Chapter Ten

2.1K 98 2
                                    


HINDI maalis ang ngiti sa mga labi ni Reed habang nagmamaneho pauwi na sa bahay niya. Sa mga sandaling iyon ay tanging si Shana ang laman ng isip niya. Mamaya ay naisip niya, hindi naman siya ganoon ka-open sa mga babae. Bihira siya nagkukuwento ng private life niya sa babae lalo na kung hindi niya gaanong kilala. Pero para sa kanya, hindi ibang babae si Shana. He felt something special with her presence, seemed he'd met her already before.

Mamaya ay naisip na naman niya ang nai-share niyang kuwento kay Shana, tungkol sa karanasan niya noon na para siyang naglilihi. Minsan ay naisip niya na maaring tama ang mga kaibigan niya na baka may nabuntis siyang babae. Hindi niya iyon maaring itanggi dahil aminado siya na mayroon siyang nakatalik na babae noong minsang umuwi siya ng Pilipinas at sumama kay Rex na makipagkita sa barkada nito sa bar. Hindi siya sanay uminom ng alak pero napilit siya ng mga kaibigan ni Rex. At para makaiwas, nagpaalam siyang magbabanyo pero plano niyang umuwi na. Pero nang malapit na siya sa pinto ay inataki siya nang matindiing pagkahilo kaya umupo muna siya sa tapat ng bakanteng mesa. May lasing na babaeng lumapit sa kanya. Iiwasan sana niya ito pero nawalan ito ng balanse kaya niya sinalo. Dahil sa pagkahilo ay hindi niya kontrolado ang pagyayari. Natagpuan na lamang niya ang kanyang sarili na kahalikan ang babae.

Natangay niya palabas ang babae pero hindi na sila umabot sa hotel. Sa kotse niya sila nagtuos. Pero sa kabila nang nangyari ay hindi niya maalala ang mukha ng babae. Bigla rin itong umalis. Naabutan siya ni Rex sa kotse niya at ito na ang nag-drive pauwi. Hindi siya sigurado kung nabuntis ang babae. Hindi rin siya sigurado kung naalala rin siya niyon. Pero aminado siya na umaasa siya na balang araw ay magtatagpo ang landas nila ng babae. At kung nabuntis man ito, nakahanda siyang panagutan ito. Pero tatlong taon na ang nakalipas. Baka nakapag-asawa na ang babaeng iyon.

Pagdating sa bahay ay ipinasok ni Reed sa freezer ang pie para mabilis lumamig. Atat na siyang matikman ang pie ni Shana. Hitsura pa lang ng pie ay special na at nakakatakam. Nag-hot bat na muna siya bago kumain. Noon lang niya naalala na hindi pala sila naghapunan ni Shana.

Napukpok niya ang sarili niyang noo. "You're nobody, Reed! Why you didn't invite her for dinner before taking her home?" Kinagalitan niya ang kanyang sarili.

Pagkatapos niyang kumain ay nagbukas siya ng Facebook sa kanyang cellphone at nagbakasakaling on-line si Shana. Nang makitang on-line ito ay nagpadala siya ng private message rito.

"Hi! Sorry, I forgot to invite you for dinner. Next time na lang." sabi niya.

Mamaya ay sumagot ang dalaga. "Okay lang. Hindi na kailangan 'yon. Tinulungan mo naman ako."

"Basta, babawi na lang ako. Magpahinga ka na. Goodnight."

"Okay. Goodnight."

Nang mag-off-line na ang dalaga ay inilabas na niya sa freezer ang buong blueberry pie saka hiniwa. Nang matikman niya ito ay napapikit siya.

Hm. Heaven.

Sa buong sandaling ninanamnam niya ang sarap ng pagkain ay naghari na naman sa kukoti niya si Shana, the way how she prepared the food and her gorgeous face while busy. Pumintig nang mabilis ang puso niya habang nasa isip niya ang dalaga. Pagdilat niya ng mga mata ay umiling siya.

Shit! You're being addicted, Reed.

Hindi niya namamalayan na naparami na ang nakakain niyang pie. Hindi ito nakakasawa dahil katamtaman ang tamis na may kaunting asim mula sa blueberry.

"Hm. Perfect. I like it," komento niya.

I like her... protesta naman ng isip niya.

"THAT smile, I knew what is the meaning of that," sabi ni Ivan, na pinsan ni Reed.

Matutulog na sana siya pero bigla itong dumating at sinabing makikitulog muna sa bahay niya dahil tinamad na itong bumiyahe pauwi ng Tagaytay. Pinatikim niya rito ang blueberry pie. Nalipasan na siya ng antok. Alas-onse na ng gabi pero naroon pa sila sa lobby at nagkukuwentuhan habang magkaharap na nakaupo sa sofa.

Tumukwas ang isang kilay niya. "What's wrong with my smile?" maang niya.

"May nililigawan ka nang babae, ano?" anito.

Tumawa siya nang pagak. "Ang advance mo namang mag-isip. Masaya lang ako kasi ang inaakala kong special qualification na gusto ko sa isang babae ay parang isang falling star, bihira makita. But I think God bring her to me. She's not just a good and skilled pastry chef. She's gorgeous and beautiful," nasasabik na kuwento niya kay Ivan.

Ngumisi si Ivan. "Nakakagulat ka naman. Ang palagi kong inaasahan na ikukuwento mo sa akin ay about business and money investments. Himala na nag-open ka tungkol sa isang babae. Pero huwag ka masyadong magpaka-possessive, baka matulad ka kay Rex," anito.

Napalis ang ngiti niya nang maalala ang yumao niyang kapatid. Na-realize niya na ganoon sa pananalita niya ang narinig niya noon kay Rex habang nagkukuwento ito tungkol sa mahal nitong babae. But he will assure that they have different ways of loving a woman. He might be possessive but he won't let woman to control his manliness.

"You know how much I love my brother, Ivan. He's my inspiration. Sa totoo lang, hindi pa ako naka-move on at nakontento sa biglaang pagkawala niya. I'm still hoping for the answer and justice," seryosong pahayag niya.

"What kind of justice? Maghihiganti ka?" usig nito.

"I didn't think about revenge. Pero siguro ganoon talaga ang gusto ko. Sa tuwing naiisip ko si Kuya, masakit pa rin."

"I can't blame you. Anyway, puwede na ba tayong matulog? Inaantok na talaga ako," pagkuwan ay sabi ni Ivan.

Iniligpit naman niya ang ginamit nilang kobyertos. Pagkuwan ay sabay na sila ni Ivan na pumanhik sa second floor kung saan ang kuwarto niya at guess room. Regalo pa sa kanya ng parents niya ang house and lot na iyon noong nagtapos siya ng college. Dapat ay pareho sila ng Kuya niya ng regalo pero since namatay nang maaga ang kapatid niya, napunta lahat sa kanya ang mana.

Secret Longing (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon