15 Years of Tears Chapter 11
Vander's POV
Ngayon ang unang araw ko sa trabaho bilang driver at secretary ni Jolly. Medyo puyat pa ako dahil late na rin akong natapos sa pag-aayos ng mga gamit ko.
Sakto lang sa akin ang kuwartong inilaan ni nanay Susan. Halos silang dalawa ni nanay Delia ang kumakausap sa akin at madalas ko lang mahuli si Jolly na tumititig sa akin.
"Pagpasensyahan mo na kung sakaling maging malamig ang pakikitungo niya, sigurado naman akong sa umpisa lang iyan." Ito ang naging mga huling salita sa akin ni nanay Susan bago niya ako iwan sa loob ng kuwarto kagabi.
Maaga akong nagising ngayon dahil ayon kay nanay Delia, madalas daw ay maagang umalis si Jolly. Umaga pa lang ay tinatawag na niya ang secretary para tanungin ang schedule niya.
Kailangan ay paglabas ni Jolly ay nakahanda na ako pati na rin ang sasakyang gagamitin panghatid sa kanya.
Kahit na kulang ang tulog ko kakaayos ng gamit at kakaisip sa mga bagay-bagay, naging komportable naman ako sa kamang hinigaan ko dahil napakalambot nito, para akong binalik nito sa pagkabata dahil halos ganito rin kalambot ang kama ko noong nasa mansion pa kami.
Mabilis kong inihanda ang sarili at napahinga pa nang malalim habang ibinubutones ang asul na polo ko pamasok.
Pagkalabas ko ng kuwarto ay nagsimula na ang kaba sa dibdib ko. Hindi naman na bago sa akin ang mag-trabaho pero hindi ko maiwasang kabahan at mapangiti sa parehas na pagkakataon dahil si Jolly ang makakasama ko.
Luminga ako sa paligid at puro katulong ang nakikita ko rito.
Wala pa akong naaaninag na kahit anong bakas ni Jolly kaya naisipan ko munang pumunta sa kusina para tignan kung nando'n sina nanay Delia.
Nang makarating sa kusina ay si nanay Susan lang ang nakita ko habang nasa wheelchair at hawak ang tablet niya.
Hindi niya napansin ang presensya ko dahil abala siya sa pagbabasa sa tablet.
"Good morning ho, 'nay." magalang na bati ko na naging dahilan ng paglingon niya sa akin at tuluyan nang napansin ang presensya ko.
Lumapit ako sa kanya nang nakangiti para magmano.
"Napakaaga mo naman, hijo, may lakad ba si Jolly ngayon?" pagtatanong niya habang inilalapag sa lamesa ang tablet at kinuha ang isang tasa ng tsaa para uminom.
"Ang alam ko ho ay mamayang hapon pa ang sinasabi niyang lakad, pero kakausapin niya raw ho ako sa opisina niya mamaya," sagot ko sa kanya.
"Bakit ka nag-uniporme kaagad? 'Di bale na, guwapo ka tignan sa polo na iyan," papuri niya sa akin kaya napatingin tuloy ako sa polong suot ko bago muling tignan si nanay Susan at nahihiyang ngumiti.
"Salamat ho, sinuot ko na ho ang uniporme para mamaya ay handa na ang sasakyan papuntang opisina."
"Ano ka ba, sigurado akong ang tinutukoy na opisina ni Jolly ay ang opisina niya rito sa mansion." Napamaang ako dahil sa sinabi ni nanay Susan.
Hindi ko alam na dito lang pala ang opisinang sinasabi niya pero gayak na gayak ako.
Hindi na rin ako magtataka dahil sa laki nitong mansion, sigurado akong puwedeng-puwede siyang mag-opisina rito.
Lalo akong nahiya kay nanay Susan.
"G- gano'n ho ba, 'nay? Akala ko ho ay aalis kami, eh," napapahiya kong sagot.
Sandali kaming natahimik ni nanay Susan matapos niya akong alukin ng kape. Dapat ay siya pa ang magtitimpla pero sinabi kong kaya ko naman.
Nagtimpla ako ng kape para sa akin bago umupo sa tapat ni nanay Susan.
BINABASA MO ANG
15 Years of Tears
Romance"You're my once in a lifetime." Vander Severo and Jolly Lumbay used to be playmates back when they were younger. Vander came from a rich family while Jolly's mom is one of the Severo's maids in their mansion. They struggled in their everyday life wh...