"Wala pa ring tumutulong sa iyo? Sinunod mo ba ang payo ko? O sadyang wala lang talagang epekto ang legs mo sa kahit na sino'ng lalaki?" biglang komento mula sa likod niya ng boses ng napakagaling na lalaking sadya yatang inilagay sa ibabaw ng Earth para subukan ang pasensya at pagmamalasakit niya sa kapwa tao niya.
Hindi miminsan kasi na natutukso siyang burahin na sa mundong ibabaw ang lalaki. And the mere fact that she had not done it yet is a clear testament to her patience and purity of heart. Sige na nga, isali na ring ayaw niyang makulong ng habang buhay sakaling tuluyan nga niya ang lalaki.
Parang mas bagay kasi na pinangalanan si Bell ng mga magulang nito ng Alexasar Gagong Bell imbes na Alexander Graham Bell. Wala na kasing ginawa ang lalaki kundi asarin siya sa tuwing magtatagpo sila. Nagpapasalamat nga siya at nabawas-bawasan ang mga pagkakataong nagkikita sila ng binata mula nang lumipat siya sa condo unit nila nina Lucibelle at Chrisma. Ngayon nagkikita na lang sila kapag umuuwi siya sa bahay ng pamilya niya tuwing weekends.
Inis na napabuga siya ng hininga at nilingon ang lalaki. Hindi niya narinig ang pagdating nito dahil nakasakay ito sa bike at hindi sa motorsiklo nito. May kutob siyang siya ang dahilan ng pagbabalik nito sa kalsadang iyon. Nasa iisang subdivision lang ang bahay ng pamilya niya at ang bahay ng pamilya ni Bell. Halos sabay silang lumaki sa lugar na iyon. Pero mas matanda ng apat na taon si Bell kaysa sa kanya. Ang talagang kaedad at kaibigan nito ay ang Kuya Ace niya.
Kanina nang dumaan si Bell lulan ng motorsiklo nito ay saglit itong huminto. Akala niya naghimala ang langit at mag-aalok ito ng tulong. Pero ang bwisit na lalaki nakangising hinagod lang siya ng tingin sabay payo sa kanya na subukan daw niyang magmukhang kaawa-awa saka ililis niya ng kaunti ang below the knee floral skirt niya para malantad ang legs niya.
Baka may ibang lalaking mapadaan raw doon na biglang magpasyang tulungan siyang ayusin ang sasakyan niya. Tutulungan siya hindi dahil naaakit daw sa kanya kundi dahil naaawa iyon sa ibang makakakita sa karima-rimarim na tanawing ipapakita niya. Saka ito malakas na humahalakhak na humarurot palayo lulan ng motorsiklo nitong ipinagdasal niyang mawalan ng preno o 'di kaya ay idiretso na ito sa impiyerno.
Inismiran niya ang lalaki.
"Tulad nga ng sabi ni Gloria Steinam. 'A woman without a man is like a fish without a bicycle.'"
"Or a woman without a man is just too ugly to get a man. Just admit it, Jing-jing. Wala namang mawawala kung magiging tapat ka, hindi ba? Tutal tayong dalawa lang naman ang nandito. At matagal ko nang tanggap kung ano ka talaga. Hindi mo na kailangang magpanggap na meron kang kagandahan kung wala naman talaga. Sadyang malupit lang talaga ang mundo sa ibang tao," nakakaloko ang ngising wika ni Bell.
Ang mas nakaka-asar sa lahat ng nakaka-asar, gwapo ang lokong ito. Itim na itim ang buhok nitong kapag nakalugay ay umaabot hanggang sa balikat nito. Pero kadalasan, tulad ngayon ay naka-man bun ito. Bagay na hindi niya maintindihan. Dahil kung mas gusto lang din naman pala nito na laging nakatali ang buhok nito, bakit hindi pa nito pagupitan iyon? Sa kabilang banda, nakapanghihinayang nga naman na pagupitan nito ang buhok nito. Kasi mas malambot at mas makintab pa iyon kaysa sa sariling buhok niya.
Kasing asul ng payapang dagat ang mga mata ni Bell kapag kalmado ito. Pero kapag galit ito o napipikon, nagiging sing asul ng nag-aalimpuyong dagat sa gitna ng bagyo ang mga mata nito. Makakapal ang itim na itim na mga kilay nito. Napakatangos rin ng ilong nito. Likas na mamula-mula ang maninipis na mga labi. Matitigas ang anggulo ng mukha kaya kapag seryoso o galit ito ay talaga namang nakakatakot ang anyo. Pero medyo malalaki ang mga tainga nito. Kaya siguro ayaw nitong magpaikli ng buhok. Naitatago nga naman kasi ng mahabang buhok nito ang mga tainga nito.
Nasa five-ten lang ang taas nito. Matangkad na higit sa karamihan sa mga lalaking Filipino pero medyo maliit para sa mga may halong dugong banyaga tulad nito. Mas matangkad pa nga rito ang Kuya Ace niyang nasa six-two ang taas. At minsan kapag nakasuot siya ng five-inch
na heels, nagiging mas mataas pa siya ng one inch kaysa kay Bell.
Kahit araw-araw yatang mag-ahit si Bell, parati pa ring may anino ng bigote at balbas ito. Palibhasa may lahing Kanluranin kaya sadyang hairy. Hairy din kaya ang chest nito? Eh ang mga binti? At ang beep-beep?
'Jinnee Jizah! Iyang berdeng isip mo! Remember, si Gagong Bell iyan, hindi si Colin Farrel kahit na mukha siyang younger version ni Colin Farell!' sawata niya sa sarili bago pa lumiko sa kung saan ang takbo ng isip niya.
"I wonder what you're thinking now. Must be about me," kunot-noong komento ni Bell habang bumababa mula sa bike nito. Isinampa ng binata sa sidewalk ang bike nito, itinayo ang stand niyon saka lumapit sa kotse niya.
"Bakit mo naman nasabi iyan?" biglang kinabahang untag ni Jing-jing.
Napatagal ba ang pagtitig niya rito? Namula ba ang mga pisngi niya dahil sa direksyong tinatahak ng malisyosang isip niya? Sumpa man, magpapasagasa siya sa susunod na daraang naka-bike kung nahulaan nga ni Bell ang iniisip niya. Dahil nungka, never, hindi kailanman at never ever talaga na papayag siyang isipin nitong may gusto siya rito.
"You're grinning like you want to chop my head off with a dull axe."
"Buti alam mo. At kung ayaw mong mawalan ng ulo, lumayas ka na habang nakapagpipigil pa ako," ani Jing-jing na agad nakahinga ng maluwag nang marinig ang sagot ni Bell.
Tahimik na napabulong siya ng pasasalamat na hindi siya nito kayang basahin ng tama sa kabila ng matagal nang pagkakakilala nila. Kung nagkataon kasing nahulaan nito na napatunganga na naman siya dahil sa hindi makatarungang kagandahang lalaki nito, lolobo na namang lalo ang pagkalaki-laki na ngang ego nito. Hindi siya papayag na isipin nitong isa siya sa mga nagkakandarapang babae rito.
Sa halip naman na umalis na ay yumuko pa si Bell sa ilalim ng nakataas na hood ng kotse niya. Sinuri ng binata ang makina ng kotse niya.
"Ano'ng ginagawa mo?!" nagdududang untag niya rito.
Pinalo niya pa ang kamay nitong akmang may bubutingtingin sa loob ng makina. Dagli niyang hinawakan ang hood ng kotse. Magkamali lang ang lalaki na galawin ang alinman sa mga piyesa ng sasakyan niya ay talagang iipitin niya sa ilalim ng hood ang mga kamay nito. Baka imbes na simple lang ang sira ng kotse niya ay mas lumala pa iyon sa sandaling galawin ng lalaki. Ni hindi siya magugulat kung biglang magkakalas-kalas ang buong kotse niya matapos hawakan nito.
BINABASA MO ANG
SILVER BELLES SERIES 2-JING AND BELL
RomantizmPosible bang ma-in love sa isang dating kaaway? Posible! Lalo na kung malapit na ang Pasko!