Naiinis na initsa ni Jing-jing ang hawak na romance pocketbook na isinulat ni Marymae. Hindi niya alam kung nananadya ang pinsan niya nang irekomenda nitong basahin niya iyon. ayon kay Marymae, makaka-relate daw siya sa bida roon. Nakaka-relate nga siya dahil siyang-siya ang isinulat ng pinsan niya! Lovestory nila ni Bell iyon! Nang marinig niya ang masiglang mga yabag ni Bell papalapit sa pinto ng silid niya dito sa bahay ng pamilya niya ay lalo siyang nainis. Lalo pa at kakampi na rin nito ang mga kuya niya.
Mahigit dalawang linggo na itong pabalik-balik sa bahay ng pamilya niya. At kahit ano'ng gawin niyang pagtataboy dito ay matigas pa rin ang desisyon nitong bumalik at suyuin siya. Determinado ang binata na gawin ang lahat mapapayag lang siyang magpakasal dito. Animo black hole sa lalim ang pinagmumulan ng pasensya, sigla at pagtitiyaga ni Bell sa pakikitungo sa kanya. Kahit anong sikmat niya rito, pananabla, pang-aaway, hindi siy anito pinapatulan.
Naipaliwanag na ni Bell sa kanya ang dahilan ng paglayo at pakikipaghiwalay nito sa kanya. Sa isang banda nauunawaan niya kung bakit ginawa nito iyon. Pero hindi pa rin niyon mabubura ang sakit na idinulot nito sa damdamin niya. Nagdesisyon ito mag-isa gayong dalawa sila sa relasyon na iyon. At kahit ano pa ang dahilan nito, sa huli, sinaktan pa rin siya nito. Bagay na ayon nga mismo dito ay siyang pinakaiiwasan nitong gawin.
"Handa na ang pagkain! Umuusok-usok pa sa init! Halika na, kumain ka na."
Pumasok si Bell sa kwarto niya nang hindi nag-aabalang kumatok. Marahil dahil alam na nitong hindi niya rin naman ito patutuluyin kung siya lang ang masusunod. Bitbit nito ang tray na puno ng pagkaing ito mismo ang nagluto. At sa nalalanghap niyang amoy ng umuusok na mga pagkain, puros paborito na naman niya iyon. Grilled burger steak, coleslaw, mashed potatos, java rice at tuna macaroni salad.
"Hindi ako gutom!" asik niya.
Halos mag-isa ang pagsasalubong ng mga kilay niya. Magwo-walk-out na sana siya pero eksakto namang biglang kumalam ang sikmura niya. At hindi maikakailang narinig ni Bell iyon base sa pagkakangisi ng binata.
"Hindi ba dapat mas maging magana ka sa pagkain imbes na mawalan ng gana ngayong buntis ka? Ganoon ang naglilihi, di ba? Pero ayos lang, ako na lang ang kakain nito. Sayang ang pagkain. Sige, magbasa ka na ulit. Bawal magsayang ng pagkain, maraming nagugutom sa mundo."
Naupo ito at sinimulang kainin ang laman ng tray.Nananadyang panay pa ang ungol nito. Sadyang ipinapakita sa kanya na sarap na sarap ito sa kinakain. Ilalampaso siya nito sa pagiging artista at alaskador pero kahit alam niyang taktika lang nito iyon para mapakain siya ay hindi na niya napigilan ang sariling tumayo at nagmartsa sa kinauupuan nito.
"Bakit?" kunway patay-malisyang untag nito sa kanya. Nakasimangot na inagaw niya mula rito ang tray. Naupo siya sa tabi nito. Saka na niya paiiralin ulit ang pride. Gutom na siya. Gutom na rin ang baby niya. Naaliw na pinagmasdan naman siya nito. Abot tainga ang ngiti nito.
"Napakaganda mo, Jing-jing. Kung sinuman ang nagsabi na wala nang mas gaganda pa sa isang buntis ay nagsasabi talaga ng totoo. You look so radiant and lovely carrying our child inside your womb," puri ni Bell sa seryosong tinig. At nang hagurin siya ng tingin nito, malinaw na nakabakas sa mga mata nito ang labis na paghanga.
Kumakabog ang dibdib na ipinaling niya pakaliwa ang ulo. Nag-iwas siya ng tingin. Hindi siya pwedeng mahulog muli sa matatamis na salita at mapanghibong tingin ng binata. Oo, nag-alok ito ng kasal. Pero para lang iyon sa kapakanan ng magiging anak nila. Ni minsan mula nang bumalik ito, hindi nito sinabi na mahal siya nito. Hindi na siya mahal nito.
Kaya kahit alam niyang mahirap, kahit labag sa kalooban niya. Kahit hindi iyon ang pinapangarap niyang mangyari sa buhay niya, mas gusgustuhin na niyang palakihin mag-isa ang anak nila. Mas gugustuhin na niyang maging dalagang ina kaysa mapilitang makisama sa binata gayong ang tingin at turing nito sa kanya at sa magiging anak nila ay responsibiliad lang na hindi nito maggawang talikuran.
"Stop thinking what you're obviously thinking, Jing-jing."
Masuyo siya nitong kinabig at ikinulong sa mga bisig. At marahang hinaplos ang pisngi niya habang ang mga mata ay tila haplos na humahagod sa buong mukha niya.
"Bawat minutong malayo ako sa iyo, wala akong ibang hiniling kung hindi makita at makasama ka ulit."
"Bell!" bulalas niya na naantig ang puso sa nababasang paghihirap sa anyo nito. May namumuong luha sa gilid ng mga mata nito at ang tumulo ang mga iyon sa pisngi nito ay hindi na niya kakayanin. Ikinulong niya sa mga palad niya ang mukha nito. Pinigil ng mga hinlalaki niya ang namumuong butil ng luha sa sulok ng mga mata nito. Hindi na niya napigilan ang sariling damdamin. Kusang dumaloy na mula sa mga mata niya ang mga luha niya.
"Mahal na mahal kita, Jing-jing. Hindi ko maipapangako na hindi na ako ulit magseselos. Hindi ko maipapangako na hindi na ulit ako matatakot na mawala ka sa akin. Pero ipinapangako ko sa iyo na hinding-hindi ko na uunahin ang takot ko o ang selos kaysa sa kapakanan mo."
"Siguraduhin mo lang, Alexander Graham Bell! Dahil kapag inulit mo pa ito, ipapabugbog na talaga kita kina Kuya Tom, Kuya Ace, Kuya Errol, Cinda---"
Sinakop na ng halik ni Bell ang iba pa niyang sasabihin. Mariin, malalim at marubdob ang halik nito. Halik na nagsasaad ng ilang buwang pangungulila nila para sa isa't isa. Panghihinayang sa mga panahong sinayang. At pangako para sa bukas na magkasama nilang haharapin.
BINABASA MO ANG
SILVER BELLES SERIES 2-JING AND BELL
RomansaPosible bang ma-in love sa isang dating kaaway? Posible! Lalo na kung malapit na ang Pasko!