Pasok si Kelly sa Semi Finals na gaganapin sa susunod na linggo. Pero si Rosal na walang alam, galit na galit na naman. Kinulong sa attic ang anak. Hindi binigyan ng pagkain. Buti at naiwan sa bulsa ni Kelly yung tinapay na bigay ni Grace. Pilit na pinagkasya para sa dalawang araw na kinulong siya ni Rosal. Nagtitiis lang si Kelly. Alam niya kasing pag nalaman ng nanay niyang nanalo siya sa contest ay matutuwa narin ito sa kanya. Dumating ang araw ng Semi-Finals. Hindi makatakas si Kelly sa ina. Gising kasi ito buong araw. At buong araw na nagpapamasahe kay Kelly. Alas kwatro na. Malayo pa ang studio at kailangan niyang makarating ng alas-sais. Kinakabahan na si Kelly. Kung di siya makakapunta, sayang lang lahat ng ginawa niya at masisira ang plano niya. Maya-maya ay may kumatok sa pinto. Si Kelly ang pinagbukas.
“Ate Grace?” Pabulang na sabi ni Kelly na gulat sa pagdating ni Grace.
“Wag kang maingay. Sabihin mo sensus to. Habang kinakausap ko nanay mo, tumakas ka na.” Kahit na nagtataka ay natuwa si Kelly sa ginawa ng kaibigan.
“Sino ba yan, Kelly??” Sigaw ni Rosal na naglalakad na papunta sa pinto.
“Sensus daw po Mama.” Sabi ni Kelly
“Hala sige. Kunin mo yung mga sinampay sa likod.” Mataray na sabi ni Rosal at tinignan si Grace mula ulo hanggang paa. Si Grace, kinindatan si Kelly at ngumiti naman ito sa kanya sabay takbo sa likod pinto ng bahay.
“Anong kinikindat-kindat mo??” Usal ni Rosal.
“Ay wala ho. Sakit ko po ito.”
Agad na kinuha ni Kelly sa sampayan ang damit niyang niregalo ni Minda sa kanya nuong pasko. Tumakbo ito palihim hanggang sa makalabas ng gate. Tagumpay ang plano. Matapos ang pagkukunyari ay agad na umalis si Grace kasama si Kelly papunta sa Studio. Si Rosal, kumukulo na naman ang dugo dahil natakasan na naman siya ng anak.
Sakto ang dating ni Kelly. Nagpalit lang siya ng damit at tumakbo na sa likod ng tanghalan. Siya na ang susunod. Inaabangan siya ng lahat. At nung siya na ang kumanta, muli na namang nagpahanga si Kelly sa mga hurado at manunuod. Kinanta niya ang The Prayer na English version. Tila natahimik ang lahat. Parang oras ng pagdadasal at lahat ng tao ay nakatingin lang sa kanya. Nuot sa puso bawat buka ng bibig niya. Nanindig ang mga balahibo ng mga nakikinig na para bang may naghihimala sa tapat nila.
“That is such a beautiful song. That is made more beautiful nung kinanta mo na.” Sabi ng Judge.
“Sa bawat kanta mo, sino ba ang inspirasyon mo?” tanong ng isa pang judge.
“Mama ko po. At pati na yung mga taong kahit di ko kamag-anak ay mahal na mahal ako.” Nakangiting tipid na sagot ni Kelly. Sa utak niya, ‘Buti pa ang mga di ko kadugo.”
“What is your prayer, Kelly?” Tanong ng isa pa uling judge.
“Ang matupad po lahat ng pangarap ko.” Ang pangarap ni Kelly na madamang mahal siyang talaga ng Ina.
“Ano bang pangarap mo?”
Walang nasagot si Kelly. Pumatak lang ang luha niya. Hindi na siya pinasagot at tinanong pa ng mga hurado. Pasok si Kelly sa Final Round. Malapit na niya mabigay sa ina ang sorpresa. Sa susunod uli na linggo ang Finals. Si Rosal, binugbog na naman ang anak. Ngaun, itinali niya na ito at inilagay sa kulungan. Wari mo’y isang aso. Di umiyak si Kelly. Tulala lang siya. Sa sarili niya, ‘Alam kong pagkatapos nito Mama, yayakapin mo rin ako at tatawagin mo kong anak.’
Araw na ng Finals. Tamang tama at tanghaling tapat ay bagsak si Rosal sa pag-iinom buong gabi. Hiling lang ni Kelly, magising ang ina niya sa oras na ieere ang laban niya. Nag-iwan siya ng sulat sa tabi ng kama ng nanay niya. Tumakas siyang uli. Ang suot niya, ang blouse ng nanay niya na kapag sinuot niya ay bistida na. Paborito niya itong damit dahil pakiramdam niya yakap siya ng ina pagsuot niya ito.