At di nga siya nagkamali.
“Ikaw na pasaway ka! Anong ginawa mo buong araw? Marunong ka ng magbulakbol? Nagkamali talaga akong binuhay pa kita. Bakit ba kasi di ka nalang namatay? Sakit ka sa ulo!” Sunod-sunod ang masasakit na mga salita ni Rosal sa anak habang pinapalo ito ng sinturon sa kung saan-saang parte ng katawan ni Kelly.
“Patawad po, Mama. Gusto ko lang naman—“
“Huwag mo kong tawaging Mama dahil kahit kelan di kita tinawag na anak! Wala akong anak na bunga ng kamalasan at kababuyan!”
Masakit kung iisipin ang mga salitang nabitawan ni Rosal, pero isang awit ito sa tenga ni Kelly. Sanay na siya. Ang pinapasok niya nalang sa utak niya ay nag-aalala ang ina niya kaya ito nagagalit. At hindi lang hilig ni Rosal ang magpakita ng pagmamahal. Maaaring nahihiya lamang ito. Iyon nalang ang mga iniisip ni Kelly dahil ayaw niya na magtanim ng sama ng loob sa sariling ina. Ganito niya ito kamahal.
Makalipas ang dalawang linggo, nang utusan ni Rosal si Kelly sa palengke ay dumaan ito sa grocery.
“Ate Grace? Tumawag na po ba?” Ito lagi ang tanong ni Kelly sa araw-araw na dumadaan siya sa palengke.
Nagmamadaling tumakbo si Grace kay Kelly at nakangiti. Pinisil ang pisngi ni Kelly. “Oo! Bukas ay live show, pupunta tayo para sa elimination round!!”
Tuwang-tuwa si Kelly na umuwi ng bahay. Hindi niya sinabi sa ina ang mabuting balita. Gusto niya surpresahin ito kapag nanalo na siya. Hinanda ni Rosal ang sarili. Kumakanta ito habang gumagawa ng mga iniuutos sa kanya ng nanay niya. Kinabukasan, alas nuebe na ay di pa gising si Rosal. Pagkakataon na ni Kelly kaya umalis na kagad siya.
“Hello. What is your name, kid?” tanong ng isang judge
“Kelly po. Kelly Benoros. 10 years old.” Magiliw na pagpakilala ni Kelly.
“Halatang kabado ka ah? Sino ba kasama mo ngayon?” Tanong ng isa pang judge.
“Ang kaibigan ko po. Si Ate Grace.” Sabay kaway niya sa kaibigan na todo ang pagkuha ng picture sa kanya mula sa Audience area.
“Kaibigan? Asan ang magulang mo?” Pagtataka ng isang judge.
“Hindi ko po kilala ang tatay ko. Si Mama naman po, nasa bahay, di ko pinaalam sa kanya kasi gusto ko siyang masupresa pag nanalo ako. Para po matuwa siya sakin at ipagmalaki niya ako.”
“Napaka-sweet namang bata. Sige… Kanta ka na Kelly.”
Nagsimula na ngang kumanta si Kelly. Greatest Love Of All ni Mariah Carey ang kinanta niya. Tulala ang lahat, nakikinig ng maigi sa magandang himig ni Kelly. Bawat nota, dama ni Kelly. Iniisip niya ang mukha ng inang nakangiti sa kanya at sinasalubong siya pag-uwi. Isang judge ang lumuha at pumikit. Si Kelly naman di na napansin ang kaba. Ang nasa isip niya, yakap siya ng inang mahal na mahal siya. Natapos ang kanta. Tumayo ang tatlong hurado. Pumapalakpak ng napakalakas kasabay ng mga nagsitayuang audience. Tuwang tuwa ang lahat.
“Kasing ganda mo ang boses mo, iha.”
“You did not reach our ears, but our hearts. You are such a very talented girl. Your mother must be proud of you.”