Si Rosal, abot langit ang tuwa. Pumunta siya sa palengke at bumili ng isang bilaong pansit at puto. Tapos ay nagtimpla ng inumin at nilagay sa ref. Iniisip niya kung paano matutuwa ang anak sa pagsalubong niya. Pagkakataon niya na para bumawi sa lahat ng pagkakamali niya. Alas dose na ng gabi wala parin si Kelly.

“Siguro ay maraming reporter pa ang kumakausap sa anak ko ngayon. Teka, ano pa bang kulang?” Tumingin sa paligid si Rosal. “Alam ko na!”

Nambulabog ng kapitbahay si Rosal. Bumili ng isang manila paper at pentel pen sa tindahan. Pinagbigyan siya ng tindera dahil sinabi niyang para kay Kelly ito. Balita narin naman sa lahat ang nangyari sa kompetisyon.

Dali-daling nagsulat si Rosal sa papel. Kahit na hindi kagandahan ang sulat ay ginuhit parin niya ng  malalaki ang mga letra sa mga salitang … “I’m So Proud Of You, Anak. –Love, Mama.”

Alas tres na ng madaling araw, tumigas na ang mga hibla ng pansit ganoon din ang puto. Hindi parin dumadating ang inaantay niyang anak. Pero si Rosal, para bang di tinatamaan ng antok. Di umalis sa pwesto. Nanatiling nakatayo sa ilalim kung saan niya sinabit ang papel. Balak niya ay pagbukas ng pinto ay itataas niya ang kamay at sisigaw ng “Congrats, Anak ko.” Sabay tatakbo si Kelly sa kanya, yayakapin niya ito at bubulungan ng “Patawad anak, mahal na mahal ka ni Nanay.” Naisip niya na ang mangyayari. Nanatili siyang nakangiti. Pero alas-kwatro na ng madaling araw.

Biglang pumihit ang bukasan ng pinto. Naghanda na si Rosal. Pagbukas ng pinto ay agad siyang sumigaw na puno ng sigla.

“Congrats Anak k—“ Hindi natuloy ang pagsigaw ni Rosal.

Hindi si Kelly ang iniluwa ng pinto. Kundi isang dalagang babae. Si Grace.

“Sino ka? Akala ko pa naman—“ Di muli natuloy ang sasabihin sana ni Rosal.

Tumingala ang nakayukong si Grace. Binuksan ng todo ang pinto. Nalantad ang tropeo ng anak na hawak pala ni Grace. Kasama nito ang damit ni Rosal na sinuot ng anak.

Nabato si Rosal. Kinutuban.

“Nasaan ang anak ko?” Nanginginig na tonong sinabi ni Rosal.

Pumatak ang luha ni Grace. Sabay ang paggalaw ng ulo nito na umiiling.

Nanlaki ang mata ni Rosal. “Hindi.” Yun lang ang lumalabas sa bibig niya ng paulit ulit. Tumakbo siya palabas at humawak sa gate. Humawak lang siya. Bitbit parin ang damit at tropeo ni Kelly, pinuntahan ni Grace si Rosal.

“Marami lang kausap na press ang anak ko. Uuwi rin siya. Hihintayin ko lang siya dito.” Diretso at buong buong sabi ni Rosal.

“Puntahan ho natin siya. Kailangan ka ho niya.” Naiiyak na sabi ni Grace

“Talaga? Pupuntahan natin ang anak ko?”

ThirstTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon