Chapter Seventeen

2.1K 93 1
                                    


SABADO ng gabi pagkatapos ng overtime ni Shana ay tumambay siya sa shop. May usapan kasi sila ni Reed na maghahapunan sila sa restaurant. Nakapagbihis na siya ng floral dress na hanggang tuhod ang laylayan at cream two inches sandals ang sapin niya sa mga paa. Inilugay niya ang kanyang buhok at naglagay ng manipis na make-up.

Alam niyang nasa opisina lang si Reed pero nahihiya siyang puntahan ito dahil meron daw itong kausap na mga kliyente at business partners. Halos isang oras na siyang naghihintay. Hindi siya nakatiis. Lumabas na siya at sana'y tutungo sa opisina ngunit napahinto siya nang mamataan niya si Reed na pinagbuksan ng pinto ang magandang babae na pinasasakay nito sa kotse nito. Hindi nakaligtas sa paningin niya ang kamay ng babae na humawak sa dibdib ng binata. Pinainit ng senaryong iyon ang bunbunan niya. Lalo siyang nainis nang sumakay na rin si Reed at nagmaniobra. Hindi man lang siya sinabihan na uunahin muna nito ang ibang babae. Umabot na sa boiling point ang init ng ulo niya. Bihira siya mainis nang ganoon pero dahil sa nakita niya ay hindi siya nakapagtimpi.

Nagdesisyon siyang umuwi na lamang bago pa siya magka-ulcer sa kakahintay kay Reed. Sa bahay na siya kumain, nakasabay pa niya ang kanyang anak.

Nakapagbihis na ng pantulog si Shana nang may bumusinang sasakyan sa labas ng bahay. Hinayaan na niya'ng ang Tita niya ang lumabas para alamin kung sino ang bumusina. Inaasahan na niya'ng si Reed iyon. Pagbalik ng ginang ay kasunod na nito si Reed. Iniwan na sila nito sa sala. Inalok niyang umupo si Reed pero tumanggi ito. Hindi maipinta ang mukha nito.

"Sinabi ko'ng hintayin mo ako. Bakit umuwi ka na?" iritableng sabi nito.

Matapang niya itong hinarap. "Ayaw kong maghintay kung kailan ka makakabalik matapos mong unahin ang ibang babae. Halos isang oras na akong naghintay sa shop 'tapos umalis ka pa," palatak niya.

"Hinatid ko lang si Ms. Cha dahil hindi dumating ang asawa niya. May importante siyang lakad kaya nakiusap siya na ihatid ko siya. Isa sa bigating business partner ko si Ms. Cha," paliwanag nito.

Naibsan ang inis siya nang sabihin nito na may asawa na ang babaeng hinatid nito. Hindi na siya kumibo.

"Nagseselos ka ba?" pagkuwan ay tanong ni Reed.

"Sino ba ang hindi maiinis?" bayolenteng sagot niya.

"Ang tanong ko kung nagseselos ka, hindi naiinis," nakangiti nang sabi nito.

Naiilang siyang tumitig nang deretso sa mga mata nito. Aminado siya, talagang nagselos siya. "Of course, sino ba naman ang hindi magseselos?" aniya pagkuwan.

Bumungisngis si Reed. Pagkuwan ay hinawakan siya nito sa kanang braso saka siya hinila palapit dito. Hindi siya nakahuma nang ikulong siya nito sa bisig nito at siniil ng halik ang kanyang mga labi. Mabilis naman ang kanyang pagtugon.

"Thank you dahil nagselos ka. You proved to me how much you like me. Huwag ka nang magdrama. Siya nga pala, next Sunday ay anniversary ng RRM Culinary Institute. Kailangan kasama ka," sabi ni Reed nang maghiwalay sila.

"Bakit kailangan pa ako?" aniya.

"Why not? You're special. Cocktail party 'yon at may nabili na akong damit para sa 'yo. Naroon sa kotse. Sandali kukunin ko," anito saka tinungo ang kotse nito.

Palagi siyang walang choice. Pagbalik ni Reed ay dala na nito ang dalawang paper bag na malaki. Inilabas nito ang sinasabi nitong damit. Bloody red strapless dress ang binili nito na hanggang tuhod ang laylayan. May partner pa itong red two inches sandals. Mukhang kabisado na ng binata ang sukat ng katawan niya. Lahat ng binigay nitong damit ay sakto lang sa kanya.

Naaliw na ang binata kaya inabot ito ng umaga sa bahay niya.

PINAGHANDAAN ni Shana ang party kahit naroon ang pag-aalala niya na baka darating sa party ang parents ni Reed o kaya'y may makikita siyang tao na kilalang-kilala siya at may alam sa nakaraan niya. Noong nagsimulang mahulog ang loob niya kay Reed ay nahirapan na siyang iwasan ito. Nakapagdesisyon siya na magtatapat sa binata tungkol sa nakaraan niya sa yumayo nitong kapatid pero hindi pa siya makatiyempo ng tamang pagkakataon. Palagi siyang nauunahan ng takot.

Alas-siyete ng gabi ay sinundo na ni Reed si Shana. Gabi naman kaya manipis na make-up lang ang inilagay ng dalaga sa mukha at bloody red lipstick ang ipinahid niya sa kanyang mga labi para bumagay naman sa kulay ng damit niya. Puno ng paghangang sinuyod siya ng tingin ni Reed.

"Look at you. You're such a gorgeous lady in red. Lalo akong nai-in love sa 'yo," bungad nito sa kanya nang salubungin siya nito sa entrada ng bahay.

"Tama nang pambobola. Let's go," pigil ang kilig na sabi niya.

Humawak naman siya sa inaalok nitong braso. Pagkuwan ay maingat siyang iginiya papasok sa kotse.

Pagdating sa hotel kung saan ang venue ng party ay nalula si Shana sa dami ng mga tao. Hindi siya bumitiw sa braso ni Reed hanggang tuluyan silang makapasok. Halos hindi sila umuusad dahil maraming lumalapit sa kanila at kinakausap si Reed. Hindi nito nakakalimutang ipakilala siya sa mga tao roon. Sila ang center of attraction dahil siyempre, si Reed ang presidente at may-ari ng RCI.

Iniwan siya ni Reed sa nakalaang mesa para rito kahanay ng VIP table. Umakyat ito sa entablado at nagpahayag ng maikling talumpati. Hindi mapakali si Shana. Hindi siya makapag-focus kay Reed dahil pakiramdam niya'y hindi siya nababagay sa party na iyon. Mga bigatin ang mga bisita. Magagara ang kasuutan at halatang mayayaman. Nang binigyan siya ng waiter ng cocktail at naka-set na pagkain sa plato ay kumain na lamang siya.

May ilang minuto nang natapos magsalita si Reed pero hindi pa siya nito binabalikan. Namataan niya itong nakikihalubilo sa mga bisita. Natapos na siyang kumain pero busy pa rin ang binata.

Nang pakiramdam niya'y puputok na ang pantog niya ay tumayo siya at hinanap ang palikuran. Nakahinga siya nang maluwag nang naroon na siya sa palikuran. Pagkuwan ay inayos niya ang kanyang make-up. Kumislot siya nang tumunog ang kanyang cellphone na nasa kanyang shoulder bag. Dagli niya itong dinukot at sinagot nang malamang si Reed ang tumatawag.

"Where are you?" tanong nito.

"Nag-banyo lang ako. Babalik na ako riyan," sagot niya.

"Okay. Narito ako sa VIP table."

"Okay."

Naputol na ang linya. Nagmamadali siyang lumabas. Pagdating niya sa hanay ng VIP table ay natigilan siya nang mamataan si Abby na kausap ni Reed habang nakaupo ang mga ito na magkaharap. Si Abby ang kaibigan at kaklase niya noong college sa kursong engineering na girlfriend ng pinsan ni Rex. Si Abby ang bukod-tanging nakakaalam sa relasyon nila ni Rex. Kasama pa rin nito ang boyfriend nitong si Ivan, na siyang pinsan ni Rex.

Hindi na sana siya tutuloy ngunit bago siya nakaiwas ay tinawag na siya ni Abby. Awtomatikong nakita siya ni Reed. Tumayo pa ang binata at iginiya siya palapit sa mga ito.

"Shana! My God, long time no see! How are you? W-what are you doing here?" napapatayong sabi ni Abby.

Secret Longing (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon