CHAPTER 19

1K 23 1
                                    


Bahagyang napataas ang mga kilay ni Jing-jing nang marinig ang Pamaskong awitin na pumapailanlang mula sa stereo sa sala ng pinsan niyang si Marymae. May kutob kasi siya na ang naturang Christmas love song na pumapailanlang ang mismong theme song ng estado ng love life ngayon ng pinsan.

"Pasko na, sinta ko, hanap-hanap kita.

Bakit nagtatampo't nilisan ako.

Kung mawawala ka sa piling ko, sinta.

Paano ang Pasko, inulila mo..."

Inilapag ni Marymae sa ibabaw ng dining table ang tray na kinalalagyan ng dalawang mangkok ng umusok-usok pa sa sobrang init na ginataang mais. Kanina pa iniluto ni Marymae ang ginataang mais dahil alam nitong darating siya. May isa pa rin daw itong hinihintay na bisita. Pinainit lang ulit ni Marymae ang ginataan dahil alam nitong mas gusto niya iyong umuusok pa talaga sa init na ginataan at ayaw niya ng medyo mainit-init lang na ginataan.

"Sarap ng amoy!" sambit ni Jing-jing na nilanghap ang mabango at nakakagutom na usok ng ginataan.

Bigla niyang naalala na pareho sila ni Bell na paborito ang mainit na ginataang mais. Ang totoo pa nga niyan, madalas silang mag-agawan sa ginataang mais na iniluluto ng Lola Josephine nito kapag bumibisita siya sa bahay ng mga ito. Hindi niya alam kung nagkakataon lang ba o hindi na tuwing bibisitahin niya si Lola Josephine ay nagkakataong naroon din si Bell. Kaya naman hindi niya masolo-solo ang ginataang mais ng lola nito.

Mula noon hanggang ngayon ay nananatiling magiliw sa kanya si Lola Josephine. Kahit kadalasan hindi niya kasundo ang mga apo nito, hindi nagbabago ang turing sa kanya ng matanda. Tuwing kaarawan nga niya at tuwing Pasko ay laging nagpapadala sa kanya ang matanda ng paborito niyang ube-macapuno cake na bini-bake nito mismo. At ang maipag-bake ng cake ni Lola Josephine ay isang hindi pangkaraniwang kaganapan. Dahil bukod sa pagtatayo ng Josephine's Cuisine, isa rin sa pinakamahusay na chef at baker sa buong bansa si Lola Josephine. At maituturing na national treasure ang mga recipes nito.

Natikman na yata niya lahat ng klase ng ube-macapuno cake sa bansa pero tanging ang gawa lang talaga ni Lola Josephine ang sumasakto sa panlasa niya at hinahanap-hanap niya. Kung maaari nga lang ay linggo-linggo niyang hihilingin sa matanda na ipag-bake siya nito ng ube-macapuno cake. Pero nahihiya naman siya rito. Baka isipin nito abusado naman siya. Isa pa, tiyak niyang hindi rin iyon papayagan nina Bell at Marie. Mga killjoy na magkapatid!

"Uy, ayusin mo nga yung nakabusangot mong mukha. Nasa harap ka ng hapag, malas iyan," saway sa kanya ni Marymae.

Pinalis ni Jing-jing ang simangot sa mukha niya. hindi bale, malapit naman na ang Pasko. Siguradong padadalhan na naman siya ni Lola Josephine ng ube-macapuno cake sa Noche Buena.

Nagsalin si Marymae ng malamig na gulaman palamig sa dalawang baso at inilapit iyon sa dalawang mangkok. Saka ito naupo sa silya sa gawing kaliwa niya.

"O, hayan na, lamon na, mahal na reyna," ani Marymae sa kanya.

"Salamat! Sabayan mo na ako, huwag ka nang mahiya. Para ka namang others. Remember bahay mo ito."

"Loka-loka! Sasabayan naman talaga kita. Ano'ng akala mo para sa iyo iyang dalawang mangkok?"

SILVER BELLES SERIES 2-JING AND BELLTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon