CHAPTER 6

1.1K 19 0
                                    


Matapos kumurap ng ilang beses habang nakatitig sa seryosong anyo ng Kuya Tom niya ay muling dinampot ni Jing-jing ang tote bag niya na inilapag niya sa ibabaw ng coffee table. Tumindig siya mula sa pagkakasalampak sa sofa at akmang hahakbang na palabas muli ng sala ng bahay na kinalakihan nilang magkakapatid.

"Jinnee Jizah! Hindi pa tayo tapos mag-usap! Saan ka pupunta?!" dumadagundong ang boses ng Kuya Tom niya.

Sa tuwing galit ito ay nagiging iisa ang tono nito. Pasigaw. Kung ang Kuya Ace at Kuya Errol niya ay pababa ng pababa ang tono kapag nagagalit, si Kuya Tom ay kabaligtaran. Umaalingawngaw sa buong kabahayan ang boses nito. Tarantang napalabas tuloy ng kusina ang matagal na nilang katiwalang si Nanay Zita. Pero nang makita ang nakabusangot nilang mukha magkapatid, iiling-iling at pumapalatak na bumalik na ito sa kusina. Sanay na kasi itong masaksihan ang pananabon nang walang banlawan sa kanya ng Kuya Tom niya.

"Bumalik ka rito. Upo!" mataginting na utos ng kuya niya sa kanya.

Nagdadabog na umupo ulit siya sa sofa at humalukipkip.

"Ipaliwanag mo kung ano'ng kalokohan ang pumasok diyan sa utak mo at naggawa mo pang patulan si Darrell kahit na alam mo nang ikakasal na siya?!" pasinghal na untag ng kuya niya.

"Aw, Kuya Tom, naman! Seryoso ka ba talaga? Pinauwi mo ako rito dahil lang sa sumbong ng Marie'ng Pating na iyon?! Naniniwala ka talagang inaagaw ko si Darrell sa kanya?!" hindi pa rin makapaniwalang bulalas niya.

Akala niya dahil sa credit card nitong palihim niyang hiniram noong isang linggo para bumili ng regalo para sa Kuya Errol niya ang dahilan kaya siya nito galit na tinawagan sa telepono at pilit na pinauwi ngayon. Iyon pala, dahil lang sa sumbong diumano ng bruhang kapatid ni Bell kaya siya pinatawag ng kuya niya. Ayon raw kay Marie, inaakit niya ang fiance nitong si Darrell. Kaya raw nagdadalawang-isip na si Darrell na ituloy ang kasal ng mga ito sa January ay dahil sa kanya.

Matagal na niyang kaibigan si Darrell. Naging classmates sila noon sa highschool pero nagkahiwalay na sila ng landas nang mag-college na sila. Sa Bicol na kasi ito nag-kolehiyo. Nagkita lang ulit sila ni Darrell tatlong taon na ang nakakaraan nang magpunta ito kasama ang ilang mga kaibigan sa isa sa mga gigs nila ng Silver Belles.

Aminado si Jing-jing na si Darrell ang puppy love niya noon. Pero matagal nang lumipas iyon. At ni minsan hindi naman siya naging crush man lang ni Darrell. Kabarkada lang ang turing nito sa kanya noon. At hanggang ngayon, magkaibigan lang talaga sila. Tulad lang din ng trato niya sa mga kabandang sina Cinda at Santi ang trato at tingin niya kay Darrell ngayon. In fact, dahil nga sa kanya kaya nagkakilala sina Marie at Darrell dalawang taon na ang nakakaraan. Tinulungan pa niya si Darrell noon na suyuin si Marie dahil biglang natorpe ang lalaking nagbilang na ng nobya bago pa nito nakilala si Marie.

At dahil sa pagkatorpeng iyon ni Darrell kay Marie noon kaya siya lalong nakumbinsing tunay nga ang nararamdaman ni Darrell para kay Marie. Bukod pa roon ay tiniis rin ni Darrell ang mga pasimpleng pagpapahirap ni Bell rito noong sinusubukan pa lang ni Bell ang kaseryosohan ni Darrell kay Marie. Hindi na uso ang probinsya-style na panliligaw sa panahon ngayon. Pero dahil overprotective si Bell kay Marie lalo na't lumaki ang magkapatid na wala nang mga magulang, kung ano-anong pagsubok pa muna ang ipinaranas ni Bell kay Darrell bago pumayag si Bell na tumapak sa loob ng bahay ng mga ito si Darrell.

"Teka, alam ba ni Bell ang tungkol sa isinumbong ni Marie sa iyo, Kuya? Nagkita kami kanina pero wala naman siyang nabanggit," biglang kinabahang kunot-noong usisa ni Jing-jing sa kapatid.

Pero agad din niyang naisip na malamang hindi pa iyon alam ni Bell. Dahil kung alam na ng binata ang tungkol sa akusasyong iyon ni Marie sa kanya, malamang hindi na siya nakarating ng buhay dito sa bahay ng pamilya niya. Pagdating kasi kay Marie, bulag, pipi at bingi si Bell sa lahat ng mga kamalditahan, kapraningan at kahinaan ng kapatid nito. Bagay na hindi naman niya maisisi kay Bell. Dahil ganoon din naman ang mga Kuya Ace at Kuya Errol niya sa kanya. Itong si Kuya Tom lang ang talagang madalas niyang hindi kasundo.

SILVER BELLES SERIES 2-JING AND BELLTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon