Chapter Three

2.4K 109 1
                                    


PARANG binubusa ang puso ni Shana habang pinagmamasdan ang natutulog na si Toby, ang tatlong taong gulang niyang anak na lalaki. Problemado siya dahil nagsara na ang restaurant kung saan siya nagtrabaho bilang chef. Nalugi kasi ang kumpanya dahil sa pagkahibang ng boss nila sa casino. Madalang na rin ang umu-order sa kanya ng cake dahil wala masyadong okasyon.

Nakatulog ang anak niya sa tabi ng Tita Dalya niya na nakababatang kapatid ng Mama niya na matandang-dalaga. Ito ang nag-aalaga kay Toby habang nagtatrabaho siya. May tampo pa rin siya sa Papa niya pero pinapahintulutan niya itong makita si Toby. Hindi pa rin siya komportableng kasama ang Papa niya at ang bago nitong pamilya. May anak na rin itong lalaki at matanda lang ng dalawang buwan kay Toby. Pormal na rin nitong inilipat sa pangalan niya ang two story family house nila na nakatirik sa isang ektaryang lupain. Ang Tita lang niya ang maghalaman sa lupain at nakapagbukas ito ng gardening shop sa tabi ng gate ng bahay. Marami na rin itong suki na nakatira rin sa village.

Hindi na ginising ni Shana si Toby. Pagdating niya sa kanyang kuwarto ay inayos niya ang kanyang resume. Pagkatapos ay nagbabad siya sa social media baka sakaling may makita siyang job hiring. Mamaya'y naisip niya si Rex. Mahal siya ni Rex at nalaman niya na ang babaeng pinagselosan niya noon sa bar ay kaibigan nito at hindi naman nito pinatulan. Hanggang sa panahong iyon ay nararamdaman pa rin niya ang guilt sa pagkamatay ng binata. Naaksidente si Rex habang nagmamaneho ng sariling kotse na lasing. Noong gabing iyon bago namatay si Rex, ay nagtapat siya rito na buntis siya sa ibang lalaki. Nagdesisyon na rin siyang makipaghiwalay rito. Nagalit ang binata at hindi basta tinanggap ang katotohanan. Hindi niya alam na pagkagaling nila sa restaurant kung saan sila naghiwalay ay dumeretso pa pala ito sa bar at naglasing. Nabalitaan na lang niya kinabukasan na dead on arrival ito sa ospital. Dahil hindi pa siya opisyal na naipakilala ni Rex sa pamilya nito at inamin ng binata na sekreto ang relasyon nila dahil nangako ito sa parents nito na hindi muna makikipagrelasyon hanggat hindi pa nakapagtapos ng pag-aaral. Dahil doon ay natakot siyang magpakita sa lamay ng binata. Pumunta siya sa araw ng libing pero hindi na siya lumapit.

Kinabukasan ay sinimulan na ni Shana ang pag-apply muli ng trabaho. Ayaw niyang lumayo ng Makati dahil gusto niya malapit siya sa anak niya. Minsan ay nagsisisi rin siya kung bakit hindi niya itinuloy ang engineering course. 'Di sana'y mas maganda at stable ang trabaho niya dahil nariyan ang Papa niya na aalalay sa kanya.

Masaya pa rin siya dahil kung hindi niya pinili ang landas niya ay hindi siya matututong tumayo sa sarili niyang mga paa. Nagpapasalamat pa rin siya dahil gumaling siya sa sakit niya at nabiyayaan siya ng isang anghel, si Toby.

Tatlong taon na ang nakalipas magmula noong nakatagpo si Shana ng estrangherong lalaki sa bar. Aminado siya na hanggang sa panahong iyon ay umaasa siya na balang araw ay makikilala niya ang tatay ni Toby kahit alam niyang suntok iyon sa buwan.

Halos isang linggo na ang nakalipas pero wala pa ring natatanggap na tawag si Shana mula sa mga pinasahan niya ng resume. Sa Taiwan na nakatira si Hanny kaya wala siyang malapitan para tulungan siyang makapasok sa trabaho. Si Hanny kasi ang nagpasok sa kanya sa dati niyang employer. Naibenta na rin ang restaurant ng pamilya ni Abby at nasa US na ito. Umalis na naman siya at nagpasa ng resume sa mga restaurant at pastry shop na may nakapaskil na hiring. Pagdating niya sa park ay napansin niya ang pastry shop na puro salamin ang palibot. Naalala niya, ang shop na iyon ay pag-aari ng pamilya ni Rex pero dati iyong restaurant. Naisip niya na baka iba na ang may-ari niyon. Natukso siyang lumapit nang makita ang naka-tarpaulin na job hiring ng mismong shop. RM pastry shop ang pangalan ng establishment. Mayroon itong mini dining area kung saan tumatambay ang mga gustong magmeryenda. Ang sabi ng security guard na tumanggap sa resume niya ay maghintay lang daw siya ng tawag. Pagkatapos ay umuwi na siya dala ang determinasyon na matatanggap siya.

HALOS kada-oras ay dumadalangin si Shana na sana ay may tatawag na sa kanya. Tinuturuan niya magsulat si Toby habang nasa sala sila nang biglang tumunog ang cellphone niya na nakapatong sa center table. Dagli niya itong dinampot at sinagot ang unregistered number na tumatawag.

"Hello, good morning!" sagot niya.

"Hi! Good morning! Is this Ms. Shana Valdez?" tanong ng boses lalaki.

Natigilan siya. Maganda ang boses ng lalaki, buong-buo na talagang masculine ang dating. Kumabog ang dibdib niya.

"Uh...y-yes, sir, speaking," natatarantang sagot niya.

"Ms. Valdez, I call to let you know that tomorrow, we will have our initial interview for all applicants of RM Pastry Shop. Please confirm if you are available tomorrow so I can add you to the attendance. The initial interview will start from 9: am until 11: am. Kindly wear office attire or formal suit with close shoes and also at least ten sample pastries recipe for the position of pasty chef. Signature recipe is required at least two," sabi ng lalaki.

Naunahan na ng excitement si Shana. "Y-Yes, sir, I will come tomorrow. Thank you for calling, sir," aniya.

"Okay. See you there." Naputol na ang linya.

Hindi pa man nakikita ng dalaga ang kausap ay nai-imagine na niya ang hitsura nito. Boses pa lang, guwapo na at malakas ang dating sa kanya. Gumawa kaagad siya ng listahan ng mga recipe na alam niya at signature recipe niya. 

Secret Longing (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon