15 Years of Tears Chapter 8
---
Jolly's POV
Kahit ilang beses akong lumunok ay nanunuyo pa rin ang lalamunan ko. Hindi ko alam kung paano aakto sa harapan niya ngayong humahakbang siya papalapit sa akin habang buhat si Luzcy.
Sinusundan siya ng iba pang mga batang bumubungisngis at mukhang masaya dahil sa pagdating niya.
Nakailang hakbang siya nang hindi man lang tinatanggal ang tingin nito sa akin.
Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman. Galit ba dahil sa ginawa ng pamilya niya sa nanay ko, o tuwa dahil ang matagal ko nang hinahanap ay nakita ko na.
Pero ilang segundo ang makalipas nang bigla kong maisip na kaya ko lang naman siya naisipang hanapin ay para maghiganti sa kanila, wala nang iba pa.
Noong mga panahong hindi pa nag-ku-krus ang mga landas namin ay desidido akong hanapin siya para pahirapan ang buhay niya at ng nanay niya. Gusto ko maranasan niya kung ano ang dinanas naming paghihirap ng nanay ko.
Puro puot ang nasa isip ko pero iba naman ang sinasabi ng puso ko.
Bakit parang nawala ang pagka-desidido ko at bigla na lang nagdalawang isip?
Nang makalapit sila sa akin ay hindi naman ako kinausap ng mga bata, mukhang mas malapit sila kay V.
Hindi ko alam na bumibisita pala siya rito at mukhang kilalang-kilala siya ng mga bata.
Minsan nang nabanggit ni sister Elvy na may isang tao ngang madalas bumisita sa mga bata, pero hindi ko naman akalaing si Vander iyon.
Pinagmasdan ko ang uri ng pananamit ni V. Nakasuot lang ito ng shirt na mukhang ilang beses nang nalabhan dahil may butas na sa may laylayan nito.
Ang pantalon naman niya ay mukhang pinaglumaan na ng panahon pero nagagamit pa rin.
Nakasuot siya ng tsinelas na mukhang ilang kilometro na ang nailakad dahil kita rito na pudpod na ito.
Kataka-takang hindi siya nakasuot ng polo o kahit anong mamahalin. Kahit isang alahas ay hindi ka makakakita sa kanya.
Andaming tanong na bumabalot sa isip ko na hindi naman masasagot kung mananatili akong nakatingin kay Vander.
Kailangan kong magsalita.
Sa ngayon ay nasa mga bata na ang atensyon niya at lumapit lang sila sa akin pero hindi naman ako pinapansin.
Mukhang masayang masaya sila sa presensya ni V.
Bigla akong napaisip kung paano siya napunta sa Tondo. Kung isa rin ba siya sa mga nagbibigay ng donasyon sa orphanage at paano niya nalamang may isang maliit ng orphanage dito?
Umalis ako para puntahan si sister Elvy sa loob kung saan niya hinahanda ang mga pagkaing dala ko.
Wala man lang nakapansin ng pag-alis ko dahil abala silang kausapin si Vander at andami nilang tinatanong sa kanya na hindi ko naman maintindihan.
"Oh, hija, nakausap mo na ba ang mga bata?" tanong nito nang makalapit ako sa kanya.
Tinulungan ko siya sa pag-aayos ng mga pagkain sa lamesa bago ako magtanong sa kanya.
"Sister Elvy, isa po ba sa mga nag-do-donate dito yung lalaking dumating kanina?" tanong ko at kunwaring hindi kilala na si Vander iyon.
"Hindi siya nagbibigay ng donasyon pero madalas siyang bumisita rito para kumustahin ang mga bata at bigyan ng pagkain," sagot sa akin ni sister Elvy.
BINABASA MO ANG
15 Years of Tears
Romance"You're my once in a lifetime." Vander Severo and Jolly Lumbay used to be playmates back when they were younger. Vander came from a rich family while Jolly's mom is one of the Severo's maids in their mansion. They struggled in their everyday life wh...