*******
"Mapapatay kita, Alexander Graham Bell! Pati kaluluwa mo buburahin ko sa mundo! Akala ko si Dennis ang pabubuhusan mo ng tubig! Iyon pala ako!" gigil na gigil na singhal ni Jing-jing sa binatang halos gumulong sa katatawa sa gitna ng opisina nito. Sambakol ang mukha niya nang lumabas siya mula sa toilet at bathroom sa loob ng opisina nito.
Aparrently, the waiter obeyed Bell's instructions. Dahil siya pala talaga ang balak buhusan ng tubig ng pesteng binata. Sa loob ng bathroom sa opisina ni Bell siya naghubad ng basang damit at nagbihis ng puting sweatshirt at puting jogging pants na ipinahiram ni Bell.
Sa halip na damit kasi ng isa sa mga babaeng staff nito ang ipasuot ni Bell sa kanya, mga malilinis na damit na gamit ng binata sa boxing gym ang ipinahiram nito sa kanya. Nakaimbak ang mga damit na iyon sa opisina ni Bell dahil kadalasan raw pagkagaling sa trabaho tuwing weeknights ay saka nagtutungo ang binata sa boxing gym na malapit lang roon sa restaurant. Pagkahubad ni Jing-jing sa basang-basang dress niya ay ibinigay ni Bell ang damit sa isang staff. Inutusan ng binata ang staff nito na patuyuin ang damit niya sa dryer na ginagamit ng restaurant sa paglalaba ng mga table cloths, table napkins at mga uniporme ng mga chef at empleyado sa restaurant.
Suot na ni Jing-jing ngayon ang sweatshirt at jogging pants ni Bell. O mas tama sigurong sabihing nakasampay sa katawan niya ang sweatshirt at jogging pants ni Bell. Mistula kasi siyang hanger na sinampayan ng mga basang damit dahil sa sobrang laki sa kanya ng mga damit ng binata.
Bumubungisngis pa rin si Bell nang lumingon sa kanya mula sa pagkakatungo nito sa hawak na folder. Pero nang makita siya ni Bell, nabitin ang ngisi sa mga labi ng binata at walang kakurap-kurap na napatulala ito sa kanya. Hindi niya mabasa ang ekspresyon sa mukha nito. Para itong namamangha na nasisindak na ewan.
"Bell! Hoy! Bakit?" takang untag niya sa binata.
Marahas na ipinilig naman ni Bell ang ulo. Malakas na tumikhim ito at inilapag sa ibabaw ng mesa ang hawak na folder.
"Nakakatawa ang hitsura mo, mukha kang kalansay sa loob ng damit ko, Jing-jing," ngisi nito. Pagkuwan ay humakbang ito palapit sa kanya at tinulungan siyang irolyo paitaas ang sleeves ng sweatshirt nito.
"Siraulo! Ikaw ang gagawin kong kalansay diyan eh. Kung si Dennis ang binuhusan mo ng tubig eh 'di sana hindi ko kailangang suotin 'tong pang-higante mong mga damit!"
"The man's a paying customer, Jing-jing. Kung siya ang binuhusan ko ng tubig, tiyak gumawa pa ng malaking eskandalo iyon. Besides, the end justified the means. I got you away from your horrible date, didn't I? Hindi ba dapat nagpapasalamat ka sa akin imbes na nagrereklamo? Tinulungan na nga kita, pagbabantaan mo pa ako?"
"Siraulo ka talaga! Hindi naman ako humingi ng tulong sa iyo!"
"Hindi? Eh bakit lumingon ka sa kaliwa mo? Kung hindi mo kinailangan ang tulong ko, dapat hinalikan mo ang ka-date mo tulad ng nakalagay sa text ko sa iyo."
Tumingkayad ito sa harapan niya upang irolyo paitaas ang laylayan ng jogging pants na suot niya. Sa sobrang haba kasi niyon sa kanya ay halos matapakan na niya iyon.
"Adik ka ba? Ngayon ko nga lang nakilala ang taong iyon, hahalikan ko na agad? Ano'ng akala mo sa akin, hindi expensive?!"
"I see. So this is your first date with that asshole, huh? Good. Make sure that it's also your last," tonong nag-uutos na ani Bell.
Bigla siyang natigilan. Gilalas na napayuko siya rito.
"Aba! At sino ka naman para utusan ako?! Hindi ako si Marie, FYI. Hindi ka isa sa mga kuya ko at kahit sila hindi ako pinangungunahan sa mga nakaka-date ko!" angil niya rito.
BINABASA MO ANG
SILVER BELLES SERIES 2-JING AND BELL
Любовные романыPosible bang ma-in love sa isang dating kaaway? Posible! Lalo na kung malapit na ang Pasko!