Chapter Eight

2.1K 94 1
                                    


ALAS-SIYETE na ng gabi nakauwi si Shana. Nag-grocery pa kasi siya. Si Dalya na lang ang uutusan niyang magdeposito ng tseke sa bank account niya. Hindi pa rin siya makapaniwala sa laki ng halagang ibinayad ni Reed sa recipe niya.

Saktong nakapaghain na ng hapunan ang Tita niya. Nagrereklamo na rin ang anak niya na nagugutom. Dumeretso na siya sa komedor.

"Ginabi ka na ata. Nag-over-time ba kayo?" usisa ni Dalya.

"Kinausap pa kasi ako ng boss namin tungkol sa recipe ko. Binili niya ang pies recipe ko, Tita. Puwede po bang kayo na ang mag-deposit sa banko bukas?" masiglang sabi niya.

"Wow! Ang galing naman. Sige, mamalengke din kasi ako. Isasama ko na si Toby. Halika na. Maupo ka na," anito.

Umupo siya sa tabi ni Toby.

"Mama, fish..." sabi ni Toby habang tinuturo ang pritong isdang tilapia.

Pinaghimay naman niya ito ng isda at inilagay sa plato nito. Maayos nang kumain mag-isa si Toby. Naalala niya bigla ang sinabi ni Reed tungkol sa pagpapalaki ng anak. Kahit papano ay may panahon naman siya kay Toby. Nasanay rin si Toby na kumain ng kahit anong gulay. Hindi niya ito sinanay sa mga gadget katulad ng ibang bata. Basta may laruan itong kotse at robot ay masaya na ito.

Pagkatapos ng hapunan ay tinuruan niyang magsulat at magbasa si Toby. Napansin niya na mahilig sa mga numero si Toby. Mas interesado ito kapag mathematics ang itinuturo niya rito. Iniisip niya baka nagmana ito sa tatay nito. Hate niya ang math pero hindi naman siya mangmang dito. Katunayan napilitan lang siyang mag-enroll noon ng engineering dahil usapan nila iyon ng Papa niya pero ang totoo ayaw niya sa kursong iyon.

"One plus two. What is the answer, Toby?" tanong niya sa kanyang anak habang nakaupo sila sa kama.

Nagbilang sa daliri ang pobreng bata saka ipinakita sa kanya ang tatlong daliring nakausli. "Three, mama!" sagot nito.

"Very good!" Hinalikan niya ito sa noo.

Pinalakpakan ni Toby ang sarili. "Yeah!"

Mamaya ay nagsulat ito sa papel. Nagsulat ito ng mga litra hanggang sa nabuo nito ang first name nito. Naisip niya, wala siyang choice kaya sarili niyang apelyido ang pinagamit kay Toby. Puwede naman daw. Nag-aalala lang siya sa paglaki ng anak niya. Siguradong maghahanap ito ng tatay.

Hinayaan niyang magsulat si Toby. Nagbabad na siya sa social media gamit ang kanyang cellphone. Nagpalit na siya ng Facebook account at ang dating gamit niya ay na-hack. Noon lang niya na-accept ang friend request ng mga katrabaho niya. Pagkuwan ay nagbasa siya ng mga status na dumadaan sa news feed niya.

Nang tingnan niya si Toby ay nakatulog na ito. Inayos niya ang pagkakahiga nito saka ito kinumutan. Humiga na rin siya sa tabi nito. Hindi pa rin siya makatulog. Nang tingnan niya ulit ang Facebook niya ay mayroon na naman siyang friend request. Nang buksan niya ang account ng sender ay nagulat siya nang malamang ang boss niya, si Reed Montenegro. Ganoon na lang ang kabog ng dibdib niya. On-line ito at malamang naghihintay na tanggapin niya ang request nito.

Nag-explore muna siya sa account nito. Tiningnan niya ang mga post nito at mga litrato. May nakita siyang mga litrato na kasama ni Reed ang ex-boyfriend niyang si Rex. Mga lumang litrato na malamang ang mga iyon. Noon lang niya naisip na wala nang litrato ni isa sa kanya si Rex. Nai-save niya ang mga litrato nila sa luma niyang FB account at sa luma niyang cellphone na nasira. Wala man lang siyang naisalba kahit isa.

Mamaya'y nagdesisyon siya na tanggapin ang friend request ni Reed saka siya nag-log out. Ginugupo na rin kasi siya ng antok.

BIYERNES ng hapon. Pagkatapos maglagay ng icing sa cake ay sinimulan na ni Shana ang paggawa ng pie crust para sa gagawin niyang berries pie. Kompleto na rin ang mga sangkap na gagamitin niya. Ang ibang kasama niya ay nakapag-out na. Alas-kuwatro na kasi ng hapon. Hindi na siya humiling ng assistant na makakatuwang.

Hinuhulma na niya sa pie plate ang nagawa niyang dough nang may pumasok. Tahimik na sa area niya dahil wala na ang mga kasama niya. Malakas ang air-con sa area niya dahil doon nilalagyan ng icing ang mga cake. Solong-solo niya ang stainless na preparing table. Pulos salamin ang palibot kaya naaninag niya ang repleksiyon ng lalaking pumasok.

"Bakit nag-iisa ka? Hindi ka ba nag-request ng katuwang?" tanong ni Reed nang makalapit sa kanya.

Sinipat niya ito. Nakasuot ito ng bughaw na polo-shirt at itim na pantalong maong. Nanuot sa ilong niya ang masculine scent ng pabangong ginamit nito.

"Hindi na kailangan. Madali lang naman ito," aniya, habang hinihiwa nang mahahaba ang dough na nilapad niya nang manipis.

"Dapat mas inagahan mo ang pagsisimula. Baka aabutin ka ng gabi."

"Okay lang. Marami kasi akong ginawang icing kanina para sa limang cake."

Nagtataka siya bakit nagtatanggal ng relo si Reed. Pagkuwan ay naghugas ito ng mga kamay at nagsuot ng hairnet.

"Let me help you to prepare your ingredients," sabi nito.

"Naku, huwag na, sir. Kaya ko na 'to," awat niya rito.

Hindi ito nakinig. Inalis nito sa kahon ang sariwang strawberries. "Hindi ba gagawin pang jam itong strawberry?" tanong nito.

"Meron akong pinabiling strawberry jams. Ang mga fresh fruit ay toppings lang," tugon niya.

"Okay. Ano ba ang uunahin mo?"

"Strawberry pie."

"Just tell me what you need, I will prepare."

Inilagay niya sa chiller ang natapos niyang dough saka sinimulan nang magtimpla ng filling. Pinapanood siya ni Reed habang naghahalo ng mga sangkap sa mixing bowl. Naiilang siya dahil madalas ay nagbabanggan ang mga braso nila.

"Paiinitin ko na ba ang oven?" tanong nito.

"Yes, please."

Tumalima naman si Reed. Pansin niya ang interest ni Reed na matutunan ang ginagawa niya. Mamaya ay bumalik na ito at pumuwesto sa tapat niya.

"I remember my elder brother. He loves baking too. Actually siya ang nakaisip ng business na ito. Kapag nagbi-bake siya, ako ang assistant niya. Siyempre, ako ang unang nakakatikim ng luto niya," masiglang kuwento ni Reed.

May kung anong kumukurot sa puso ni Shana. Hindi siya kumikibo. Itinuloy lang niya ang kanyang ginagawa.

"Sadly, he leaved me. Ang totoo, noong namatay siya, naisip ko na kalimutan na lang ang plano naming business, pero naalala ko kung paano siya nag-effort para makapag-ipon ng puhunan. He dedicated this business to me and to the girl he dreamed to marry with. But he failed," patuloy na kuwento ni Reed na lalong umungkat sa konsensiya ni Shana.

Nabanggit sa kanya noon ni Rex na kapag nakapagtapos na sila ng pag-aaral ay magtatayo ito ng pastry business kung saan silang dalawa ang magpapatakbo. Pero noong panahong sinasabi iyon ng binata ay buntis na siya. Ramdam niya na mahal na mahal siya ni Rex pero hindi na niya nailihim ang pagbubuntis niya. Ayaw niyang isumbat nito balang araw sa kanya ang pagkakaroon niya ng anak sa ibang lalaki. Natakot din siya na posibleng hindi rin siya tatanggapin ng parents ni Rex kapag natuklasan ng mga ito na hindi si Rex ang tatay ng anak niya. Si Rex na rin ang nagsabi na high profile ang parents nito at masyadong conservative. Kaya mas pinili niyang tapusin na lamang ang lahat sa kanila ni Rex habang maaga. Umaasa siya na makakapag-move-on din ito pero hindi niya inaasahan na hahantong sa kamatayan ni Rex ang lahat.

Kumislot si Shana nang mamalayang pinupunasan na ni Reed ng tissue paper ang kamay niya na natapunan ng filling ng strawberry pie. Hindi niya naibalanse ang bowl na puno ng filling kaya natapon ang iba sa kamay niya.

"Sorry," aniya.

"It's okay. Baka pagod ka na, ako na ang magbubuhos sa dough," sabi nito saka inagaw ang bowl sa kamay niya.

Hinayaan na lang niya ito. Dalawang dough ang nalagyan nito. Si Reed na rin ang nagpasok ng pie sa oven. Inayos lang niya ang time at temperature. Pagkuwan ay isinunod naman niyang timplahin ang blueberry pie. Nakaalalay pa rin sa kanya si Reed.

Secret Longing (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon