumambad sa kanya ang mukha ni Kelly na kumakanta. Nilakasan niya pa ang volume ng tv at nakinig ng maigi sa tinig ng anak. Ugoy ng duyan ang kinakanta ni Kelly. Nakita niya ang pagpatak ng luha ng bata habang kumakanta ito. Kasabay nito ang pagpatak ng luha ni Rosal. Di alam ni Rosal pero nawalang bigla ang galit niya sa anak. Bumalik lahat ng ala-ala nung mga panahong umalis siya sa baryo hanggang sa mga araw na sinasaktan niya ang sariling anak.
“Ano nga bang kasalanan mo Kelly? Bakit ko ba sinisisi ang anak kong walang ibang ginawa kundi ang pagtyagaang alagaan ako?” Yun nalang ang nasabi ni Rosal habang tuloy-tuloy na pumapatak ang luha niya.
Natapos ang kanta. Basa ang pisngi ng mga nakinig. Si Rosal na nasa bahay ay di na naisip na pahirin ang luhang dumaan sa pisngi niya.
“Mama, Happy Birthday to me. Kung nanunuod ho kayo, punta ho kayo ng kusina, may dinikit po ako sa ref natin. I love you, Mama.” Mensahe pa ni Kelly matapos ang kanta niya.
Agad na pumunta si Rosal sa kusina. Nakita niya ang papel na pang grade 3 na nakaipit sa magnet sa ref. Binasa niya ito at doon na nga parang sinaksak sa pagsisisi si Rosal.
“Mama, tuwing gabi alam niyo po bang kinukwentuhan ko kayo? Tapos ay kinakantahan para maging mahimbing ang tulog niyo at di kayo bangungutin?”
‘Pero bakit ngayon ko lang nalaman na maganda pala ang boses mo anak?’
“Kahit po minsan niyo akong saktan, naiintindihan ko po. Alam kong ayaw niyo lang na mapahamak ako kaya niyo ako pinapagalitan. Kasi po ganun daw magmahal ang Ina. Iniisip ko po lagi na kaya ayaw niyo akong madalas lumabas at pumasok sa eskwela kasi gusto niyong samahan ko kayo sa bahay. Dahil ganoon niyo ako kamahal. At mahal na mahal na mahal ko din po kayo mama.”
‘Kahit pala na ang gusto ko ay pahirapan ka gaya ng mga paghihirap ko noon ay yan parin ang iniisip mo?’
“Yung kanta ko Mama, kung napakinggan niyo man, para po sa inyo yun. Isang beses na lasing ka noon ay nayakap mo ko Ma habang tulog ka. Tuwang-tuwa po ako nun. Sana po manalo man ako o hindi, maramdaman ko na yakapin niyo akong uli. Tapos tawagin niyo po akong anak. Pero ayos lang naman po kung ayaw niyo. Gusto ko lang hong isipin niyong proud kayo sa akin. Para po sa inyo ma, gagawin ko lahat. I love you po. –Love, Kelly Anak.”
‘Isang batang wala akong ginawa kundi ang saktan siya pisikal at emosyonal. Isang batang wala akong ginawa kundi ang sisihin siya sa mga nangyaring wala naman siyang kasalanan. Isang batang napagkaitan ng pagmamahal ng isang walang hiyang inang gaya ko. Kahit na ang sama kong ina, hiling parin niya ang tawagin ko siyang anak at mayakap ko siya imbis na magtanim ng galit sa akin.’
Pumatak na ang isang malaking luha sa binabasang sulat ni Rosal. Muli siyang bumalik sa harapan ng telebisyon. Hawak parin ang sulat. Sinasabi na kung sino ang panalo. Bumilos ang tibok ng puso ni Rosal. Siya ang kinakabahan. Si Kelly, di iniisip kung mananalo ba siya o hindi, iniisip niya kung mamaya ba pag-uwi niya ay isang galit na Rosal ba ang maaabutan niya o isang inang sinasalubong siya ng yakap at tinatawag siyang anak malayo pa lamang.
Panalo si Kelly sa patimpalak. Ngumiting bigla si Rosal. Kala mo ay siya ang nagwagi. Si Kelly, tuwang tuwa, may maipapakita siyang tropeo sa ina niya pag-uwi mamaya. Binigay ng host ang mic kay Kelly para sa mensahe nito.
“Mama!! Panalo ako! Para po sa inyo to! Hintayin niyo po ako sa paguwi! Sana po matupad na yung hiling ko. I love you mama.. I love you po.. Mama, mahal kita..” Paulit-ulit pang sinabi ni Kelly na mahal niya ang ina kahit na todo na ang pagiyak niya hanggang sa wala na siyang mailabas sa bibig kundi hikbi.
