“Naaalala mo ba sinabi ng ama mo sa inyo?” Tanong ng kanyang ina.

Pareho silang di pa makatulog matapos ang libing ng kanyang ama. Di parin nila mahubad ang puting damit na suot nila nung naglalakad sila hanggang sa huling hantungan ng ama. At di parin mabitawan ni Rosal ang larawang kanina pa niya bitbit sa mahaba at mabagal na lakaran.

“Ang diploma ang susi sa pangarap.” matamlay na sagot ni Rosal. “Pero ina, hindi na po mabubuo ang pangarap ko… Wa – wa—wala na si tatay.” muling pumatak ang luhang kanina pa tinatago ni Rosal

“Gumawa ka uli ng mga panibagong pangarap anak. Tutulungan ka ng ama mo sa langit. Tandaan mo di siya umalis. Andito lang siya, sa puso’t isipan natin. At anak, kakayod ako ng doble para matustusan ko kayo ng mga kapatid mo. Kahit na patay na ang iyong ama, andito parin ako. Gagawin ko ang lahat para sa inyo anak. Pangako iyan.”

Pinanghawakan ni Rosal ang mga salita ng ina. Kahit na malungkot ay unti-unti ng nabalik sa dati ang pamumuhay nila.

Hanggang isang araw… galing sa eskwela ay nakita niya ang ina sa loob ng barong barong nilang bahay…

Hindi na lingid sa kaalaman ni Rosal ang ginagawa ng ina kasama ang isang lalaking nakapatong dito.

Bawat hiyaw ng ina sa ginagawa ay siyang patak ng luha ni Rosal. Hindi nakapagsalita si Rosal. Umalis siya ng bahay ng kusa. Tulalang naglalakad. Habang naglalakad ay panay ang tulo ng luha niya kasabay ng pamumuo ng galit sa puso niya. Pagkagabi ay umuwi rin siya. Nadatnan niya ang inang nakabantay sa labas ng pinto at palakadlakad dahil sa pag-aalala sa anak.

“Jusko, Rosal. Saan ka ba nanggaling at ngayon ka lang umuwi?” Hindi pinansin ni Rosal ang tanong ng ina at diretsong pumasok sa loob ng bahay. Nakahilera na sa sahig ang kanyang mga kapatid na natutulog.

“Anak, tinatanong kita!” Di napigilan ng ina at napasigaw siya.

Unti-unti lumingon si Rosal sa kanyang ina, “Umuwi ho ako ng sakto sa oras. Ikaw nay ? Umuwi na ho ba ang lalaki niyo? Umalis lang ako uli kasi ayoko namang panoorin ang kababuyan niyo.” mahinahon pero malaman na sinabi ni Rosal.

Nanlaki ang mata ng kanyang ina. Di alam kung ano ang mga salitang bibigkasin para makapagpaliwanag sa anak.

“Kung nag-iisip ho kayo ng ipapaliwanag sakin. Di na ho kailangan. Di ko narin naman maiintindihan. Pagod ako at mas nanaisin kong matulog kaysa makinig sa inyong kwento. Patawad sa pagiging marahas ng mga salita ko Inay. Good night po.” Hindi nagbihis si Rosal at diretsong natulog.

Naiwang tulala at umiiyak ang kanyang Ina. Para bang isang kriminal na nahuli at pinatawan ng parusang kamatayan.

Dahil sa nangyari ay napili ng ina niyang ipagtapat na ang relasyon niya sa kumpare nila sa binyag ng dating asawa.

Lalong namuo ang mga galit at hinanakit sa puso ni Rosal. Napapaisip ng mga tanong kung bakit naging ganoon ang buhay niya. Bata pa ang mga kapatid niya, wala pang maintindihan sa mga pangyayari kaya walang mabuong galit sa kanila. Natatanging si Rosal ang may matalim na tingin sa lalaking pinakikilala ng ina. Kaya nang gabi ding yun ay kinausap ng sarilinan ng ina niya si Rosal.

“Anak… Kailangan kong pakasalan ang tiyo mo. Hindi ko kaya ang suportahan kayong lima. Patawarin mo ako anak.”

“Nangako ka diba Inay ? Sabi mo, gagawin mo ang lahat para samin. Kakayod ka ng doble para lang matustusan kami. Hindi mo ba minahal ang tatay ?” buong poot na sabi ni Rosal

“Minahal ko siya a—“

“Hindi, nay. Tatlong buwan palang ang nakalilipas ay nakahanap ka na ng iba ? Aminin mo nga ina, matagal ka na bang kumakaliwa sa kumpare niyo ni Itay o di mo lang natiis ang kati at nagpakamot ka na kay Tiyo ? Masarap ba nay ? Sabagay, puno ng sarap ang hiyaw mo nung makita ko kayo. Nakakadiri ka Nay.”

Di napigilan ng kanyang ina ang gulat at awtomatik na lumapat ang palad nito sa pisngi ni Rosal. Gusto niyang magalit sa anak dahil sa mga sinasabi nitong sumaksak sa kanyang puso pero hindi niya kaya. Tuluyang pumatak ang luha ng Ina niya at lumuhod.

“Diyos ko, patawarin mo ko anak. Hindi ko sinasadya.”

“Alin ang di mo sinasadya? Ang saktan ako ng pisikal o emosyonal?”

---------------------------------------------------------------------------------------

ThirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon