Bumili ng mga delata at mga ready-to-eat na pagkain si Kaloy para kay Rosal. Yun lang ang makakain ni Rosal. Pag nauubos na ang pera ni Kaloy sa pagdodroga ay doon na siya binubugbog at pinapagamit uli sa kung sinu-sinong banyaga para magkapera. Di alam ni Rosal kung paano pa ba siya gigising tuwing umaga kung madadatnan niya ang asawang lulong sa droga. Pero wala siyang kayang gawin na kahit na ano, takot siya sa maaaring mangyari lalo na at nasa ilalim ng droga si Kaloy.

Isang araw, tila ba isang rescue operation ang naganap sa bahay nina Rosal. Dinakip ang asawa niyang si Kaloy nung may nakapagsabi sa mga pulis ng nangyayari sa loob ng bahay nila. Parang isang asong pinakawalan si Rosal na nagtatakbo palabas ng bahay nung mga panahong nadala na si Kaloy sa presinto. Kung saan papunta si Rosal ay di na niya alam.

Nakarating si Rosal sa may sakayan ng jeep papuntang terminal ng bus. Isa lang ang agad na naisip na gawin ni Rosal noon. Yun ang bumalik sa baryong iniwan niya dati. Pero pagdating dun, parang binato ng isang malaking bato sa ulo si Rosal sa dinatnan.

“Anong ginagawa mo dito,ate?” tanong ng ikalawang kapatid niya.

“Wala na akong mapupuntahan. Naging mahirap ang buhay ko doon. Patawarin niyo ako kung maalis ako. Parang awa niyo na.” Pagmamakaawa ni Rosal sa mga kapatid.

“Ginawa mo kaming ulila, ate. Dahil sa pag-alis mo, nagkanda-leche leche na ang buhay namin. Ngayon magmamakaawa ka? Simula ng umalis ka, wala ka naring babalikan. Umalis ka na. Di namin matatanggap ang isang maduming babae na gaya mo.”

Wala na ngang natira kay Rosal. Ang asawa niya, binugbog siya. Ang mga kapatid niya, pinagtabuyan siya.  Ang ina niya, namatay… nang dahil sa kanya.

Noong panahon na umalis si Rosal sa baryo ay naiwang tulala ang ina niya. Hindi kumain, hindi umaalis sa labas ng pinto. Dahil umaasa itong babalik si Rosal sa bahay nila at magkakabati sila. Nagkasakit hanggang sa tuluyang manghina at mamatay nang hawak hawak ang uniporme niya bago mamatay ang kanyang ama at ang larawan nilang tatlo nung sanggol siya na may nakasulat na ‘Patawad, anak. Mahal ka ni Nanay.’ sa likuran nito. Buti at inalagaan ng Tiyo nila ang magkakapatid kaya naging maayos ang pamumuhay ng mga ito at nagpapatuloy sa pag-aaral.

Lahat ng mga nangyari noon ay bumalik sa ala-ala ni Rosal. Ang pagsisising dapat ay hindi siya nagalit sa ina ang tanging dala niya nung umalis siya sa harapan ng mga kapatid. Naglalakad sa kawalan si Rosal. Tatlong araw na walang ligo at kain na palaboy laboy si Rosal. Hanggang sa may makita siyang dugo sa pagitan ng mga hita niya at nawalan na siya ng malay.

_______________________________________________

ThirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon